Nobyembre 2, 2023 | Ipinapaabot ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Silangang Kabisayaan ang pinakamataas na Pulang saludo kay Kasamang Gil Giray, na kilala ng mga kasama at masa bilang si Ka Biboy, kilalang Pulang kumander, kadre ng Partido at magiting na tagapagsilbi ng mamamayan.
Halos isang taon na ang nakaraan nang brutal siyang paslangin, kasama ang limang iba pang Pulang mandirigma, ng pasistang rehimeng-US Marcos sa teroristang pambobomba ng 8th Infantry Division sa Barangay Imelda, Las Navas, Northern Samar.
Lubos kaming nakikiramay sa kanyang asawa, mga anak, mga kamag-anak at kaibigan sa kanyang pagkamatay. Nahuli man ang parangal na ito, hindi nito binabawasan ang aming pagtingala, ng buong Pulang hukbo at ng malawak na masa, kay Ka Biboy.
Nakilala rin si Ka Biboy sa mga pangalang Ka Orlan, Ka Godo at Ka Sido. Ipinanganak siya noong Setyembre 1, 1960 sa Barangay Palmera, Lao-ang, Northern Samar. Nagsimula siyang mamulat at kumilos habang nag-aaral sa San Roque National High School. Noong 1979 sa ilalim ng lagim ng pasistang diktadurang Marcos, sumampa si Ka Biboy sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na pinamunuan noon ni Rodante “Ka Walug” Urtal (Sa kanya ipapangalan ang kumand sa operasyon ng BHB sa Northern Samar). Kumilos ang nasabing yunit sa Lao-ang, na bahagi ng central-north na erya ng Samar. Mula noon hanggang siya ay mamartir, hindi umalis si Ka Biboy sa buong-panahong pagsilbi sa rebolusyon.
Noong 1980, inilipat si Ka Biboy sa pang-liaison na yunit na direktang nakapailalim sa Komiteng Rehiyon. Pagka 1981, hinuli siya ng pasistang rehimen sa Catbalogan City at dinala sa Matuguinao, Western Samar kung saan siya ikinulong. Kahit na hindi pa matagal sa kilusan, imbis na magtraydor at makipagtulungan sa kaaway nangibabaw ang kanyang diwang rebolusyonaryo—tumakas siya sa kulungan sa pamamagitan ng pagsisinungaling na maliligo siya. Nakaregrup siya sa mga kasamang kumikilos sa Matuguinao at kalaunan ay nakabalik sa dati niyang yunit noong 1982. Pagka 1983, naging sekretaryo siya ng kanyang kinabibilangang liaison unit.
Noong 1984, idineploy si Ka Biboy patungo sa Front Guerrilla Unit ng BHB sa Northern Samar kung saan naging bahagi siya ng yunit kumand ng kumpanya. Kalaunan, idineploy siya sa Regional Guerrilla Unit (RGU) kung saan siya magtatagal sa serbisyo. Nang maitayo ang unang batalyon ng RGU, naging pinuno siya ng weapons platoon hanggang sa maging upisyal ng isang kumpanya nito. Pagka 1992, sa tanglaw ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP), nilusaw ang nasabing batalyon. Gaya ng ibang kadre ng rehiyon, itinaguyod ni Ka Biboy ang IDKP at walang pag-atubiling lumahok sa gawaing masa kasama ang ibang Pulang mandirigma na nanatili sa RGU. Tumulong ang yunit na ito sa pagrekober sa erya ng Silvino Lobos, Northern Samar, at sa Calbiga-Pinabacdao sa Western Samar noong 1993-1995.
Noong 2005, pinamunuan ni Ka Biboy ang matagumpay na reyd ng BHB sa Barangay Cagpili, Oras, Eastern Samar. Mula 2007 hanggang 2013, nagsilbi siyang kumander ng Subregional Operations Command ng BHB-Leyte (Mt. Amandewin Command). Malaki ang naging papel niya sa gawaing rekoberi ng baseng masa sa prubinsya ng Southern Leyte, na noo’y nagtamo ng pinsala dahil sa mga kumalat na maling kaisipan sa loob ng kilusan na naiwasto rin.
