PRWC » Pagpupugay kay Kasamang Jesus “Jes” Gili, tunay na alagad ng rebolusyonaryong katarungan at kapayapaan


Pulang pagpupugay para kay Kasamang Jesus Gili. Isang huwarang rebolusyonaryo at tagapaglingkod ng bayan. Siya ay pumanaw sa edad na 67 noong Disyembre 2, 2023 sanhi ng karamdaman. Taos-pusong nakikiramay ang NDFP-Rizal sa kanyang asawa, mga anak at pamilya.

Si Ka Jesus o mas kilalang “Jes” sa nakararami ay nakilala naman sa Partido sa Timog Katagalugan sa kanyang pangalan sa pakikibaka na si Ka Journey at Ka Nico. Mahaba ang kasaysayan ng paglilingkod ni Ka Journey sa pambansa demokratikong pakikibaka at sa rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran mula pa noong kanyang kabataan. Subalit sa rehiyon ay tumatak ang kanyang ambag sa hanay ng pag-oorganisa sa taong simbahan upang paglingkuran ang masang inaapi.

Hindi matatawaran ang tagal ng kanyang paglilingkod na mula pa noong 1970 hanggang sa bago ang kanyang pagpanaw ay buong panahon pa rin siyang kumilos. Produkto si Ka Journey ng First Quarter Storm, namulat sa mga protesta, piket at demonstrasyon sa mga lansangan at pagawaan. Mula sa mga usapin sa eskwelahan, anti-Vietnam War, paglahok sa mga discussion group ng LRP ay nahulma ang kanyang determinasyon na ilaan ang buhay sa pakikibaka.

Taong 1973 nang siya ay nahuli ng kaaway habang papunta sa isang pag-aaral ay nasita ng pulis ang kanyang bag na may libro ng LRP. Nakaranas siya ng interogasyon, pisikal at sikolohikal na tortyur. Kahit sa loob ng piitan ay hindi tumigil si Ka Journey sa pakikibaka at lumahok sa kampanya sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, sa pagpapabuti ng kanilang kundisyon sa loob, maayos na pasilidad, pagkain at iba pa hanggang sa pagsasagawa ng hunger strike. Aniya ang oryentasyon sa kanila noon sa loob ng detensyon na ang kanilang pangunahing tungkulin ay makalaya sa anumang paraan at makabalik sa masa. Malaki rin ang naging tulong ng mga taong simbahan para mapagtagumpayan ang pakikibaka sa loob ng piitan upang sila’y makalaya.

Sa kanyang paglaya ay nagpatuloy sa paglilingkod si Ka Journey sa komunidad sa NCR. Muli siyang kumilos ng buong panahon at gumampan naman sa gawaing propaganda bilang staff sa produksyon at distribusyon. Taong 1980s nang gumampan siya ng gawain sa hanay ng mga manggagawa.

Sa panahon ng paglihis sa saligang prinsipyo noong dekada 80 hanggang sa paglulunsad ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) ay natagpuan pa rin ni Ka Journey ang wastong linya at matatag na sumandig sa Kilusang Pagwawasto. Muli siyang kumilos at muling pumaloob sa Partido sa rehiyong TK noong 1999. Mula 2001 ay inilaan na nya ang kanyang buong buhay sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga taong simbahan.

Pinamunuan ni Ka Journey ang mga taong simbahan upang itulak ang usapang pangkapayaan lalu na sa panahon ng rehimeng US-Duterte sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga forum para sa pag-eeduka sa hanay ng malawak na masa at mga panggitnang pwersa sa kahalagahan ng usapang pangkapayapaan, upang isulong ang sustantibong mga adyenda sa usapin ng katarungang panlipunan, karapatan pantao at sosyo-ekonomikong reporma na magsisilbi sa mga masa. Malaking bahagi ng kanyang pagkilos sa rehiyon ay sa hanay ng taong simbahan hanggang sa panahon ng kanyang pag-edad at karamdaman ay hindi ito nakahadlang sa kanya upang kumilos pa rin ng buong panahon.

Kahanga-hanga ang kanyang buhay na inilaan para magsilbi sa masa upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at ang kanilang demokratikong mga karapatan at interes sa balangkas ng pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. Isang huwarang kasama na may matatag na paninindigan at di matitinag na katapatan sa Partido si Ka Journey!

Mabuhay si Kasamang Jesus “Ka Journey” Gili!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Ibayong Sumulong at Ipagtagumpay ang Rebolusyon!



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!