Binulabog ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa magkasunod na operayong haras sa dalawang magkahiwalay na kampo militar sa bayan ng Milagros, Masbate noong Agosto 10. Pinatamaan ng BHB-Masbate ang kampo ng 93rd Division Reconnaissance Company sa Sityo San Jose, Barangay Hamorawon at kampo ng 2nd IB sa Barangay San Antonio alas-9 ng gabi.
Ayon sa yunit, bahagi ito ng pagpapamalas ng kanilang pagkundena sa isinasagawang Pacific Partnership 2024-2 (PP24-2) “humanitarian mission” ng mga tropang Amerikano at Pilipino sa Legazpi City, Albay sa rehiyong Bicol mula Agosto 1 hanggang 14.
Sa North Central Mindanao, hindi bababa sa anim na mga sundalo ng AFP ang napatay sa pag-atake at aktibong depensa ng BHB noong Marso at Hulyo. Samantala, 12 sundalo naman ang naitalang nasugatan sa mga armadong aksyong ito.
Sa Bukidnon, pinaputukan ng BHB ang nag-ooperasyong tropa ng AFP sa Barangay Manalog, Malaybalay City noong Hulyo 5. Samantala noong Marso 6, naunang nakapagpaputok ang BHB laban sa umaatakeng mga sundalo sa Barangay Indalasa. Nakapagdepensa naman ang BHB noong Marso 18 ng umaga sa Barangay Dominorog, Talakag.
Sa Lanao del Sur, nabigo ng BHB ang pag-atake ng AFP sa hangganan ng bayan ng Maguing at Bumbaran noong Marso 11.