Sa DAMbana ng Turumba


Mayroong nais itayo na malaking mga dam sa bayan ng Pakil sa lalawigan ng Laguna. Subalit may kontradiksyon sa pagitan ng korporasyon at tagapamahala ng proyekto at mga mamamayan ng bayan.

Sa kasaysayan ng mga sinasabing “proyektong pangkaunlaran” ng gobyerno, kabilang ang malalaking dayuhang dam at minahan, makikita na ang mahihirap na mamamayan ang bumabalikat ng kaakibat na problema ng pinaplanong proyekto.

Ahunan at Belisama Dam

Sa isang maliit na bayan na nananahan sa gitna ng mayamang bulubundukin ng Sierra Madre at Laguna de Bay nais itayo ang Ahunan Pumped-Storage Hydropower Plant Project na popondohan ng isang joint venture sa pagitan ng dalawang developers: ang Prime Metro Power Holdings Corporation at JBD Water Power Inc. Isa sa nagmamay-ari nito ay si Enrique K. Razon Jr., isa sa pinakamayamang negosyante sa bansa at kilalang malapit sa kasakuluyang gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Habang nais din magtayo ng Belisama Hydropower Corp. (BHC) ng kaperahong dam sa Pakil at Pangil sa Laguna na nagkakahalagang P41 bilyon. Pag-aari ito ni Gregorio Araneta III, bayaw ng pangulo. 

Sa paliwanag ng Ahunan Power, isa sa mga kompanya sa ilalim ng Prime Infrastructure Holdings, ito ay 1400 megawatt na dam at isang power plant na gamit ang tubig. Ginagamit ang tubig galing sa mababang lugar, sa Laguna de Bay, para mag-imbak ng enerhiya sa mas mataas na lugar, sa Bundok Ping-as.

Ayon kay Engr. Vernon Edward Valero, residente ng Pakil, mataas ang hazard level sa bundok ng Pakil na magiging dahilan ng landslide sa lugar. Larawan ni Deo Montesclaros.

Kinuha ng proyektong dam ang pangalan sa isang sagradong aktibidad ng mga deboto ng Dambana ng Mahal na Birhen ng Turumba na “Ahunan sa Ping-as.” Sa sagradong pagtitipon na ito umaahon o umaakyat ang mga deboto sa Sierra Madre, partikular sa Ping-as, para manalangin.

Ayon kay Engr. Vernon Edward Valero, residente ng Pakil, mataas ang hazard level sa bundok ng Pakil na magiging dahilan ng landslide sa lugar. Mawawala ang tibay ng bundok at masisira ang natural ecology ng Pakil.

“Ayon sa Nationwide Operational Assessment on Hazards (NOAH) ang bundok ng Pakil ay mataas ang hazard level sa landslide pero magtatayo sila (Ahunan Power) ng kalsada. Kapag gumawa sila ng kalsada sigurado mati-trigger ang stability ng bundok namin na pupuwedeng pagsimulan ng landslide,” paliwanag ni Valero.

Nakikita din ni Engr. Valero na magagambala ang kanilang mayaman sa bukal na pinagmumula ng libreng inuming tubig at kabuhayan ng mga residente.

Pangamba ng magsasaka

Panginigsda at pagsasaka ang pangunahing kabuhayan ng mamamayan sa Pakil. Ito din ang pinangangambahan ng mga magsasaka na mawawala sa kanila kapag naitayo ang Ahunan at Belisama Dam.

Sa kuwento ni Hernan, magsasaka mula sa Pakil, nakaranas siya ng pananakot dahil nais bilhin ang kanyang lupang sakahan para sa proyektong dam.

Retiradong health worker sa Quezon City si Hernan at bumalik sa Pakil upang magsaka. Ginamit niyang kapital ang retirement pay na nakuha para linangin at pagyamanin ang lupa. Larawan ni Exequiel Agulto.

“Hindi pa sila nagkasya at tintatakot pa ako na kapag hindi ko daw ibinenta sa kanila ang aming lupa sa loob ng 30 araw ay kukunin ito [nang] sapilitan ng gobyerno at wala akong magagawa. Babayaran naman nga daw ng gobyerno ngunit ito ay sa sobrang babang halaga,” ani Hernan.

Matagal na siyang magsasaka sa Pakil. Minana pa niya ang kanilang lupang sakahan mula sa kanyang mga magulang at nais ipasa sa kanyang mga anak. 

Retiradong health worker sa Quezon City si Hernan at bumalik sa Pakil upang magsaka. Ginamit niyang kapital ang retirement pay na nakuha para linangin at pagyamanin ang lupa.

Sasaklawin ng 299.40 ektaryang project area ang kanyang sakahan kung kaya nilalapitan siya ng kompanya upang kumbinsihin na magbenta ng lupa. 

Sa project timeline ng kompanya, nakatakda silang magtayo ng mga access road at civil electrical works ngayong 2023. Plano ng kompanya na magsimula ng komersiyal na operasyon sa taong 2027.

Suporta ng simbahan at makakalikasang grupo

Nagpakita ng suporta ang iba’t ibang simbahan at makakalikasang grupo sa daing mga mamamayan ng Pakil.

Sa pahayag ng South Central Luzon Bishops Conference ng Iglesia Filipina Independiente (SCLBC), hindi lamang ang Pakil ang maapektuhan ng proyekto kundi pati na ang mga katabing bayan at buong probinsiya ng Laguna.

“Ang panghihimasok sa bundok Pakil ay magdudulot ng mga landslide at matitinding pagbaha sa maapektuhang lugar. Kapag hindi tayo nagsalita laban sa mapanirang proyekto na dam ay magdudusa tayo sa ganti ng kalikasan na hinayaan nating masira sa ngalan ng tubo ng mga korporasyon,” ani Rt. Rev. Rowel Arevalo, tagapangulo ng SCLCB noong Pebrero 10.

Kilos-protesta ng mga residente ng Pakil, Laguna noong Hulyo 1 na umikot sa sentrong bayan laban sa proyektong dam na sisira sa kalikasan at kabuhayan ng mga tao. Larawan ni Deo Montesclaros.

Ganito din ang pagtingin ng Simbahang Katolika. Ihinahalintulad ang Birhen ng Turumba ng Pakil sa pangangalaga ng Laguna de Bay ayon sa Ministry of Ecology ng Diocese of San Pablo. Mula rito, sinasabi na karapatan ng mamamayan ang isang balanse at malusog na ekolohiya.

“Ang Ahunan Project na ito ay sisirain ang mga batong imbakan ng tubig na magiging sanhi ng paglihis ng mga bukal na maaring matuyo at mawala,” pahayag ng Diocese of San Pablo noong Setyembre 19, 2022.

Pagkakaisa ng mamamayan sa Pakil

Upang ipakita ang pagtutol sa mga dam sa Pakil, nagkilos-protesta ang mamamayan at makakalikasang grupo noong Hulyo 1 sa sentrong bayan. Umiikot ang martsa sa mga kalye upang kumbinsihin ang mga residente na sumama at makiisa sa kanilang adbokasiya at mga panawagan.

“Ngayon ay panahon para tumutol at magkaisa na pigilan ang pagtatayo ng dambuhalang Ahunan at Belisama Dams at proteksiyunan ang kabundukan ng Sierra Madre,” ani Teresa Saldaña Sanchez, ad hoc point person ng Mamamayang Nagmamahal sa Pakil (Manapak).

Mensahe niya sa mga kababayan sa Pakil na huwag ipagbili sa mga investor ang kanilang mga lupang minana. Nanawagan din siya sa mga magsasaka, mangingisda, kabataan at mga kapwa residente na labanan ang mga proyekto. Deo Monteclaros/pinoyweekly.net



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!