PRWC » Sa paggunita sa ika-75 anibersaryo ng rebolusyon sa China, itaguyod ang Marxismo-Leninismo-Maoismo


Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa uring manggagawa at mamamayan ng China, pati na sa internasyunal na proletaryado at lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan sa buong mundo, sa pag-alala sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republikang Bayan ng China. Ang demokratikong gubyernong bayan sa China ay naitatag matapos ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan noong Oktubre 1, 1949, sa pamumuno ng Partido Komunista ng China at ni Tagapangulong Mao Zedong.

Bagaman lumihis ang kasalukuyang pamunuan ng China mula sa rebolusyonaryong landas at tumalunton sa kapitalistang daan mula pa noong 1978, nananatiling wasto ang mga aral ng demokratikong rebolusyong bayan (1921-1949) at rebolusyong sosyalista (1949-1976), at dapat magsilbing gabay at inspirasyon para sa proletaryado at mamamayan sa buong mundo sa kanilang pagsusulong ng rebolusyonaryong paglaban sa imperyalismo, pasismo, at lahat ng reaksyon.

Sa pagdiriwang natin ng ika-75 anibersaryo ng tagumpay ng rebolusyon sa China, muli nating pinagtitibay ang kawastuhan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at ang pangangailangan na gamitin ito bilang teoretikal at ideolohikal na gabay sa praktika ng rebolusyonaryong pagkilos ng mga Pilipino, sa pagsusulong nila ng pambansa-demokratikong rebolusyon laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo.

Lubos na pinatunayan ng tagumpay noong 1949 ng demokratikong rebolusyong bayan sa China na nagmumula ang kapangyarihang pampulitika at panlipunan sa masa ng mga manggagawa at magsasaka na nagkakaisang kumikilos sa ilalim ng pamumuno ng rebolusyonaryong proletaryadong ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Sa pamamagitan ng armadong rebolusyon, pinatalsik nila ang makapangyarihang mga imperyalista at ang kanilang mga papet na naghaharing uring malalaking burgesyang komprador, malalaking panginoong maylupa at burukratang kapitalista na dumambong sa yaman ng China at nagkamal ng malaking yaman sa pagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka.

Malinaw na pinatutunayan ng tagumpay na iyon ang pagkamakatwiran at pangangailangang isagawa ang matagalang digmang bayan sa isang bansang malakolonyal at malapyudal. Sa loob ng halos tatlong dekada at sa iba’t ibang yugto ng rebolusyonaryong gera, nagsulong ang mga pwersang rebolusyonaryo sa China ng pakikidigmang gerilya, nag-ipon ng lakas, at nilampasan ang kalamangan sa militar at ekonomya ng kaaway. Mula noon hanggang sa kasalukuyan, ang mga aral mula sa matagalang digmang bayan sa China ay nagsilbing inspirasyon at gabay sa uring manggagawa at mamamayan sa pagsulong ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa mga malakolonyal at malapyudal na bansa sa iba’t ibang dako ng mundo.

Tinapos ng tagumpay ng rebolusyon sa China ang daantaong pagdurusa ng mga mamamayang Chinese sa atrasadong ekonomya at pang-aapi sa ilalim ng mga reaksyunaryong naghaharing uri at kanilang mga among dayuhan. Binigyang daan nito ang pagtatatag ng demokratikong estado ng bayan. Ang mga kongreso, kumperensya, at konseho ng mamamayan na kumatawan sa malawak na demokratikong sektor ng lipunang China ay nagbigay-hugis sa demokratikong gubyerno, na proletaryong pamumuno ang nasa ubod.

Ang demokratikong rebolusyong bayan at sosyalistang rebolusyon sa China ay isa sa pinakamahahalagang yugto sa kasaysayan ng rebolusyong proletaryo, kasama ang Paris Commune noong 1871 at ang Rebolusyon sa Russia noong Oktubre 1917. Sa tagumpay ng mamamayang Chinese, naitatag ang isang malaking sosyalistang kampo kasama ang China at ang Soviet Union—saklaw ang isangkapat ng mundo, na nagsilbing parolang nagbigay-liwanag sa rebolusyonaryong hinaharap.

Sa pagtagumpay ng kanilang rebolusyon laban sa imperyalismo at pyudalismo, nilikha ng mamamayang Chinese ang mga kundisyon para sa walang kapantay na pag-unlad sa ekonomwya, lipunan, at kultura. Sa loob lamang ng apat na taon (1949-1953), natapos nila ang rebolusyonaryong reporma sa lupa na nagpalaya sa puu-puong milyong magsasaka mula sa pagka-aliping pyudal at ginawa silang panginoon sa sarili nilang lupa. Itinatag ng pamahalaang bayan ang kontrol ng estado sa mga pangunahing sektor ng ekonomya.

Simula noong 1953, binagtas ng China ang landas ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon upang gawing modernong industriyal ang kanyang ekonomya, kung saan ang mabigat na industriya ang pangunahing salik, agrikultura ang batayan, at magaan na industriya ang tulay. Tangan ang kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya, nagbangon ang milyun-milyong mamamayang Chinese at binago ang pisikal, panlipunan, at pang-ekonomyang mukha ng China. Itinatag ang mga pabrika ng bakal at iba pang pangunahing industriya para lumikha ng mga makina at lahat ng klase ng produkto. Tiniyak na may sapat na pagkain, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan ang mamamayang Chinese. Ang edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, at iba pang serbisyong pampubliko ay ibinigay nang libre sa mga manggagawa at mamamayan upang itaas ang kanilang pamantayan sa pamumuhay.

