Government Services

Rider na pumila para sa P5,000 ayuda, binawian ng buhay sa Quezon Memorial Circle –

Rider na pumila para sa P5,000 ayuda, binawian ng buhay sa Quezon Memorial Circle –


“Imbes na ayuda ang makukuha, abuloy na!”

“Sa halagang 5k, buhay ang kapalit!”

Ilan lamang ito sa mga matalim na pahayag ng mga netizen kaugnay sa insidente ng pagkasawi ng 44-anyos na lalaking delivery rider na pumila lamang para makakuha ng P5,000 fuel assistance sa Quezon Memorial Circle noong Abril 18.

Pahirap na distribusyon

Makikita sa ilang Facebook posts hinggil sa insidente na sinusubukan pang i-revive ng mga kapwa niya rider ang lalaki.

Sadyang pahirapan sa maraming delivery riders para lamang makatanggap ng ayuda sa gitna ng mainit, mahaba at napakabagal na pila. Ayon pa sa ilang rider, aabot sa 15 oras na silang nakapila sa initan para lamang makuha ang kakarampot na ayuda.

May ilan pang nagbahagi kung paano sila hindi tanggapin bunsod ng umano’y lukot na dokumento, tulad ng photocopy ng lisensya na halos hindi maiiwasang bagay matapos ang matagal na paghihintay at mababad sa tirik na araw.

Noong Pebrero 25 din ay may ulat na nakaranas ng seizure ang isang jeepney driver na nakapila rin para makatanggap ng naturang ayuda.

Hustisya sa lahat ng biktima ng kapalpakan ng gobyerno

“Nakamamatay ang maging mahirap!” pahayag ng Defend Jobs Philippines.

Ayon sa grupo, hindi dapat humahantong sa ganitong trahedya ang paghahanap ng kaunting tulong ng mamamayan mula sa pamahalaan.

Noong Marso 15 lamang nagsimula ang pamamahagi ng fuel subsidy na pangunahing target ang rehistradong public utility vehicle (PUV) drivers at operators tulad ng jeepneys, taxis, UV Express, tricycle, motorcycle taxis, TNVS, gayundin ang mga nasa delivery services.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), higit 17,600 riders ang inaasahang makakakuha ng naturang ayuda mula sa pamahalaan sa distribusyon nito noong Abril 18. Sa NCR, umabot na rin sa 319,678 indibidwal ang nakatanggap ng ayuda na may kabuuang halagang 1.6 bilyon.

Ipamamahagi ang naturang ayuda sa pamamagitan ng DSWD gamit ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

“Nanawagan kami sa pamahalaan na magsagawa ng agarang imbestigasyon sa insidente, tiyakin ang pananagutan sa kapabayaan ng bigayan sa ayuda at magbigay ng agarang tulong sa naiwang pamilya ng biktima! Higit sa lahat, panahon nang pakinggan ng pamahalaan ang panawagan ng mga manggagawa: lumikha ng disenteng hanapbuhay, magpatupad ng nakabubuhay na sahod, tiyakin ang sapat na kita at palawakin ang social protection para sa lahat! Hustisya sa lahat ng biktima ng kapalpakan ng gobyerno!” panawagan ng DJP.

Loading spinner





Source link

Manila Today
Manila Today

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning