PRWC » Pulang saludo kay Ka Pascual, Pulang propagandista at manggagawang pangkultura!


“Hindi ko na maimagine ang sarili ko sa labas ng kilusan. Pero masaya nakong umabot ng 30 (years old) na buhay pa at patuloy na naglilingkod sa bayan.”

Pulang saludo at pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa Timog Katagalugan sa pagkamartir ni Jethro Isaac Ferrer, 31 taong-gulang, isang matapang at mahusay na kadre ng Partido at opisyal ng BHB sa Mindoro. Pataksil siyang pinaslang ng berdugong 76th IBPA kasama si Peter “Ka Rochie” Rivera matapos buhay na madakip noong Nobyembre 13 sa Barangay Buong Lupa, Gloria, Oriental Mindoro. Si Ka Rochie ay isa ring kadre ng Partido at opisyal ng NPA sa Mindoro na nagmula sa uring magsasaka.

Si Jethro Isaac ay higit na nakilala bilang Ka Baste sa hanggananag Quezon-Bicol, Ka Rio sa Palawan, Ka Migo sa Batangas, Ka Beth sa South Quezon-Bondoc Peninsula, Ka Nolan sa hangganang Hilagang Quezon-Rizal-Laguna, Ka Bundo at Pascual sa mga larangan sa Mindoro. Buong-puso kaming nagpapaabot ng pakikiramay sa kanyang asawa, mga magulang at kapatid.

Si Ka Pascual ay tubong Binmaley, Pangasinan at nagmula sa uring mababang petiburgesya. Ipinanganak siya noong Hunyo 30, 1992, panganay siya sa anim na magkakapatid at maaasahan ng kanyang mga magulang, maging ng kanyang lolo at lola na nagpalaki sa kanya. Palibhasa maimpluwensya ang kanyang lolo, bata pa lamang siya ay nalantad na sya sa pulitika sa kanilang lugar. Maagang naikintal sa kanyang kaisipan ang pagka-makabayan kaya bata pa lamang siya ay pinangarap niya nang maging sundalo. Pero habang lumalaki ay masasaksihan niya ang kabulukan at pagka-mersenaryo ng AFP, bibitiwan niya ang pangarap na magsundalo at maghahanap ng ibang karerang mas makakatulong sa kanilang pamilya at sa bayan.

Nag-aral siya ng kolehiyo sa University of the Philippines-Los Baños sa kursong Bachelor of Science in Development Communication. Dito siya higit na namulat sa kalagayan ng mga kabataang estudyante—ang panunupil sa kalayaan sa akademya at pamamahayag. Naging malaking katanungan sa kanya kung paano niya mapaninindigan ang kanyang kurso kung sa loob mismo ng pamantasan, na pag-aari ng gubyerno, ay sinusupil ang karapatan ng mga estudyante. Paano niya mapagsisilbi ang kanyang natutunan bilang iskolar ng bayan sa pagpapaunlad ng bayan at lipunan? Tuluy-tuloy siyang naghanap ng kasagutan at pumaloob sa iba’t ibang organisasyon ng mga estudyante, nakiisa at sumama sa mga pagkilos sa loob at labas ng kanilang pamantasan hanggang sa mga pambansang pagkilos sa Kamaynilaan.

Taong 2009 nang maorganisa siya sa Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS), isang lihim na pambansa-demokratikong organisasyon at sumusuporta sa armadong pakikibaka. Sa kasunod na taon ng 2010, nagpasya siyang buong-panahong kumilos sa kanyang sektor sa panahon ng pambansang halalan at nagpatalaga sa lalawigan ng Rizal. Matapos ang eleksyong nagluklok sa PML na si BS Aquino III, buong- panahong gumampan si Ka Pascual bilang propagandista. Ginamit niya ang kanyang kaalaman at kahusayan sa video editing para itambol ang kalagayan hindi lamang ng mga tulad niyang kabataang-estudyante kundi maging ng iba pang aping sektor sa lipunan, ng mga magsasaka at manggagawa. Kasabay nito, gumampan rin sya ng gawaing pag-oorganisa sa mga katulad niyang propagandista at manggagawang pangkultura sa sektor na kinabibilangan niya.

Di kalaunan ay narekluta siya bilang kasapi ng Partido at tuluy-tuloy na nag-aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo hanggang sa magpasyang mag-exposure sa isang yunit ng New People’s Army noong Disyembre 2010 sa Mindoro. Hindi natagalan, nagpasya siyang buong-panahong kumilos sa Pulang hukbo at tinanganan ang pinakamataas na porma ng pakikibaka, ang armadong pakikibaka at tuparin ang kanyang pangarap na maging sundalo—hindi ng mapang-aping estado, kundi ng mamamayan. Pagdating sa Hukbo, likas na masipag sa gawaing teknikal at militar si Ka Pascual, kaya mabilis siyang natuto sa pang-araw-araw na buhay ng Hukbo. Gumampan sya bilang giyang pampulitika, opisyal sa lohistika at naging Vice Squad Leader nang ilang panahon.

