Nagsumite ng pormal na reklamo ang grupong BPO Industry Employees Network (BIEN) sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Nob. 11 kaugnay ng iba’t ibang paglabag ng mga kompanyang business process outsourcing (BPO) sa karapatan ng mga empleyado noong mga nagdaang lindol at bagyo. Anila, kailangan ng mga agarang imbestigasyon.
“Ang buhay at kaligtasan ng mga manggagawa ang dapat unahin. Walang sinumang empleyado ang dapat ilagay sa panganib alang-alang sa negosyo,” sabi ng grupo.
Matapos isiwalat sa social media ang mga kompanyang “business-as-usual” habang nananalasa ang Super Bagyong Uwan noong Nob. 9, idiniretso na ng BIEN ang mga reklamo sa DOLE.
Nabanggit sa kanilang reklamo ang sapilitang onsite work at Notice to Explain (NTE) sa panahon ng sakuna habang “token measures” gaya ng libreng shuttle at pagkain lang ang kapalit ng kaligtasan ng mga empleyado.
Sa kanilang reklamo, lumabas na 26 na kompanya ang sapilitanf nagpatupad ng onsite na trabaho, 61 ang tuloy-trabaho kahit may sakuna at 11 ang nag-isyu ng NTE.
Giit ng grupo, labag ito sa Occupational Safety and Health (OSH) Law at DOLE Labor Advisory No. 17, Series of 2022 na nagsasabing hindi dapat patawan ng anumang administratibong parusa ang mga empleyado na hindi makapasok o tumangging pumasok sa trabaho dahil sa napipintong panganib na dulot ng sama ng panahon at mga katulad na pangyayari.
Kabilang din sa kanilang reklamo ang mga nakaraang labag sa batas na patakaran noong Bagyong Tino at magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.
Inutusan agad umano ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang mga regional office na magsagawa ng pagsisiyasat sa mga kompanyang BPO na inirereklamo dahil sa sapilitang pagpapapasok kahit delikado ang panahon.
Matatandaang ang kawalang aksiyon ng DOLE sa mga hinaing ng grupo ang naging dahilan para isapubliko ang listahan at panawagang protektahan at unahin ang kapakanan ng mga manggagawa.
Hinihikayat ng BIEN ang mga kompanyang BPO at ang DOLE na kilalanin ang karapatan ng mga manggagawa na tumangging magtrabaho sa delikadong sitwasyon at panagutin ang mga employer na inilagay ang mga manggagawa sa panganib.
