Binabati ng National Democratic Front of the Philippines sa probinsya ng Laguna ang patuloy na paglaban ng mamamayan para sa pagkamit ng kanilang mga pambansa at demokratikong karapatan, ngayong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.
Ginugunita sa buong daigdig ang araw na ito bilang pagkilala sa nagpapatuloy na pakikibaka ng mamamayan para sa karapatan at kalayaan. Bagama’t malayo na ang narating ng buong daigdig sa larangan ng pagkakaroon ng mas malawak na pagkakapantay-pantay, nananatili pa ring malayo ang karapatan para sa karamihan ng anakpawis.
Sa isang takdang lipunan, ang estado at ang uring naghahari rito ang nagtatakda ng anong karapatan ang maaaring matamasa ng mamamayan, at kung sino lamang ang makakatamasa nito. Sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan tulad ng Pilipinas, kitang kita natin kung paano nananatiling hindi pantay ang pagtamasa ng mga batayang karapatan.
Hindi pa rin natatamasa ng mayorya ng masang Pilipino ang mga batayang karapatang sosyo-ekonomiko para sa trabaho, lupa, edukasyon, at serbisyong panlipunan. Pinapatindi rin ng reaksyunaryong estado ang pasismo na sumisikil sa mga karapatang pulitikal ng mamamayan.
Naglulunsad ang estado ng kampanyang teror laban sa mamamayang Pilipino bilang tugon sa makatwirang hangarin nitong maipaglaban ang karapatan nila. Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 795 na bilanggong pulitikal na ginawan ng mga kaso bunga ng kanilang dedikasyon na pagsilbihan ang sambayanan at ipaglaban ang kanilang karapatan.
Kabilang na rito sina Mags Camoral, Steve Mendoza, Arnedo Lagunias, Renante de Leon, at marami pang mga manggagawa, magsasaka, at anakpawis. Kabilang din dito ang 12 na NDFP consultant na ikinulong ng rehimeng US-Duterte bilang bahagi ng “whole-of-nation” approach nito, kabilang na sina Adelberto Silva, Fr. Frank Fernandez, Ernesto Lorenzo, at iba pa.
Nakaugat ang ganitong krisis sa tatlong salot ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino—ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalsimo na itinataguyod ng mga malalaking burgesya komprador at panginoong maylupa. Hindi maaaring ihiwalay ang pakikibaka para sa karapatang pantao sa mas masaklaw na pambansa-demokratikong pakikibaka para sa tunay na kalayaan at kapayapaan.
Demokratikong rebolusyong bayan ang tanging maisasagot ng sambayanan para malutas ang krisis na ito. Sa pagsulong ng rebolusyon, nadedepensahan ng anakpawis ang kanilang mga karapatan habang linalansag ang mga galamay ng naghaharing uri na yumuyurak sa karapatan nila. Nangangahulugan ang tagumpay ng digmang bayan bilang tagumpay ng sambayanang Pilipino tungo sa isang lipunang malaya mula sa pangsasamantala at pang-aapi.
Binabati ng NDFP Laguna ang mga paunang hakbang ng GRP at ng NDFP Peace Panel na malutas ang ugat ng kronikong krisis sa bansa sa pamamagitan ng paglahok muli sa usaping pangkapayapaan. Isa itong mahalagang hakbang tungo sa pagkamit ng karapatang pantao para sa masang anakpawis.
Kasabay nito, binabati rin ng NDFP ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa at Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na patuloy na lumalahok sa armadong pakikibaka at naglulunsad ng makatarungang digmaan alinsunod sa interes ng masang Pilipino. Magkakumplementong larangan ng rebolusyon ang armadong pakikibaka at ang usaping pangkapayapaan, na may ultimong layunin na makamit ang Bagong Demokrasya na may sosyalistang perspektiba.
Hamon sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa Laguna na paigtingin ang ating pakikibaka para sa karapatan at pambansa-demokratikong tagumpay! Sa kanayunan, magpasampa ng pinakamalaking bilang ng mga mandirigma sa Bagong Hukbong Bayan at palawakin ang saklaw ng Pulang kapangyarihan sa lalawigan. Sa kalunsuran at sa mga lugar na hindi pa naaabot ng BHB, pag-alabin ang rebolusyonaryong diwa ng mamamayan tungo sa isang malaking bigwas laban sa lahat ng pwersa ng reaksyon.
Pag-alabin ang diwa ng rebolusyon! Isulong ang digmang bayan para sa karapatan at pambansang demokrasya! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!