Malinaw na malinaw na kagyat ang pangangailangan na muling ituloy ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Ito ay dahil ang mga suliraning panlipunan at pang-ekonomya at pampulitikang panunupil na nagbubunsod ng digmaang sibil ay patuloy na lumalala sa ilalim ng papet at pasistang rehimeng Marcos. Humihingi ang mga ito ng agarang atensyon at resolusyon.
Mayorya ng sambayanang Pilipino ay sinasalanta ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo, mababang sahod, kawalan ng kita, malawakang disempleyo at mababang kalidad ng trabaho, pangangamkam ng lupa, pag-aalis ng kabuhayan at iba pang sakit sa lipunan. Walang tigil ang mga ekstrahudisyal na pagpatay, labag sa batas na pag-aaresto at matagalang pagkukulong, mga pagdukot at pagwala, tortyur, anti-komunistang panunugis, militarisasyon at pag-hamlet sa mga komunidad sa kanayunan, mga aktibidad kontra sa mga unyon at iba pang anyo ng panunupil.
Ang kawalan ng katarungang panlipunan at kawalan ng tunay na demokrasya ay patuloy na nagtutulak sa taumbayan na humawak ng armas para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at ipaglaban ang kanilang mga adhikain para sa isang mas maliwanag na kinabukasan. Patuloy na isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buong bansa na may malalim at malawak na suporta ng mamamayan. Habang isinusulong ang armadong paglaban, bukas ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa sa posibilidad na muling ituloy ang negosasyong pangkapayapaan upang magsilbing karagdagang plataporma para igiit ng mamamayan ang kanilang mga adhikain para sa katarungang panlipunan at tunay na demokrasya.
Sa puntong ito, ang pag-asa na sumulong ang negosasyong pangkapayapaan ng NDFP-GRP ay lubos na nakadepende sa lakas ng boses ng sambayanang Pilipino at sa sama-sama nilang pagtulak sa gobyernong Marcos na pakinggan ang matagal nang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at ang kahilingan para sa pagwawakas sa mga pang-aabuso sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Ang negosasyong pangkapayapaan ay hindi lamang tungkol sa pagwawakas sa armadong tunggalian. Higit sa lahat, ito ay tungkol sa paglutas ng mga problemang nagbubunsod ng digmaang sibil.
Gayunpaman, nakalilito ang magkakaibang pahayag sa loob ng gabinete ni Marcos. Sinasabi ng ilang upisyal na “walang kalalabasan” ang usapang pangkapayapaan ng NDFP-GRP, habang sinasabi ng iba na sila ay “napaka-optimistiko.” Anu’t anuman, pinananatili ng NDFP ang patakaran na panatilihing bukas ang pintuan sa anumang alok ng GRP na pag-usapan ang kapayapaan alinsunod sa kapwa katanggap-tanggap na mga prinsipyo ng pambansang soberanya, demokrasya at katarungang panlipunan.
Lubos kaming nagtitiwala na ang mga adhikaing ito ay patuloy na kakatawanin ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), at ihahapag ito sa negosasyon.