PRWC » Wakasan ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala, lutasin ang malawakang kahirapan at kagutuman! Itanghal at dakilain ang uring magsasaka!


Ngayong Oktubre, buwan ng mga Magsasaka, dinadakila ng National Democratic Front-Palawan ang malawak na hanay ng uring magsasaka kabilang ang mga manggagawang bukid at mga mangingisda sa probinsya at buong bansa. Dapat itanghal ang kanilang kabayanihan sa araw-araw nilang pagpapagod at pagpapakasakit, katuwang ang uring manggagawa, upang pakainin ang buong lipunan sa harap ng sukdulang pagpapahirap ng rehimeng US-Marcos II.

Ang ekonomya ng Pilipinas ay atrasado, pre-industriyal at agraryan. Mayroon itong 124,400 ektarya ng lupang agrikultural na kalakhan ay maliitan at hiwa-hiwalay ang produksyon. Lubhang inaapi at pinagsasamantalahan ang masang magsasaka na bumubuo ng halos 75%. Pinahihirapan sila ng pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala ng uring panginoong maylupa, laluna ang malalaking kumprador-panginoong maylupa kasabwat ang papet at pahirap na estado ng rehimeng US-Marcos II. Tahasang ibinubuyangyang ng kasalukuyan at bawat nagdaang administrasyon ang bansa sa monopolyo kapitalistang pandarambong sa anyo ng direktang pamumuhunan, kolonyal na kalakalan, ayuda at mga proyekto sa tabing ng USAID.

Sa Palawan, inilunsad ng Department of Agriculture-Mimaropa, kasama ang pribadong kumpanyang debeloper na DAI Global LLC, nitong Setyembre ang 1st Regional Farmer and Fisheries Clustering and Consolidation Cluster Summit para sa implementasyon ng Safe Water Project. Nangangarap ang rehimen at imperyalismong US na makakamit ang seguridad sa pagkain at tubig sa probinsya sa pamamagitan lamang ng nasabing programang patubig at mga pabalat-bungang programang pangkabuhayan.

Itinakda ni Marcos II ang kanyang sarili bilang kalihim ng Department of Agriculture upang direktang kontrolin ang produksyong pang-agrikultura sa bansa. Sa pamamagitan nito, ipinatupad niya ang liberalisasyon sa agrikultura at labis na pagsalig ng bansa sa import ng mga produktong pang-agrikultura sa kapinsalaan ng lokal na mga prodyuser, pangunahin na ng masang magsasaka. Ipinagpatuloy niya ang Rice Tariffication Law na isinabatas ng nagdaang rehimeng US-Duterte. Nagresulta ang mga neoliberalisasyon ng pahirap at anti-magsasakang patakaran ng rehimen sa agrikultura. Dinisloka nito ang kabuhayan ng mga magsasaka’t manggagawang-bukid bunsod ng labis pagbaha ng mga imported na produktong agrikultural.

Kaugnay nito, inianunsyo ng mga upisyal ni Marcos II noong Setyembre ang planong pagbabawas hanggang pagtatanggal ng taripa sa imported na bigas para diumano’y “ibaba ang presyo” nito sa pamilihan. Lalo nitong pababahain ang imported na bigas sa pamilihan at hihila sa presyo ng bentahan ng palay sa kapinsalaan ng mga magsasakang Pilipino. Ang planong ito ng rehimen ang ipinampalit sa bigong Executive Order 39 ni Marcos II matapos itong salungatin ng kanya ring sariling mga opisyal at pag-angal ng mga maliliit na manininda at negosyante. Hindi nito tinupad ang pangakong bigyan ng subsidyo ang mga magsasaka kapalit ng itinakdang mababang presyo ng palay.

