Ang Artista at Manunulat ng Sambayanan-Rizal ay taos-kamaong nagpupugay kina Kasamang Jethro Isaac “Ka Pascual” Ferrer at Kasamang Peter “Rochie” Rivera. Sila ay mga pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at mga kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ibinuwal man sila nang pataksil ng mga buhong na kaaway ay naging tapat sila at nanindigan para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan hanggang sa kanilang huling hininga, buhay man ang naging kapalit. Lubos ang aming pakikidalamhati sa kanilang naiwang pamilya, mga kasama at mahal sa buhay.
Noong Nobymebre 13 ay nahuling buhay sa Barangay Buong Lupa, Gloria, Oriental Mindoro sina Ka Pascual at Ka Rochie habang dumadalaw sa pamilya ang isa pa nilang kasama. Patraydor na pinatay ng mga berdugong 76th IBPA sina Ka Pascual at Ka Rochie sa halip na ituring silang Bihag ng Digma. Makikita rin sa labi ni Ka Pascual na nakagapos ng tape ang mga paa ang bakas ng pagpapahirap bago siya pinatay.
Si Ka Pascual ay isang magiting na opisyal ng BHB sa Mindoro at kadre ng PKP. Inialay nya ang kanyang buhay sa edad na 31 gulang na walang pagod na naglilingkod sa masang inaaapi. Siya ay tubong Binmaley, Pangasinan at nag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños. Ang kanyang mga natutunan sa kursong Bachelor of Science in Devlopment Communication ay ginamit niya hindi lamang sa loob ng apat na sulok ng paaralan o para sa sariling kapakinabangan. Bagkus ito ay naging sandata at instrumento niya sa kanyang malawak na paglilingkod sa pinagsasamantalahang uri sa Timog Katagalugan.
Mula sa pamantasan, isiniwalat na ni Ka Pascual ang kalagayang ng panggigipit at mga isyus ng mga kabataang estudyante sa pamamagitan ng mga maiiksing bidyo, panulat, performance art, exhibit at iba pang medyum. Nagpasya siyang maging full-time volunteer sa panahon ng pambansang halalan 2010 at naitalaga sa lalawigan ng Rizal. Matapos ang eleksyon ay agad na rin siyang nagdeklara ng buong panahon na kumilos labas sa paaralan at tumutok sa gawaing propaganda.
Naging kasapi siya ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS) noong 2009 at di nagtagal ay pumaloob sa Partido Komunista ng Pilipinas-MLM. Hindi rin naging mahirap para kay Ka Pascual ang magdesisyon na sumampa na sa Bagong Hukbong Bayan matapos mag-exposure sa kanayunan noong Disyembre 2010. Buong-buo niyang niyakap ang pinakamataas na antas ng pakikibaka. Tangan ang kanyang armas at bitbit pa rin ang kanyang mga sandata na video camera at panulat, sinuong ni Jethro ang matagumpay na landas ng Armadong Pakikibaka.
Si Ka Jethro Isaac “Ka Pascual” Ferrer ay isang mabuti, mahusay at magiting na kasama. Huwarang kabataan at ehemplo ng katatagan, katapatan at katapangan. Siya ay isang magiting na lalaking may piniling kasarian. Kasabay ng pagrerebolusyon ay nakibaka rin sya sa pyudal-patriyarkal na kulturang nangingibabaw sa kanayunan at sa bahid ng burges na kulturang bitbit niya mula sa kalunsuran. Isang larawan din ng tagumpay ng makauring pagmamahalan at pagkilala sa may mga piniling kasarian ang naging buhay mag-asawa nila ng kanyang kabiyak sa Partido at BHB.
Higit pa sa isang dakilang obra ang kanyang buhay na inialay. Tanganan natin ang naiwan niyang sandata at ipagpatuloy hanggang sa tagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan na may Sosyalistang Perpektiba!