Kasuklam-suklam ang US sa lantarang paghadlang sa pagpapasok ng humanitarian aid para sa mamamayang Palestino habang tuluy-tuloy na sinusuportahan ang Zionistang Israel ng armas at rekurso sa gitna ng nagaganap na gerang Israel-Palestino. Sa kapinsalaan ng sanlibutan, hinihila ng US ang mga mamamayan ng daigdig sa paghahasik ng gera sa iba’t ibang sulok ng mundo upang isalba ang naghihingalong ekonomya. Kinakasabwat nito ang mga malakolonya, kabilang ang Pilipinas, upang isakatuparan ang mga pakana para manatiling nangungunang imperyalista sa daigdig.
Mag-iisang buwan nang tuluy-tuloy ang gera sa pagitan ng Zionistang Israel at mamamayang Palestino na nagresulta sa 7,326 sibilyang patay, karamiha’y mga bata, mula sa mga airstrike ng Israel sa Gaza. Habang lumalala ang mga kaso ng paglabag sa karapatang tao sa gitna ng gera, naglunsad ng serye ng mga pulong ang United Nations (UN). Pinakahuli ang ipinatawag nitong asembliya para magkaroon ng agarang humanitarian truce sa pagitan ng Israel at Hamas at paggigiit na maipasok ang mga ayuda sa Gaza. Sa asembliya, 120 bansa ang bumotong pabor (for), 14 na kontra (against) at 45 abstain.
Naganap ito noong Oktubre 27 matapos na ibasura (veto) ng US noong Oktubre 18 ang panukala ng 15-kasaping estado ng UN Security Council na magkaroon ng tigil-putukan (humanitarian pause) sa lugar upang bigyang daan ang pagpasok ng mga ayuda. Kasabay nito, ipinagpipilitan ng US na ideklarang “terorista” ang Hamas habang ginagatungan nito ang gera at inaatake ang mga karatig na bansa at kakampi ng bansa kagaya ng Lebanon sa tabing ng “pambobomba sa mga base at ari-arian nito”. Naghahasik ito ng lagim sa rehiyon at pinalalala ang digmaan para kumita.
Nais pa ng US na patuloy na pagkakitaan ng military industrial complex nito ang gera sa Gaza sa kapinsalaan ng mamamayang Palestino. Habang nagaganap ang digmaan sa Gaza, nagtutuluy-tuloy pa rin ang gera sa Ukraine at nananatili ang mga banta ng pagputok nito sa Asia Pacific sa pamamagitan ng pang-uupat ng US at pagpapaigting ng tensyon sa pagitan ng China at mga karatig-bansa. Ang Pilipinas ay isa sa mga masugid na tumatangkilik sa mga armas pandigma ng Israel kagaya ng Hermes na drone at mga cyberweapon laban sa mamamayan.
Sang-ayon sa mga plano ng US, bumoto ang papet na Government of the Republic of the Philippines (GRP) ng abstain sa asembliya ng UN. Sa loob ng bansa, nagdeklara si Marcos Jr. ng pagsuporta sa Zionistang Israel. Nakikoro din si Rodrigo Duterte sa pag-uudyok sa henosidyo laban sa mga Palestino. Nagpakana pa ang National Security Council sa ilalim ni Gen. Eduardo Año na ideklarang “terorista” ang Hamas. Walang puso ang papet na pangulong si Ferdinand Marcos Jr. sa mamamayang Palestino, gayundin sa mga Pilipinong nakadestino sa Israel at malamang na naipit sa gera roon. Sa tala ng reaksyunaryong gubyerno, may 30,000 Pilipino sa Israel habang 131 sa Gaza. Labas pa rito ang mga hindi dokumentadong migranteng Pilipino.
Ang pasya ni Marcos Jr. kaugnay sa Israel ay karugtong ng daang taong pagpapakatuta ng reaksyunaryong gubyerno sa imperyalismong US. Kagaya ng kanyang amo, may pananagutan ang mga papet na republika sa pagpapahirap sa mamamayang Palestino. Kasama ito sa 33 bansa, at tanging bansa sa Asia, na bumoto pabor sa pagtatayo ng bansang Israel na naghudyat sa henosidyo, pagpapalayas ng higit sa 700,000 Palestino at pananakop ng kanilang lupain noong 1948.
Gamit ang burgis na kanluraning midya ng imperyalismo, binabaluktot nito ang mga kaganapan at nagpapakalat ng disimpormasyon sa layuning salaulain ang makatarungang pakikibaka ng mamamayang Palestino para sa pambansang kalayaan at pagpapasya sa sarili. Ngunit sa katunayan, bigo ang US dahil nasa mamamayan ng Palestine ang suporta ng mamamayan ng daigdig. Nagpupunyagi ang mga tunay na mamamahayag at mamamayang Palestino na ilahad ang totoong mga kaganapan sa loob ng Gaza at Palestine.
Itinatakwil ng malawak na mamamayang Pilipino si Marcos Jr. at reaksyunaryong gubyerno sa pagpanig sa Zionistang Israel. Tumitindig ang mamamayang Bangsamoro, progresibo at naliliwanagang Pilipino para sa karapatan ng mga Palestino sa lupa at sariling pagpapasya. Sunud-sunod ang mga rali na naganap noong Oktubre 8 sa Cotabato City na nakapagtipon ng 10,000 estudyante, kababaihan at mga bata para ipanawagan ang suporta sa Palestine; at Oktubre 16 sa BARMM na nakapagtipon ng 12,000 katao sa Cotabato City mula sa Lanao, Cotabato, Tawi-tawi at Sulu; habang naglunsad ng mga solidarity protest sa Manila noong Oktubre 11 at Oktubre 27. Nauna nang nagpahayag ng pagsuporta ang Communist Party of the Philippines sa pakikibaka ng mamamayang Palestino para sa pambansang pagpapalaya at laban sa pananakop ng Zionistang Israel.
Dapat papag-alabin ng mamamayang Pilipino ang anti-imperyalistang pakikibaka. Humalaw ng inspirasyon sa magiting na pakikibaka ng mamamayang Palestino laban sa mas mabangis na pwersang Zionistang Israel na suportado ng superpower na imperyalismong US. Kailangang makipagkapit-bisig sa lahat ng mga mamamayan ng daigdig upang itutok ang nagkakaisang lakas para gapiin hanggang maibagsak ang imperyalismong US.###