Kabalintunaan na habang sumisirit ang presyo ng bigas sa pamilihan, sumasadsad naman ang kalagayan ng mga magsasaka sa palayan. Sa maraming bayan sa Palawan, ang pinakamura nang halaga ng kada kilo ng bigas sa pamilihan ay ₱50. Partikular sa Narra, ibinebenta ng mga magsasaka ang kanilang produktong palay sa halagang ₱21 lamang sa farm gate. Sa ganito, luging-lugi ang kalakhan ng mga magsasaka dahil sa mataas na gastos sa produksyon, laluna ang petrolyo at abono. Malaki rin ang gastos sa pagpapagiling. Nananatiling maliitan at hiwa-hiwalay ang produksyon, di mekanisado at malaking bahagi sa probinsya ay nakaasa lang sa ulan para sa patubig. Kung isinadsad pa ng rehimen ang presyo ng palay sa farmgate sa ₱19-₱23 kada kilo para sa mga tuyong palay at ₱16-₱19 kada kilo para sa basang palay, malaking dagok ito para sa magsasakang Palaweno lalo’t wala namang ayuda at suportang ibinibigay para sa kanila. Nitong mga nakalipas na malalakas na hagupit ng bagyo at habagat, daan-daang ektarya ng palayan sa hilaga at gitnang Palawan ang lumubog sa baha ngunit kapos at barya lamang ang ayudang ibinigay sa kanila ng lokal na gubyerno.

Sa ilalim din ng rehimeng US-Marcos II, inaprubahan ang mga proyektong reklamasyon, renewable energy at mina at pinadali ang pagdambong ng mga dayuhang kapitalista sa rekurso ng bansa. Matatandaang hayagang inilalako ni Marcos at kanyang mga alipures sa mga dayuhang monopolyo kapitalista ang Pilipinas para sa pagmimina. Dahil dito, tiyak na namang dadami ang mga operasyon ng mga dambuhala at mapaminsalang mina laluna sa Timog Palawan. Wawasakin nito ang kalikasan at kapaligiran at magdidisloka pa sa tirahan at kabuhayan ng malaking bilang ng magsasaka at katutubong Palaweño.

Sa kabila ng kahilingan ng mga magsasaka at katutubo na itigil na ang mga plantasyong monocrop tulad ng oil palm, lalong iniengganyo ng estado ang pagpapalawak sa mga ito. Sa mga plantasyong ito, nilinlang ang mga magsasaka at katutubo na pumirma sa kontrata. Malubha ang umiiral na malapyudal na pagsasamantala rito tulad ng kawalan ng benepisyong dapat na natatanggap ng mga manggagawang-bukid at walang nireregular sa kanila. Napakababa rin ng pasahod sa kanila na umaabot lamang ng ₱215 kada araw.

Dagdag pa rito ang ginagawa ng rehimen at lokal na reaksyunaryong gubyerno na iskema ng pagpapalit-gamit ng lupa tungong iba’t ibang klasipikasyon upang kamkamin ang lupa ng mga magsasaka. Noong Setyembre, gumugulong na ang muling pagtatasa sa gamit ng lupa sa El Nido na tiyak na magbibigay-daan sa ibayong pagpaparami ng mga pook para sa eko-turismo at residensyal sa nasabing bayan.

Nalulunod din sa kahirapan ang mga mangingisdang Palaweño sa kakaunting nahuhuli nila dahil sa mapanggipit na mga patakaran ng rehimen at lokal na gubyerno sa pangingisda. Tampok dito ang pagbabawas ng araw kung kailan sila maaaring makapaglaot sa saklaw ng karagatan na limitado rin. Dahil din sa mga patakarang neoliberal, maging ang isda na kanilang nahuhuli ay may kakumpetensyang mga imported na produktong isda sa pamilihan. Bukod sa ginagawang pagtataboy at panggigipit ng mga sasakyang pandagat ng imperyalismong China, abala rin sa mga mangingisda ang halos buwan-buwang mga ehersisyong militar ng imperyalismong US at mga alyado nito sa karagatang saklaw ng eksklusibong sonang pang-ekonomya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Kasabay ng ribalan ng dalawang malaking imperyalistang bansa sa WPS, target ng pandarahas ang mga magsasaka sa walang-puknat na focused military operations at retooled community support program operations ng rehimen. Ang mga lehitimo at makatarungang pakikibaka ng mga magsasaka at iba pang mamamayang Palaweño ay laging nire-redtag para bigyang katwiran ang pandarahas sa kanila. Pinakahuli ang iligal na pag-aresto at pagdetine sa anim na indibidwal na kabilang sa mapayapang nagpoprotesta sa iligal na operasyon ng Ipilan Nickel Corporation.

