Anim na armadong aksyon ang inilunsad ng mga Pulang mandirigma ayon sa ulat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa nagdaang mga linggo. Kabilang sa mga armadong aksyong ito ang pagpapatupad ng patakaran ng rebolusyonaryong kilusan sa pagtatanggol sa kalikasan.
Sa Quezon, isang sundalo ng 80th IB ang napatay at dalawa ang nasugatan sa armadong aksyon ng BHB-Quezon noong Setyembre 27 sa Sityo Mararaot, Barangay Lumutan, General Nakar. Ang naturang yunit ay halos dalawang linggo nang nag-ooperasyon sa lugar. Taliwas ang insidente sa idineklara noong Pebrero na “insurgency-free” ang General Nakar.
Sa Eastern Samar, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong tropa ng pinagsanib na 4th Scout Ranger Battalion (SRB) at 42nd IB sa Sityo Barayan, Barangay Pandol, Can-avid, Eastern Samar noong Agosto 23. Tahimik na nakadikit sa nag-ooperasyong tropang militar ang mga mandirigma ng BHB at nagpaputok nang limang minuto bago nakaganting putok ang mga sundalo. Dalawang elemento ng 4th SRB ang napatay habang tatlo ang nasugatan. Pilit itinago ng militar sa publiko ang kanilang pagkatalo dahil idineklara na nitong “insurgency-free” ang bayan ng Can-Avid.
Sa Oriental Mindoro, inatake ng BHB-Mindoro ang operasyong kwari sa gitna ng Ilog Bongabong, Barangay Hagupit, Bongabong noong Setyembre 20 ng hapon. Pinaralisa at sinunog ng mga Pulang mandirigma ang isang payloader na ginagamit sa operasyon. Ang kwari ay pagmamay-ari ng meyor ng Bongabong na si Elgin Malaluan. Ayon sa BHB, mahigpit na babala ang aksyong militar sa mga sumisira sa kalikasan sa buong isla.
Sa Western Samar, isang CAFGU at isang aset ng militar ang inambus ng mga operatiba ng BHB noong Setyembre 16 at 17. Ang dalawa ay sangkot sa mga operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at pangunahing mga aset sa paniktik na lubhang ikinapahamak ng masa sa lugar.
Sa Bukidnon, inisnayp ng mga Pulang mandirigma ang tropa ng 48th IB na nagbabantay sa isang tsekpoynt sa Barangay Cawayan sa Quezon noong Setyembre 13. Isang sundalo ang natamaan at agad na namatay.
Noong Setyembre 10, nakasagupa ng BHB-Bukidnon ang nag-ooperasyong tropa ng 89th IB sa Sityo Logdeck 6, Barangay Linabo, Quezon. Isang sundalo ang kumpirmadong patay at isa ang nasugatan ayon sa mga residente sa lugar.