PRWC » Mayaman ang prubinsyang Masbate subalit bakit labis ang paghihirap ng mga Masbatenyo?

September 3, 2024


Mayaman ang prubinsyang Masbate. Mayroon itong malapad at matabang lupaing agrikultural na higit pa sa sapat upang tustusan ang kabuhayan ng daan-libong pamilya sa prubinsya. Bagamat hindi masyadong mabundok, hitik ang kabundukan ng prubinsya sa mga yamang mineral na maaari sanang mapakinabangan ng ilan pang henerasyon.

Subalit sa ilang dekada’y nanatili ang Masbate bilang isa sa pinakamahihirap at pinakaatrasadong prubinsya sa bansa. Sa katunayan, ayon sa datos, ikalima ang Masbate sa pinakamahirap na prubinsya sa buong Pilipinas, at nangunguna sa buong Luzon, ngayong 2024.

Mayaman ang prubinsyang Masbate subalit bakit naghihirap ang mamamayang Masbatenyo? Ito ay dahil nakalukob sa Masbate ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na siyang dahilan sa pag-iral ng sistema kung saan iilan lang na naghahari at nasa kapangyarihan ang nakikinabang sa yaman ng prubinsya.

Patunay sa paghahari ng iilan sa Masbate ay ang laganap na kawalan ng lupa sa prubinsya. Kalahati ng kabuuhang kalupaan ng prubinsya, kabilang ang mga lupaing agrikultural ay deklaradong mga pasto na pagmamay-ari ng hindi aabot sa 150 malalaking pamilya lamang.

Ginamit ng malalaking angkan na ito ang kanilang kapangyarihan upang makaimpluwensya at makahawak ng mga pusisyon sa gubyerno. Gamit ang kapangyarihan, malawakang kinumbert ang mga lupaing agrikuktural bilang pastuhan upang makaiwas sa reporma sa lupa. Maging ang mga lupaing pag-aari ng publiko ay pinaupahan sa mga rantsero. Sa katunayan, mas malapad pa nga ang mga saklaw ng pasture lease agreements kumpara sa target saklawin ng reaksyunaryong reporma sa lupa.

Sa ilang dekada’y pinagsalu-saluhan ng mga pamilyang tulad ng Espinosa, Pecson, Florista, Bacunawa, Mortuegue-Larrazabal, Yulo, Sese ang paglimas sa yamang lupa at mineral ng prubinsya. Hanggang sa kasalukuya’y pinairal ng mga angkang ito ng panginoong maylupa ang pyudal na kultura ng karahasan upang apihin ang mga magsasaka, pagkaitan sila ng lupa at ibaon sila sa napakaatrasadong kalagayan.

Sa pamamagitan ng mga panginoong maylupang ito nakabwelo ang imperyalismong US sa pagdambong sa lupa at yamang-likas ng prubinsya. Nakaupo sa tone-toneladang ginto ang prubinsya subalit lahat ng ito ay nilimas at pinakinabangan lamang ng mga dambuhalang dayuhang kapitalista sa anyo ng malalaking operasyon sa mina, ekoturismo at imprastruktura tulad ng kumpanyang Filminera.

Lumubha ang kalagayan ng Masbate nang makaupo sa poder ang dinastiyang Kho. Ang mga Kho, laluna ang patriyarkong si Antonio, ang isa sa pinakatiwali, pinakagahaman at pinakateror sa kasaysayan ng prubinsya. Kinakatawan ngayon ni Gov. Kho ang hagupit ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa prubinsya.

Ang kawalan ng lupa ng mga Masbatenyo ay pinalala pa ng malawakang pang-aagaw ni Kho ng lupa mula sa mga magsasaka. Kahit pa ilang beses pagtakpan ng kanyang mga tao sa midya, hindi na lingid sa publiko ang pagpapatakbo ng mga Kho sa gubyerno bilang kanilang sariling negosyo. Ang kada buwang mga operasyon, presensya, abuso at pagpatay na ilinulunsad ng militar ay larawan ng sukdulang pang-aapi upang pigilan ang mga Masbatenyo na magkaisa at lumaban.

Hinangad ng mga Masbatenyo ang makabuluhang pagbabago sa kanilang katayuan at kabuhayan. Kung mayroong tunay na reporma sa lupa, matagal nang napasakamay ng mga magsasaka ang mga lupaing pinagsasasaan ngayon ng iilang angkan. Kung may pambansang industriyalisasyon, ang mga Masbatenyo sana ang nagpoproseso, lumilikha at nakikinabang sa sariling yamang lupa, tubig at mineral.

Ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon ay isa sa mga pangunahing dapat pag-usapan sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines at reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas. Sa paghadlang sa usapang pangkapayapaan, malinaw na iniiwasan ng rehimeng US-Marcos Jr. na tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian, sa prubinsya at sa buong bansa.

Ang paghahari ng mga tulad ni Kho, at ang tahasang pagkakait sa mga Masbatenyo ng sarili nilang lupa, karapatan at buhay, ang isa sa mga makatarungang dahilan kung bakit armadong nagrerebolusyon ang mga Masbatenyo. Hangga’t naghihirap, inaapi at pinagsasamantalahan ang mga Masbatenyo, hindi madudurog at ibayong susulong ang digmang bayan sa Masbate.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Pagbasura ng CA sa proteksiyon kina Castro at Tamano, kinondena – Pinoy Weekly

Tinanggihan ng dating Court of Appeals (CA) Special 8th Division

PRWC » AFP suffers 5 KIA in series of encounters in Moises Padilla and Guihulngan City

The LPC-NPA mounted a counteroffensive against attacking troops of the