QCU, tutol sa red-tagging – Pinoy Weekly


Nilinaw ng Quezon City University (QCU) na hindi sila sumusuporta sa red-tagging ayon sa kanilang opisyal na pahayag nitong Okt. 1 kaugnay ng ikatlong youth leadership summit ng pamantasan noong Set. 3 hanggang Set. 5.

Matapos maging bahagi ng talakayan sa summit ang kontrobersiyal na kasaysayan ng terorismo ng Pilipinas, sinabi ng pamantasan na hindi nila sinusuportahan ang anumang porma ng red-tagging o militarisasyon na maaaring magpahamak sa mga mag-aaral.

Ayon sa QCU, isinasagawa ang leadership summit kada taon upang bigyan ng kaalaman ang kabataan sa mahahalagang usapin sa pamumuno, kamalayan sa cyber security, pagbabago ng klima, pagpapanatili at pag-unlad ng kapaligiran, at paglaban sa ilegal na droga.

Mariing itinanggi ng pamantasan ang anumang ugnayan ng kanilang aktibidad sa red-tagging at pinanindigan ang pagsusulong sa akademikong kalayaan. Tinitiyak nila na walang ahensiya o institusyon ang maaaring makialam o magdikta ng mapanupil na adyenda sa kanilang mga programa.

“Ang QCU ay nananatiling may academic freedom at walang intervention ng kahit anong ahensiyang nagsusulong ng represibong agenda,” pahayag ng pamantasan.

Nagpahayag naman ng suporta sa paglilinaw ng QCU ang lokal na balangay ng Kabataan Partylist sa lungsod.

“Hindi natin papayagan na gawing kasangkapan ang ating mga eskuwelahan para patahimikin ang kabataan at baluktutin ang kasaysayan,” ani Matthew Acutim, ikalawang tagapangulo ng Kabataan Partylist Quezon City.

Tinurol ng grupo na pakana ito National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na pangunahing instrumento ng estado sa patuloy na red-tagging at pananakot sa kabataan at mamamayan, hindi lang sa nasabing lungsod kundi sa buong bansa.

Anila, bilyon-bilyong piso ang ginagamit ng ahensiya upang patahimikin ang kritikal na pag-iisip ng kabataan at mamamayan, imbis na gamitin ang pondo sa mga batayang serbisyo tulad ng edukasyon at kalusugan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!