PRWC » Pagpaslang sa mga Masbatenyo, bahagi ng desperasyon ng mga Kho na manatili sa poder

September 3, 2024


Mariing kinukundena ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Masbate ang pagpatay ng mga elemento ng 2nd Infantry Phil. Battaliion-Phil. Army sa 30-anyos na magsasakang si Tata Bacutin nito lamang Setyembre 1, 5:00 ng umaga sa Barangay Pili, bayan ng Placer. Si Bacutin ang ika-33 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Masbate sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Tulad sa karamihan ng mga biktima, pinalabas ng militar na napatay si Bacutin sa isang engkwentro.

Pinatay ang naturang magsasaka habang iniinda ng mga Masbatenyo ang epekto ng bagyong Enteng.

Malaki ang pananagutan ng dinastiyang Kho sa pagpaslang kay Bacutin at sa higit isandaang biktima ng pampulitikang pamamaslang mula nang maupo si Gov. Antonio Kho noong 2016. Ang pagtindi ng karahasan at terorismo ng AFP ay kabahagi ng desperasyon ni Gov. Antonio Kho na makapanatili sa kapangyarihan. Patunay dito ang ala-Duterte na pambabanta ni Rep. Wilton “Tonton” Kho na marami pa ang mamamatay sa Masbate kung hindi susuportahan ang kanyang pamilya sa darating na halalan.

Hindi rin malilimutan ang kahiya-hiya (at katawa-tawang) pagsuporta ng mga Kho sa patakarang pagpatay ng rehimeng Duterte at panawagang protektahan ang mga Duterte mula sa prosekusyon ng ICC. Malamang isa ito sa mga sisilipin sa sandaling kwestyunin ni Marcos ang katapatan ng mga Kho sa kanyang paghahari.

Tanda ng pagkaatrasado ng prubinsyang Masbate ang ilang dekadang pyudal na kultura ng karahasang pinangungunahan ngayon ng warlord at sindikatong paghahari ng mga Kho. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ang Masbate ay isa sa mga pinakamahihirap na prubinsya sa buong Pilipinas.

Ang AFP-PNP-CAFGU ang makabagong private army ng mga Kho at iba pang naghaharing uri sa prubinsya. Bilang kanilang goons, mas importante para sa mga Kho na busugin sa kurapsyon at dugo ang mga halimaw na militar at pulis kaysa buhay ng mga Masbatenyo.

Nakikiramay ang rebolusyonaryong kilusang magsasaka sa pamilya’t iba pang nagmamahal kay Bacutin. Buo ang suporta ng PKM-Masbate sa kampanya ng rebolusyonaryong hustisya na pinangungunahan ng Bagong Hukbong Bayan upang parusahan ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga krimen at panagutin ang mga utak sa likod ng mga pagpatay na ito.

Dapat maunawaan ng mga Masbatenyo na sa tuwing naglulunsad ng mga taktikal na opensiba at operasyong pamamarusa ang ating Bagong Hukbong Bayan, tiyak na hahanap ang kaaway ng napakaraming maruruming paraang labag sa internasyunal na batas upang gumanti. Kaugnay nito, malalabanan ng mga Masbatenyo ang mga ganting salakay ng kaaway sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa at sama-samang paghahanda at pagmamatyag ng mga komunidad upang maprotektahan ang bawat indibidwal mula sa panunugis ng militar.

Alam ng mga Masbatenyo na sa pamamagitan lamang ng armadong pakikibaka makakamit ang hustisya mula sa armadong pang-aapi. Handa ang mga Masbatenyo na harapin ang mga kaakibat na sakripisyo upang mapalakas ang kanilang Bagong Hukbong Bayan bilang paraan upang tuluyang wakasan ang armadong pang-aapi ng bulok na estado.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Ang Bayan Ngayon » Duterte, pinananagot ng Bayan Muna sa pagtatago kay Quiboloy

May pananagutan ang dating presidente na si Rodrigo Duterte sa

Russia-Africa Summit Ends With Signing of Final Declaration | News

Russian President Vladimir Putin and African leaders on Friday adopted