PRWC » Uring magsasaka, magkaisa, magbigkis at makibaka para sa lupa, buhay at karapatan!


Kaisa ng pinakamalawak na hanay ng mamamayan sa Timog Katagalugan at buong bansa, dinadakila at pinagpupugayan ng Communist Party of the Philippines-Southern Tagalog ang uring magsasakang Pilipino sa matatag nitong pagharap at paglaban sa kagutuman, kahirapan at karahasang hatid ng rehimeng US-Marcos II. Sa lugmok na sitwasyong kinasasadlakan ng bayan, nararapat na militanteng tugunin ang hamon ngayong Buwan ng Magsasaka—paigtingin ang pakikibaka para sa lupa, buhay at karapatan, singilin ang rehimeng US-Marcos II sa mga kapabayaan nito at panagutin sa lahat ng krimen laban sa masang magsasaka at iba pang inaaping mamamayang Pilipino.

Puspusan ang pangangayupapa ng rehimeng US-Marcos II sa imperyalismong US sa kapinsalaan ng masang anakpawis, laluna ng magsasaka. Sa ilalim ng kanyang rehimen, largado ang importasyon ng bigas at iba pang mga produktong agrikultural na nagsadsad sa presyo ng mga lokal na produkto. Pinupwersa ng importasyon ang mga Pilipinong magsasaka na makipagkumpitensya sa mas abante at/o subsidized na produksyong agrikultural sa ibang bansa. Bago pa man ang rehimeng Marcos, naitala noong 2019 at 2022 ang mahigit ₱155 bilyon gastos ng reaksyunaryong gubyerno para mag-import ng 14.1 milyong metriko-toneladang (MT) bigas. Iniresulta nito ang aabot sa P300 bilyong kawalan sa kita ng mga lokal na magsasaka. Sa ilalim ni Marcos II, nakoronahan ang bansa bilang pinakamalaking importer ng bigas sa buong daigdig sa pag-import ng 3.8 milyong MT sa pagitan ng 2022-23. Mula Enero hanggang Oktubre 3, iniulat ng Department of Agriculture na aabot na sa 3.29 milyong MT ang inimport na bigas. Para higit pang palalain ang sitwasyon, iniutos ni Marcos II nitong Hunyo ang EO 62 na nagpapaliit sa taripa ng imported na bigas mula 35 tungong 15%. Higit nitong pararamihin ang dami ng imported na bigas sa lokal na merkado at bibigyang-daan ang pagbabagsak ng presyo ng palay sa farmgate.

Talong-talo ang mga magsasaka na binabarat ang presyo ng palay sa farm-gate—₱19-₱20 kada kilo sa TK nitong Setyembre. Sa kabila ng iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Setyembre na tumaas nang 12.7% ang farmgate price ng palay kumpara nakaraang taon, nagtala ang MIMAROPA ng 1.2% pagbaba mula 2023, habang 22.65% naman na pagbaba ng presyo kumpara nakaraang buwan.

Napakasaklap nito para sa magsasaka. Mura ang kanilang palay subalit napakamahal, higit doble, ang presyo ng bigas. Ang pangakong P20/kilo bigas ni Marcos II, naging ₱29/kilo sa mga tindahang Kadiwa na kakarampot lamang ang nakakabili. Sa pagsandig ng reaksyunaryong estado sa importasyon, ibayong sumisirit ang presyo ng pagkain dahil madali itong maimpluwensyahan ng pagpihit ng presyo sa pandaigdigang merkado. Hindi kataka-takang sa sariling konserbatibong pagsisiyasat at pag-aaral ng PSA noong 2021 ay tinukoy ang mga magsasaka bilang isa sa mga “sektor” na pinakamahihirap sa bansa, kasunod ng mangingisda sa inilabas nitong ulat noong Marso 2023.

Ang kondisyong ito ay ibayo pang pinalala ng kawalan ng suporta ng rehimen sa lokal na produksyong agrikultural, dahilan para ganap na malugi o bumagsak ang kabuhayan nila laluna sa panahon ng panananalanta ng mga kalamidad. Dahil sa imperyalistang pangwawasak sa kalikasan at kapaligiran, papatindi at papadalas ang penomenon ng El Niño. Resulta nito, halos buong taong sinasalanta ng kalamidad ang pananim ng mga magsasaka—tagtuyot sa panahon ng tag-araw, at malawakang pagbaha at malalakas na bagyo naman sa panahon ng tag-ulan. Sa MIMAROPA pa lamang, higit P1 bilyon ang naitalang pinsala sa agrikultura ng pananalasa ng El Niño sa unang hati ng taon. Sa pagpasok naman ng tag-ulan nitong Hulyo, nalubog sa baha ang mga panananim ng mga magsasaka sa buong rehiyon dahil sa sunud-sunod na bagyo.

Asin sa sugat ang tugon ni Marcos II sa hinaing ng magsasaka—mga palpak na proyekto sa agrikultura na kinopya sa amang diktador tulad ng Kadiwa at Masagana 99. Matatandaang hindi tumagal ang Kadiwa ng matandang Marcos dahil sa paulit-ulit na kapalpakan sa pangangasiwa at di-istableng presyo. Samantala, ang malawakang monocropping ng imported na hybrid na panananim sa ilalim ng Masagana 99 ay nagdulot lamang ng di-mapapanag-uling pagkawasak ng kapaligiran, pagbagsak ng kabuhayan ng mga magsasaka at pagpatay sa mahigit 4,000 lokal na klase ng binhing palay na mas angkop itanim sa katangian ng Pilipinas.

