PRWC » Mamamayan ng Barangay San Mateo, ginigipit ng 70th IB at 80th IB

August 27, 2024


Mariing kinukundena ng NPA-Bulacan ang  magkakasunod na kaso ng red-tagging, intimidasyon, harassment at surveillance ng 70th IB at 80th IB sa mga residente ng Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan. Dahil dito, pakiramdam ng mga residente ay binabantayan na sila araw at gabi ng mga elemento ng 70th at 80th IB. at hindi na matahimik.

Ang mga lupain sa Barangay San Mateo, Norzagaray ay ilan sa mga lupaing kinakamkam ng pinakamalalaking panginoong maylupa sa bansa tulad ng pamilyang Araneta, Ayala, at Villar na nagpapalayas sa 300 pamilyang katutubong Dumagat at Remontado, at ng daan-daan ding mga pamilyang magsasaka.

Samantala, sa tabing ng National Greening Program ay kinakamkam at ipinagkakait sa mga katutubo at magsasaka ang magbungkal ng mga lupain habang walang ibinibigay na anumang alternatibo at sapat na hanapbuhay sa mga ito. Ilang ulit nang humarap sa mararahas na kaapihan sa kamay ng mga sagadsaring elemento ng Bantay Gubat ang mga nais magtanim at maghanapbuhay, tulad ng pamamaril, panunutok ng baril, kumpiskasyon ng kanilang kagamitan, panununog ng tanim, at marami pang iba.

Ang mga ito ay katunggali ng marubdob at lehitimong interes ng mga magsasaka sa lugar na makapagbungkal ng lupang matagal na nilang tinitirhan at pakinabangan ito bilang kabuhayan hanggang sa kanilang mga anak, apo, at mga susunod pang henerasyon. Gayundin, ng kagyat na karapatan na mabuhay at makakain sa gitna ng tumitinding implasyon. Ang mga mithiin na ito ang nais hadlangan ng mga pasistang pwersang 70th IB at 80th IB na naglilingkod sa ng naghaharing uring pamilyang nang-aapi sa kanila. Pinaparatangan silang may kaugnayan sa CPP-NPA upang bigyang katwiran ang pagbabantay at intimidasyon sa mga residente sa lugar.

Dapat kundenahin ang 70th IB at 80th IB sa kanilang mga kaso ng red-tagging, harassment at surveillance sa mamamayan ng Barangay San Mateo, Norzagaray at sa iba pang bahagi ng Bulacan. Matatandaang noong katapusan lamang ng Hunyo ay kasasagawa nito ng iligal na panghahalughog sa bahay ng residente sa Barangay Paradise III, San Jose Del Monte at malisyosong iniugnay ang residente sa CPP-NPA.

Nagpatuloy ito hanggang sa kasalukuyan kungsaan mula nang nagkampo na sa kanilang lugar ang mga kasundaluhan ay lalung dumami ang paglabag sa karapatang pantao. Marami ang kanilang sapilitang pinasusuko, iniinteroga at minamanmanan. Isinasapanganib ng mga ito ang buhay ng mga residente habang gumagana bilang galamay ng panunupil sa mamamayan at pagkakait ng kanilang mga batayan at demokratikong karapatan. Dapat nang manawagan ang mamamayan na palayasin ang 70th IB at 80th IB mula sa kanilang lugar. Samantala, hindi dapat matinag ang mga Bulakeño sa kanilang laban para mabuhay. Dapat nilang patuloy na ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa, tirahan, kabuhayan, at sa pakikibaka para sa mga ito.

Sa kahuli-hulihan, ang panggigipit at karahasan na ginagawang ito ng estado ay lalo lamang magmumulat sa mamamayang Bulakeño sa pangangailangan ng armadong pakikibaka para sa kanilang karapatan at interes. Gagatong ito sa pagkamuhi nila sa naghaharing sistema at sa mithiin nilang baguhin ito tungo sa isang lipunang makatarungan at maaliwalas.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Ang Bayan » Magsasaka, pinatay ng 94th IB; anak nito, pinagbabaril din

Isang magsasaka ang dinampot ng 94th IB mula sa kanyang

Documenting solidarity

A protester documents the speech of a Moro leader during