Nakatakdang i-demolis ngayon ang mahigit 100 na mga bahay sa panabing kalsada ng Purok 3, 4, 5 at 6 ng Barangay Exciban sa bayan ng Labo dahil sa pagpapalaki ng kalsada na bahagi ng pagpasok at pag-opereyt ng pagmimina ng MLEDC sa Barangay Dumagmang, katabing baryo ng Exciban.
Ang nasa likod ng road widening na ito ay upang bigyang daan ang maluwag na pagpasok ng mga dambuhalang makinarya ng MLEDC na ayon sa inisyal na datos ay may lapad na 12 metro ang nasabing kalsada.
Bilang pagtiyak ng kumpanya na manatiling takot at busalan ang anumang paglaban ng mamamayang apektado ng open-pit mining at ang nasabing demolisyon, nakapwesto at may kampo ngayon ang militar sa Barangay Exciban, dalawang kampo ng pulis at militar sa Barangay Dumagmang at may nakatayo rin sa Barangay Malaya, iba pa ang nakapwesto sa Bagong Silang 1 na 2nd Police Provincial Mobile Force Company (PPMFC) na ang isang platun nga nito ay nasa Sityo Nalisbitan.
Nangangamba ngayon ang mamamayang apektado ng proyekto. Ayon sa mga residente, wala umanong problema kung kailangan nilang lumipat ng bahay ngunit dapat ay magkaroon ng makatarungang bayad sa halaga ng kanilang bahay. Kung babatayan kasi sa ilang karanasan na mga bahay na nahagip ng road widening ay binibigyan lamang ng ₱25,000 at hindi ang tunay na halaga ng isang bahay. Pwede namang ayusin ang kalsada na walang maapektuhang kabahayan.
Dati nang ipinabatid ng ACC sa masang CamNorteño na kailan man ay hindi kumontra at/o humadlang ang NPA-Camarines Norte sa kaunlaran. Ngunit ang kaunlaran ay hindi dapat pumiperwisyo sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Bukod dito, muli ring nililinaw ng NPA-Camarines Norte na ang mga ganitong klaseng proyekto lalot higit pag-aari ng mga pribado at dayuhang kumpanya ay hindi magsisilbi sa mamamayan kundi para magsilbi sa dayuhan at lokal na kapital.
Nananawagan ang ACC-NPA-CN sa lahat ng masang CamNorteño lalo’t higit sa mga residente ng Barangay Exciban at mga karatig barangay na magkaisa at isapubliko ang inyong pagtutol sa nakaambang demolisyon at dislokasyon nang dahil sa dayuhang kumpanya. Ngayon na ang panahon upang bigkisin ang pagkakaisa ng mamamayang direkta at indirektang apektado ng malakihan at dayuhang pagmimina. Kumilos tayo upang labanan ang mapanira at mapandambong na pagmimina.
Hinahamon rin ng ACC-NPA-CN ang mga Lingkod-Bayan na ngayon ninyo patunayan na kayo ay para sa mamamayan. Tumindig kayo sa mamamayang nagluklok sa inyo sa poder na inyong pinangakuan.
Ang “bahay” ay isa mga batayan at pangunahing pangangailangan ng isang pamilya para sa kanyang masisilungan. Ganun din, isa itong materyal na ekspresyon ng isang “tahanan” na dapat na tinitiyak ng estado na tinatamasa ng bawat pamilya at hindi ipinagkakait. Ang malakihang pagmimina ay malaki din ang pinsala sa kapaligiran, kalikasan at magdudulot ng dislokasyon sa mamamayan sa paretikular na lugar, kaya dapat na labanan at tutulan.