PRWC » Tumutungo sa marahas na tunggalian ang umpugan ng mga naghaharing paksyon


Nakumpirma na dumating sa Pilipinas ang mga tauhan ng International Criminal Court (ICC) para mag-imbestiga sa krimen laban sa sangkatauhan na kasong isinampa laban kay Rodrigo Duterte at kanyang mga kasapakat. Ayon sa mga abugado ng mga biktima, tapos na ang imbestigasyon laban kay Duterte. Halos tapos na rin ang imbestigasyon sa iba pang pinangalanang kasapakat, kabilang ang kanyang anak at kasalukuyang bise-presidente na si Sara Duterte. Hindi malayong ilalabas ng korte ang mandamyento de aresto laban sa kanila ngayong taon.

Tahimik na naisagawa ng korte ang imbestigasyon sa kabila ng paulit-ulit na pagsabi ng rehimeng Marcos na hindi nito papayagan ang ICC na pumasok sa bansa. Bago nito, nagbukas ang rehimen na “pag-aaralan” ang isang resolusyon sa Kongreso na naglayong klaruhin ang katayuan ng Pilipinas matapos bumaklas ito sa korte noong 2019.

Ang mga ito’y bahagi ng mga hakbang ni Marcos na bakbakin ang kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya ng pangkating Duterte, na tuluyang lumusaw sa naging alyansa nila noong nakaraang eleksyon. May kaugnayan ito sa mga hakbangin ng rehimeng US-Marcos na kontrahin at paatrasin ang impluwensya ng China sa Pilipinas, alinsunod sa dikta ng US.

Mula nang matapos ang termino, walang tigil ang pagmamaniobra ng pangkating Duterte para ipreserba ang sariling pampulitika at pang-ekonomyang interes. Sa harap ng kumikitid nitong kapangyarihan, kaliwa’t kanan ang mga pampulitikang maniobra at pag-iiskema nito, kabilang ang planong patalsikin si Ferdinand Marcos Jr sa poder.

Pinakikilos ni Duterte ang mga heneral na nabundat sa kanyang termino para himukin ang kanilang mga tauhan na “mag-atras ng suporta” sa naghaharing paksyon.

Noong huling mga buwan ng 2023, umugong ang paghahanda ng pangkating Duterte ng isang planong destabilisasyon para patalsikin si Marcos sa poder sa pamamagitan ng kudeta. Imbwelto rin sa panawagang “iatras ang suporta” kay Marcos ang mga upisyal na kadikit ng kampo ni Gloria Arroyo. May impormasyong naglaan ng isang bilyong piso ang pangkating Duterte sa ganitong plano. Pangunahing opereytor nito si dating Col. Nicanor Faeldon, upisyal na itinalaga ni Duterte noon sa Bureau of Customs.

Aktibong sinalag ng pangkating Marcos ang mga planong ito sa pamamagitan ng higit pang panunuhol sa mersenaryong militar para bilhin ang katapatan ng mga heneral. Inatras nito ang pangungulekta ng kontribusyon para sa pensyon, pati ang pagtatakda ng mas mahabang termino para sa mga itatalagang hepe ng militar para pagbigyan ang kagustuhan ng mga heneral na magsalit-salitan sa poder at tumanggap ng mas malalaking pabuya sa pagretiro. Katuwang ang US, pinatatag ni Marcos ang hawak nito sa militar sa pamamagitan ng pagbuhos ng pondo para sa “modernisasyon” ng AFP at “pagkukumpuni” ng mga pasilidad at mga kampo. Ang naturang paghahanda ay nagsisilbi rin sa permanenteng pagbabase ng mga tropa at gamit-militar ng US sa bansa.

Sa atas ng US, binuhay ng rehimeng Marcos ang Counterintelligence Group (CIG) sa loob ng AFP noong Enero 11. Ang CIG ay espesyal na yunit na itinayo noong 1989 para kontrahin ang mga pakanang kudetang laban kay Corazon Aquino. Ayon sa AFP, liban sa pagkontra nito sa mga planong destabilisasyon, aakto rin ito laban sa mga pakana ng “impiltrasyon, pang-eespiya at pananabotahe.”

Tuluy-tuloy na iniipit at pinagkakaitan ng kapangyarihan ni Marcos ang mga Duterte at si Arroyo gamit ang Kongreso sa pamumuno ng pinsan nitong si Martin Romualdez. Kasabay ng mga ito ang paglusaw ni Marcos sa malalaking kontrata sa imprastruktura na pinasok ng rehimeng Duterte kasama ang gubyerno at mga negosyo ng China.

Ipinakikita ng lantarang pagbabangayan ng mga pangkating Marcos, Arroyo at Duterte ang hindi na mapagkakasundong hidwaan sa pagitan ng naghaharing mga paksyon. Sa malao’t madali, hahantong sa armadong salpukan ang pag-uumpugan ng mga pangkating ito. Salamin ito ng lalim ng krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal na nagbubunsod ng pagkitid ng paghahatian ng mga paksyong pawang ganid sa yaman at kapangyarihan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!