Tulad ng resulta sa panahon ng kanyang ama, palpak pa rin ang mga ito sa panahon ni Marcos II at lubhang napakalayo sa paglutas sa suliranin sa kagutuman at kahirapan sa kanayunan. Ang bersyon ni Marcos II na Masagana 150 o 200 na pagtatayo ng mga mega farms ay kaagad na sinalubong ng mga kritisismo dahil paniguradong panibagong iskema na naman ito ng rekonsentrasyon ng malalawak na lupain ng mga magsasaka sa kamay ng mga pinapaborang panginoong maylupa (PML) ni Marcos II. Samantala, ang ipinagmamalaking Kadiwa ay mayroon lamang 17 regular na gumaganang tindahan, mula sa tinukoy na 230 na lugar na lalagyan. Napakalayo nito sa target na 800-1,000 sa susunod na apat na taon. Sa TK pa lamang na isa sa rehiyong pinakamalapit sa Maynila, hindi kilala ng masang magsasaka ang mga tindahan ng Kadiwa liban sa nakikita nila sa balita at internet. Napakakaunti ng naseserbisyuhan at nakakabili sa mga tindahang Kadiwa, kaya’t kalokohang ibandila ito bilang solusyon sa mataas na presyo ng mga bilihin.

Sa panahon din ni Marcos II nagsara ang pinakamalaking iluhan ng tubo sa rehiyon, ang Central Azucarera de Don Pedro, Inc. (CADPI) sa Nasugbu, Batangas noong Disyembre 2022. Pinatay nito ang kabuhayan ng daanlibong masang magsasaka, manggagawang-bukid, planter (may-ari ng malalawak na tubuhan), at manggagawa sa CADPI. Pinabilis nito ang malawakang pagpapalit-gamit ng lupa sa Kanlurang Batangas para sa interes ng mga dayuhan at lokal na negosyo.

Sa mga lugar kung saan may aktibong paglaban ang mga magsasaka sa lupa o namamayani ang tagumpay ng mga pakikibakang magsasaka, aktibo ang sabwatan ng rehimen at ng mga PML sa pagpapakana ng iba’t ibang iskema para muling irekonsentra ang lupain pabor sa mga PML. Sa Cavite, tinatapatan ng karahasan o mga banta ng pandarahas ang pakikibaka ng mga magsasaka sa Lupang Ramos at Lupang Tartaria. Sa Laguna, naiulat ang sapilitang pagpapalayas sa mga magsasaka ng Hacienda Yulo sa pamamagitan ng iligal na pagbabakod at karahasan gamit ang bayarang goons. Sa Occidental Mindoro, inaresto at patuloy na hinaharas ang 29 katutubong Iraya-Mangyan at kanilang pamilya sa Hacienda Almeda, Abra de Ilog. Kabilang sa mga ito ang 12 menor-de-edad. Sa Nasugbu, Batangas naman, kinatigan ng Korte Suprema ang kautusan ng Department of Agrarian Reform na irekonsentra sa Roxas & Company Inc. ang mahigit kalahati ng lupaing napagtagumpayang mabawi ng sama-samang pagkilos ng masang magsasaka.

Sa mas malawak na kanayunan, kapansin-pansing kung saan naroon ang mayayamang kagubatan, produktibong lupain at sakahan, aktibo ang mga yunit ng AFP-PNP sa paglulunsad ng focused military at retooled community support program operations. Layunin nitong “linisin” ang mga lugar sa banta ng rebolusyon at bigyang-daan ang proyekto at interes ng lokal at dayuhang naghaharing-uri. Walang ibang hatid ito kundi ligalig at paralisadong buhay at kabuhayan ng mga magsasaka. Patuloy ang pagtarget ng mga kriminal at berdugong ahente ng estado sa mga magsasakang tumitindig at lumalaban, maging sa kanilang mga tagasuporta mula sa ibang sektor ng lipunan. Kabilang dito ang pagdukot sa organisador ng magsasaka sa Quezon na si Rowena Dasig at panghaharas sa mga kabataang aktibista at tagapagtanggol ng karapatang tao.

Malinaw para sa masang magsasakang Pilipino na wala silang mapapala sa rehimeng US-Marcos II kundi ibayong kahirapan at karahasan. Kung hindi lalabanan at ibabagsak ang bulok na estado, magpapatuloy ang ganitong mga pakana para sa preserbasyon ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino sa interes ng imperyalismong US. Tungkulin ng mga magsasakang Pilipino, bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon na yakapin ang pambansang pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya at itatag ang sosyalismo.

Dapat magkaisa ang uring magsasaka, bigkisin ang kanilang sariling lakas at isanib sa lakas ng iba pang aping sektor para ibunsod ang malawak na kilusang lalaban, sisingil, magpapanagot at magbabagsak sa rehimeng US-Marcos II. Kasabay nito, dapat malawakan at malaganap na isulong sa kanayunan ang rebolusyong agraryo at iba pang pakikibakang antipyudal para pahinain ang kapangyarihan ng mga PML. Isinusulong ito habang patuloy na pinalalakas ang mga samahang magsasaka at unti-unting itinatatag ang lokal na organo ng kapanyarihan sa kanayunan na mangangalaga at magpapaunlad sa panimulang mga nakamit na tagumpay ng kilusang magsasaka. Higit pa, dapat palakasin ng uring magsasaka ang kanyang Pulang hukbo, ang New People’s Army na tanging tagapagtanggol ng buhay at karapatan ng masang magsasaka. Ang paalun-along pagtitipon ng lakas sa kanayunan ang bubuo sa pinakamakapangyarihang bigwas na ihahambalos ng masang Pilipino sa panahon ng dakilang pagkubkob sa kuta ng kapangyarihan ng kaaway sa kalunsuran.###



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!