Noong 2016 naging kumander si Ka Biboy ng Rodante Urtal Command ng BHB-Northern Samar sa ilalim ng pamprubinsyang komite ng Partido. Dahil sa kanyang malalim at malawak na kaalaman sa larangang militar sa rehiyon, noong 2020 ay itinalaga siyang kumander ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng BHB-Eastern Visayas (Efren Martires Command), tungkuling kanyang hahawakan hanggang sa kanyang pagkamartir.
Malinaw na modelong kadre militar si Ka Biboy. Walang makakapantay sa talim ng kanyang pag-alala sa mga pangyayari, sa mga pangalan at lugar, sa mga petsa ng operasyon, o sa bilang at kilos ng mga kolum ng kaaway. Sa harap ng makakapal na pakat, nahasa siyang kalmadong basahin ang sitwasyon. Ito ay dahil lagi siyang nakikipagkonsultahan sa mga responsableng kasama, kabilang ang masang magsasaka na alam niyang siyang may superyor na kaalaman ng tereyn, malayo sa mga diumano’y abanteng kagamitan ng pasistang militar. Lubos ang tiwala niya sa talino ng masa kung saan mahusay din siyang makipagkaisa, kaya gayon na lamang ang pagtitiwala nila kay Ka Biboy, ang kanilang minamahal na kumander.
Bilang tunay na Pulang kumander, mataas ang kaalamang pulitiko-militar ni Ka Biboy. Mahaba ang kanyang pasensya sa pagtulong at matiyagang paglilinaw ng mga prinsipyo at patakaran sa mga kasamang may kalituhan. Taglay ang kanyang mayamang karanasan sa gawaing masa, sa mga taon bago siya pumanaw ginabayan niya ang mas nakababatang Pulang mandirigma sa gawaing pagpapalawak at rekoberi, sa pag-aaral sa kalagayan ng masa at sa pakikipagkaisa sa kanila. Nagawa nilang muling maitayo ang mga organisasyong masa. Itinulak ni Ka Biboy ang mga kasama na maging malikhain at maghanap ng maraming paraan upang makamit ang nakatakdang misyon. Naging madali para sa kanilang makatrabaho at matuto sa kanya dahil sa kanyang demokratikong estilo ng pamumuno. Mataas ang pagrespeto sa kanya ng mga kasama.
Kasama ang kanyang minamahal na asawa at kapwa kasama, binuo ni Ka Biboy ang isang rebolusyonaryong pamilya. Iminulat nila ang kanilang mga anak sa pagiging makatarungan ng kanilang ipinaglalabang kawsa. Gaya ng ibang rebolusyonaryong magulang, nagsilbi ang kanilang mga anak bilang inspirasyon upang baguhin ang lipunan at pandayin ang mas maliwanag na kinabukasan para sa kanila.
Sa 43 taon ng tuluy-tuloy na pagsisilbi sa mamamayan, pinatunayan ni Ka Biboy ang lubos niyang paniniwala sa kawastuhan ng rebolusyon at ang bukal sa loob niyang pagtitiwala sa masa. Sa panahon ng tagumpay o kabiguan nanatili siyang matatag; hindi siya nagdalawang-isip sa bawat ipinagkatiwala sa kanyang responsabilidad anuman o saanman ito ipapatupad.
Bago pumanaw, naging bahagi si Ka Biboy ng sekretaryat ng Komiteng Rehiyon, na pinapamunuan ang Partido at BHB habang hinaharap ang pinatinding pag-atake ng rehimeng US-Marcos sa rebolusyonaryong kilusan. Mulat sa mga bagong hamon ng panahon, nagsikap si Ka Biboy na pag-aralan at subaybayan ang nagbabagong kalagayan upang sapat itong paghandaan.
Ang armas na nabitawan ni Ka Biboy ay pinulot at mahigpit na tinatanganan ngayon ng bagong hanay ng mga kabataang kadre at mandirigma na binibigo ang pasistang terorismo ng estado ng rehimeng US-Marcos. Taglay nila ang mga turo ni Ka Biboy at ng ibang mga martir ng rebolusyon, gayundin ang Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang abanteng ideolohiya ng proletaryado at masang anakpawis, upang pamunuan ang malawak na mamamayan na basagin ang kanilang takot, isulong ang demokratikong rebolusyong bayan, at kamtin ang makatarungan at maningning na sosyalistang hinaharap.
Mabuhay si Kasamang Gil Giray! Mabuhay ang anim na magigiting na martir ng Imelda at lahat ng martir ng rebolusyon!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!