PRWC » Sa gitna ng paghahanap ng mga pulis kay Quiboloy, ang sigaw ng taumbayan, si Duterte ang arestuhin

September 1, 2024


Ang isang linggo nang operasyon sa Davao City ng hindi bababa sa 2,000 tauhan ng pulisya na dinagdagan pa ng apat na kumpanya ng mga sundalo ng Army, sa ngayon, ay bigong arestuhin ang wanted na puganteng si Apollo Quiboloy. Si Quiboloy, na pinaghahanap dahil sa sex-trafficking at pang-aabuso sa kababaihan at mga bata, ay isa sa pinakamalapit na tau-tauhan ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Itinayo niya ang kanyang kaharian sa pamamagitan ng pangangamkam ng lupa at pang-aalipin sa kanyang mega-hacienda ng mga taniman ng saging na pang-eksport.

Ang mga operasyong ito ng mga tauhang pulis at militar ay bahagi ng lalong lumalalim at nagiging marahas na kontradiksyon sa pagitan ng iba’t ibang paksyon ng mga reaksyunaryong naghaharing uri, partikular sa pagitan ng naghaharing pangkating Marcos at ng dating nasa poder na pangkat ng mga Duterte. Isinagawa ito matapos palitan ni Marcos ang mga upisyal ng pulis na tapat kay Duterte ng sarili niyang mga tauhan.

Ginagamit ni Marcos ang operasyon sa pag-aresto kay Quiboloy para pahinain ang kaharian ni Duterte sa Davao alinsunod sa layunin niyang alisin ang lahat ng balakid sa kanyang ambisyong monopolisahin ang kapangyarihang pampulitika. Pinahintulutan niyang gamitin ang mababagsik na taktika at napakalakas na pwersa upang ipataw ang kanyang pasistang kapangyarihan sa Davao. Libu-libong pulis ang sumalakay sa pribadong pag-aari ni Quiboloy (na nagbabalatkayong isang relihiyosong lugar). Ang mga taong naakit ng “kaharian” ni Quiboloy ay pinagbarikada sa lugar at ipinangsanggalang sa karahasan ng mga pulis.

Inutusan ni Marcos ang mga pwersang pulis at militar na arestuhin ang pasistang warlord na si Quiboloy, ngunit ang mas malaki at mas kagyat na hinihingi ng sambayanang Pilipino ay ang pag-aresto at paglilitis kay Duterte mismo. Ang mga pamilya ng ilang libong napatay sa tinatawag na drug war ni Duterte at gerang panunupil sa bayan ay matagal nang sumisigaw na panagutin si Duterte at ang kanyang mga kriminal na tauhan sa kanilang hindi mabilang na mga krimen sa loob ng maraming taon na naka-upo sila sa kapangyarihan. Nagsampa sila ng kaso sa International Criminal Court at umaasang maharap siya sa paglilitis.

Si Marcos mismo ay binabatikos ng sambayanang Pilipino dahil sa nakinabang siya sa kapangyarihan ni Duterte, na nagbigay sa kanyang “uniteam” kasama si Sara Duterte ng “landslide” na tagumpay noong 2022 elections sa pamamagitan ng pandaraya at pagmamanipula ng dekompyuter na pagbibilang. Ang kanilang oportunistang pagkakaisa, gayunpaman, ay hindi nagtagal dahil kapwa walang hangganan ang kanilang kasakiman at ambisyong pampulitika.

Tulad ni Duterte, ganid si Marcos sa yaman at kapangyarihan, habang nagdurusa ang malawak na masa ng sambayanan sa gitna ng walang-awat na pagtaas ng presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin, mababang sahod, kawalan ng kita at pang-aagaw ng kabuhayan. Dahil sa kanyang pagkahumaling sa pasistang paghahari at terorismo ng estado, dinaranas ng bayan ang malawakang paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, na pumupukaw sa kanila na lumaban, ipagtanggol ang kanilang sarili at ipaglaban ang kanilang mga adhikain para sa tunay na kalayaan at demokrasya.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

PRWC » Usura: Pangingikil sa kanayunan

Halos lahat ng maliliit at panggitnang magsasaka ay nangungutang para

Ang Bayan » Protesta kontra-gera at AUKUS, inilunsad sa Sydney

Nagmartsa ang iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Sydney Anti-AUKUS