PUV modernization: Pagtambak ng surplus?

February 5, 2024


Isang tagumpay kung ituring ang paglipat ng franchise consolidation deadline ng public utility vehicles (PUVs) hanggang Abril 30. Pero dismayado rin ang ilang drayber, opereytor, at komyuter sa hindi pagbasura ng administrasyon sa PUV modernization program nito. 

Ayon sa Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), isa sa mga dahilan ng pagtutol nila sa itinutulak na programa ang  anila’y napakamahal na halaga ng bagong PUVs na nirerekumenda ng pamahalaan.

Paliwanag ng grupo, mahigit dalawang milyong piso ang halaga ng isang modern PUV unit, pero humigit-kumulang Php 180,000 lang ang kasalukuyang subsidy ng gobyerno sa pagbili nito. Kailangang utangin ng mga drayber at opereytor sa mga bangko ang natitirang halaga.

Ayon kay Ruben Baylon, tagapagsalita ng Piston, 12% na taunang interes ang itinakda ng mga bangko sa mga pautang nito sa mga drayber at opereytor. 

“Lalo kaming mababaon sa utang. Kaya naman sinasabi namin, ito ay isang programa na ang tanging layunin ay pagkakitaan ang mga drayber at opereytor,” Ani Baylon. Iginiit niyang isang serbisyo at hindi pribadong negosyo ang pampublikong transportasyon. 

Ayon sa transport groups, mayroong mga lokal na manufacturer na bumubuo ng jeepney na kayang ibenta ang isang unit sa mas abot-kayang presyo. Pero karamihan daw sa mga nirerekomendang unit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang Euro-4 compliant units na mula sa Japan. 

Ang Euro-4 ay isang pamantayan sa mababang carbon emission ng mga makina at sasakyan. 

‘Makadayuhang modernisasyon’

Nitong Enero 19, nagprotesta ang grupo ng mga kabataan sa tapat ng Asian Development Bank o ADB sa Ortigas para tutulan ang PUV modernization program ng pamahalaan. Idiniin nila ang papel ng ADB sa pagtutulak nito.

Isang international financial institution ang ADB at pangunahing bumubuo nito ang bansang Japan.

Nitong nakaraang taon, pumirma ang pamahalaan ng US$1 bilyon na loan agreement sa ADB para sa modernisasyon ng public transport sa Davao.

Plano rin ng ADB na gawing US$100 bilyon ang pondong pampautang nito sa mga bansa sa Asya-Pasipiko para anila’y tulungan ang mga gobyerno na makabili ng mga sasakyang may mababang carbon emission.

Pero ayon sa grupong League of Filipino Students (LFS), hindi ito ang tunay na layunin ng ADB. Ayon sa grupo, nagbubuhos ng maraming pautang ang ADB para maibenta ng Japan ang sobra-sobra nitong sasakyan na may Euro-4 engine. Anila, marami pang hindi naibebentang modern PUVs ang Japan mula pa noong 2005. 

Ayon kay Elle Buntag ng LFS, tila hinayaan ng administrasyon na gawing negosyo ng Japan ang lumalalang krisis sa transportasyon sa bansa.

“Matigas ang Marcos Jr. administration na hindi bigyan ng alternatibo ang mga jeepney drivers and operators,” aniya.

Rehabilitasyon

Hiling ng transport groups at mga taga-suporta nito ang rehabilitasyon ng tradisyunal na jeepney para sumunod ito sa bagong pamantayan. Mas mura raw itong gawin para sa mga tsuper at opereytor, kaysa bumili ng mga unit na nirerekumenda ng pamahalaan.

Dagdag nila, imbes na itulak ng administrasyong Marcos Jr. ang programang anila’y dayuhan ang nakikinabang, dapat na ring paunlarin ng pamahalaan ang lokal na industriya na kayang lumikha ng mga piyesa at makinang kinakailangan para sa modernisasyon. Makalilikha rin daw ito ng trabaho para sa libu-libong Pilipino, na magpapaangat sa ekonomiya ng bansa.

“Sa pamamagitan ng pagtatayo ng industriya na kayang lumikha ng sarili nating mga produkto na papakinabangan ng lahat ng mamamayang Pilipino, hindi na natin kailangan ng pautang ng Asian Development Bank, hindi na natin kailangan ng mga sobrang Euro-4 technology ng Japan, at magkakaroon pa ng kasiguruhan sa kabuhayan,” ani Buntag.

The post PUV modernization: Pagtambak ng surplus? appeared first on AlterMidya.



Source link

Don't Miss

Is the ‘Artista’ bloc behind Zubiri’s ouster due to injury dispute? »

Marc Jayson Cayabyab – The Philippine Star, May 25, 2024

Tomo 22, Isyu 15

Tomo 22, Isyu 15 Source link