Setyembre 2012 nang muling binuo ang Panrehiyong Istap sa Propaganda at Kultura (RIPK) ay ipinaloob dito si Ka Pascual bilang kagawad. Sa pamumuno at gabay ng Komiteng Rehiyon sa TK, pinangunahan nina Ka Pascual ang pagpapasigla sa gawaing propaganda at kultura sa rehiyon. Naging manunulat siya ng Kalatas, Dagitab at mga pamamahayag sa rehiyon. Gumampan din siya sa gawaing reproduksyon ng mga Pulang pahayagan at iba pang lathalain, paggawa ng bidyo, pagiging war correspondent sa ilang piling taktikal na opensiba sa rehiyon atbp. Isa siya sa boses at may likha ng maraming mga bidyong inilabas ng Tanglaw Midya. Sa gawaing istap niya ibinuhos ang pinakamalaking bahagi ng kanyang buhay- rebolusyonaryo mula 2012 hanggang 2021. Ilang panahong hinawakan ni Ka Pascual ang pangangalihim sa gawaing propaganda at kultura sa rehiyon at kalaunan bilang pangalawang kalihim. Sa mga panahong ito, pana-panahon din siyang gumagampan ng gawaing masa sa saklaw ng rehiyon at nakilala ng masang magsasaka at katutubo sa hangganang Quezon-Bicol at North Quezon-Rizal.

Mula 2022 hanggang kasalukuyan ay gumampan si Ka Pascual ng gawain sa teritoryo sa isang larangang gerilya sa isla ng Mindoro, kung saan rin siya nahikayat na maging pultaym na mandirigma noong 2011. Hanggang bago siya mabuwal, gumampan siya bilang regular na kagawad ng Komite ng Partido sa Isla ng Mindoro at ubos-kayang nag-ambag para sa muling pagpapalakas at ibayong pagpapasigla ng rebolusyon sa buong isla.

Tulad ng marami, hindi naging madali para kay Ka Pascual ang pagpapanibagong-hubog sa loob ng Partido. Pinakamalaking hamon sa kanya ang paggampan bilang kalihim ng yunit pero hindi naging balakid ang mga ito para siya ay manghina at tuluyang umalis sa kilusan. Hindi niya kailanman naging krisis sa pagkilos ang kanyang pamilya dahil sa mahusay niyang gawaing pagmumumulat sa kanila at pagpapaunawa sa kahalagahan ng rebolusyon. Pero bilang mapagmahal na anak, apo at kapatid, palagi niyang naaalala ang mga ito at nagsilbing inspirasyon niya sa buong panahon ng kanyang pagiging rebolusyonaryo.

Larawan siya ng katatagan, katapangan at magiliw na tagapaglingkod ng masa. Mabuti rin siyang kaibigan para sa ilang mga kasamang matagal niyang nakasama sa gawain. Maaasahan rin siya laluna sa panahon ng mga kagipitan tulad ng pagbubuhat sa isang kasamang sugatan kahit na siya mismo ay inaapoy din ng lagnat. Isa siyang matapang na mandirigma sa harap ng kaaway. Pang-kumander ang kanyang boses na kayang mangibabaw kahit sa panahon ng putukan.

Si Ka Pascual ay lalaking may piniling kasarian at nakibaka sa pyudal-patriyarkal na kulturang namamayani sa kanayunan, ganundin sa bahid ng burgis na kulturang dala niya mula sa kalunsuran. Sa kilusan na rin niya nakilala ang kanyang naging kabiyak at naging dagdag niyang inspirasyon sa tuluy- tuloy na pagkilos at paglilingkod.

Nilagpasan na ni Ka Pascual ang edad na 30 pero maikli pa ang mahigit isang dekada niyang paglilingkod sa rebolusyon at sa sambayanan. Pero para sa kanya at sa marami pang rebolusyonaryo, hindi usapin ang ikli at haba ng iyong paglilingkod—kundi ang kabuluhan ng bawat araw at panahong inilalaan nila para kamtin ang dakilang adhikain ng masa na mawakasan ang pang-aapi at pagsasamantala sa kanila. Paboritong linya ni Ka Pascual ang isang linya sa tula ni Ka Joma na “courage to the last breath makes the Martyr live beyond death” (katapangan hanggang huling hininga ang bumubuhay sa isang Martir lagpas sa kamatayan). Ipinamalas ni Ka Pascual ang katapangan at katapatan sa dakilang simulain ng Partido at rebolusyon hanggang sa kanyang huling hininga, sa harap ng matinding tortyur at presyur ng kaaway na habambuhay niyang kinamuhian. At dahil dito’y habampanahong aalalahanin ng Partido, Hukbong bayan at mamamayan ng rehiyon at buong bansa ang kabayanihan at ambag ni Ka Pascual, isang dakilang anak ng bayan, Pulang propagandista at manggagawang pangkultura.###

___
Download: PDF



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!