Hindi kailanman malulutas ng estadong malakolonyal at malapyudal ang kahirapan, malawak na kagutuman at mataas na implasyon sa Palawan at sa buong bansa dahil pinanatili nito ang mapagsamantalang relasyong pyudal at malapyudal na nagpapahirap sa mga pangunahing prodyuser ng pagkain sa bansa—ang magsasaka at mangagawang bukid. Pangunahin dito ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa kaakiba’t ang pambansang industriyalisasyon na siyang tanging magbibigay katiyakan para sa seguridad sa pagkain ng bansa. Dagdag na pahirap sa mga magsasaka ang mataas na gastos sa produksyon, burukratikong korapsyon, liberalisasyon at malakihng importasyon ng mga produktong agrikultural, pagpapalit-gamit at pangangamkam ng lupa sa kapakinabangan ng malalaking burgesya kumprador at mga dayuhang agri-korporasyon,

Malubhang naapektuhan din ang mga magsasaka ng pagpapalawak ng minahan, pagkalason ng tubig dahil sa mga kemikal gamit sa pagmimina, plantasyong monocrop, pagkasira ng kalikasan na nagpabago ng klima na nagdudulot ng kalamidad dala ng mas dumadalas na malalakas na mga bagyo at pagbaha. Lahat ng ito ay nagdudulot ng panlipunang ligalig.

Sa kabila na sagana sa likas na yaman ang bansa at kung tutuusin ay kaya nitong makatayo-sa-sarili at tiyakin ang seguridad sa pagkain, subalit dahil sa papet na estadong sunod-sunuran sa dikta ng imperyalistang globalisasyon nanatili ito sa pagiging atrasado, pre-industriyal at agrikultural. Hindi ito makalikha ng surplas na kapital para ibunsod ang industriyalisyon sa bansa upang lutasin ang kahirapan at kagutuman.

Nananawagan ang NDF-Palawan na sa ganitong kalagayan, walang ibang solusyon sa problema ng masang magsasaka kundi isulong ang digmang bayan. Dapat silang magkaisa at palakasin ang hanay at tumalima sa pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Dapat makipagkaisa sa iba pang inaaping uri at sektor sa lipunan sa balangkas ng pambansang nagkakaisang prente.

Isulong ang rebolusyong agraryo na may maksimum na layuning kumpiskahin ang lupa ng malalaking panginoong maylupa at malaking burgesyang kumprador para sa libreng pamamahagi ng lupa sa wala at kulang ang lupa. Sa kagyat ay ibubunsod ang pagpapababa ang upa sa lupa, pagpawi ng usura ng komersyante-usurero, pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid at pagpapataas ng produksyon bilang minimum na layunin.

Kaalinsabay ay dapat ipanawagan ang sapat na ayuda at subsidyo sa mga magsasaka, pagbabasura ng mga neoliberal na patakaran, tampok ang Rice Tarrification Law at ang malawakan at malakihang importasyon ng produktong agrikultural.

Dapat ding labanan ang pasismo at terorismo ng estado na tinatarget ang nakikibakang magsasaka at iba pang aping sektor para sa kanilang mga lehitimong interes at demokratikong mga karapatan.

Tanging sa pagtatagumpay lamang ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan mawawakasan ang pyudal at malapyudal na pang-api at pagsasamantala sa masang magsasaka at sa buong sambayanan. Itatayo ang estadong tunay na magsisilbi sa mayorya at mawawakasan sa bansa ang kahirapan at malawak na kagutuman.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!