Sa pagsulong ng sosyalistang rebolusyon sa China, nagtago ang mga modernong rebisyunista sa loob ng partido komunista at namumunong mga organo nito. Mga ahente ng burgesya ang mga modernong rebisyunista na sistematikong nagbago sa mga pangunahing prinsipyo ng Marxismo-Leninismo at nagtaguyod sa mga ideya at patakarang naglalayong agawin ang demokratikong kapangyarihan sa rebolusyonaryong masa at ilagay ang kapangyarihang pampulitika sa kamay ng mga burukrata at mga manedyer.

Matapos halawin ang mga aral mula sa kritikal na pag-aaral sa ekonomya ng Soviet Union, kung saan nakitang lumitaw ang modernong rebisyonismo at malao’y nagbalik sa kapitalistang daan pagkatapos ng 1956, inilantad ni Tagapangulong Mao ang mga “capitalist roaders” o yaong mga nagtutulak ng kapitalistang daan, na nasa pamunuan ng Partido Komunista ng China. Nanawagan siya sa mamamayan ng China na ipagtanggol ang sosyalistang layunin at labanan ang mga modernong rebisyunista.

Sa higit sa sampung taon mula 1966 hanggang 1977, matagumpay na isinulong ng milyun-milyong mga manggagawa at mamamayan ng China ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa ilalim ng pamumuno ng rebolusyonaryong proletaryado. Dala nila ang linya na “gagapin ang tunggalian sa uri, paunlarin ang produksyon,” na nagbigay diin sa pangangailangang labanan ang makabagong rebisyunismo bilang susi sa pagtatayo ng sosyalismo.

Inilahad ni Tagapangulong Mao ang makabagong teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado upang labanan ang modernong rebisyunismo, pigilan ang panunumbalik ng kapitalismo at isulong ang sosyalistang rebolusyon. Sa pamamagitan ng teoryang ito, itinaas niya ang Marxismo-Leninismo sa mas mataas na antas upang gabayan ang proletaryado sa buong makasaysayang panahon ng sosyalistang rebolusyon.

Pinatotohanan ang teorya ni Mao ng malao’y pag-agaw ng mga modernong rebisyunista sa kapangyarihang pampulitika mula sa proletaryado sa pamamagitan ng isang marahas na kontra-rebolusyon noong 1976. Binaklas ng mga modernong rebisyunistang lider ang mga komuna at kooperatiba upang hatiin ang masang magsasaka at hayaan silang magkanya-kanya. Ang mga komite ng manggagawa ay binuwag. Inagaw ng mga burukrata at manedyer ang kapangyarihan mula sa mga kamay ng mga manggagawa at mamamayan, kabilang ang karapatang magtanggal ng mga manggagawa sa ngalan ng tubo. Isa-isang tinanggal ang mga garantiya sa lipunan. Ang mga ito at marami pang ibang patakaran ay tanda ng pagbaling ng China patungo sa daan ng kapitalismo. Lumitaw ang isang estado na monopolyong burgesya mula sa mga burukrata na pribadong inangkin ang mga nilikha ng sosyalistang rebolusyon, habang daan-daang milyong manggagawa at magsasaka ang nasadlak sa lusak ng kahirapan.

Tulad ng inaasahan ni Mao kapag inagaw ng mga makabagong rebisyunista ang kapangyarihan, ang China ngayo’y naging isang sosyal-imperyalistang bansa—sosyalista sa salita, imperyalista sa gawa. Sa pagsisikap na itaguyod at pangalagaan ang interes ng estado na monopolyong burgesya at palawakin ang kanilang pribadong kapital, isinailalim ng gubyerno ng China ang daan-daang milyong manggagawa at magsasaka sa papalalang mga anyo ng pagsasamantala at pang-aapi upang pumiga ng pinakamalaking tubo. Kasabay nito, malakihang nag-eeksport ng kapital ang China (mga pautang at pamumuhunan) upang palawakin ang mga pinagkukunan nito ng hilaw na materyales, saklaw ng impluwensya, larangan ng pamumuhunan at kontroladong merkado. Mula sa pagiging isang rebolusyonaryong parola, kinakatawan ngayon China ang kadiliman ng pandaigdigang sistemang kapitalista, sa pagkasadlak nito sa kumunoy ng kapitalistang krisis ng labis na produksyon, istagnasyon, talamak na disempleyo, malawakang kahirapan at kawalang pag-asa sa daan-daang milyong mamamayan.

Sa pamamagitan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, inilalantad at nagbabangon ang mga manggagawa at magsasaka ng China, pati na rin ang mga intelektwal laban sa modernong rebisyunistang mga taksil na patuloy na nagkukubli sa likod ng bandilang Pula ng Partido Komunista. Upang isulong ang adhikain ng mamamayan, nilalabanan nila ang pinakamalulupit na anyo ng pampulitikang panunupil—malawakang paniniktik, panggigipit, pag-aaresto, tortyur at kamatayan. Gayunman, katulad ng ipinakita nila noon pa man, tiyak na magwawagi pa rin ang rebolusyonaryong proletaryado at mamamayan ng China.

Habang ginugunita natin ang ika-75 taon ng tagumpay ng rebolusyon sa China, humuhugot ng inspirasyon ang Partido Komunista ng Pilipinas at mamamayang Pilipino sa mga tagumpay ng mamamayang Chinese sa mahirap na pakikibaka para labanan at ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Katulad ng pagtindig ng mamamayang Chinese noong 1949, tiyak na babangon din ang mamamayang Pilipino upang wakasan ang malahalimaw at mabagsik na kaaway ng pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!