Sa ating mga kalsada, pamilyar ang tanawin ng lalaking drayber ng jeepney na hawak ang manibela, nakikipagbuno sa trapik habang naghahatid ng serbisyo sa mga mananakay upang maitawid ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa araw-araw.
Sa mga balita tungkol sa jeepney, at maging sa mga protesta at transport strike ng mga drayber at operaytor, sila rin ang kadalasang nasa unahan: may hawak na plakard, nakataas ang kamao, at sama-samang nananawagan para sa kanilang karapatan at kabuhayan.
Ngunit sa likod nila, may kababaihang may mahalagang papel sa pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan, pamilya at pag-oorganisa’t pakikibaka sa sektor ng transportasyon.
Ito ang mga kuwento nina Mira, Marissa, Angelica at Michelle, mga co-operaytor at asawa ng operaytor-drayber; Ivy, isang operaytor ng jeepney; Ninfa, asawa ng dating drayber at ngayo’y staff ng informal transport federation na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston); Jane, na staff din sa Piston; Elvira, asawa ng drayber; at Zai, apo ng isang jeepney drayber na pana-panahong tumutuwang sa kanyang lolo.
Sa kanilang mga kuwento makikita kung paanong sa likod ng pamamasada—na madalas iniuugnay lamang sa mga drayber—ay nariyan din ang mga kababaihan na mahalaga ang mga ginagampanang gawain.
Kabuhayan para sa pamilya
Para sa maraming pamilya sa sektor ng transportasyon—kabilang ang pamilya nina Marissa at Angelica—sa bawat pasada nakaasa ang pagkain sa hapag, gastusin sa bahay at pag-aaral ng mga anak.
“Doon kami kumukuha ng pang araw-araw naming pangangailangan—pagkain, gastusin sa bahay, maintenance ng jeepney, pati pang-aral ng mga anak,” paliwanag ni Angelica.
Para kay Mira malinaw din kung gaano kalaki ang mawawala kapag nawala ang jeepney bilang kabuhayan dahil sa banta ng phaseout ng jeepney gawa ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
“Ang operaytor at drayber—may asawa, may anak pa. kung ita-times sa dalawa, walong bibig ‘yong mawawalan ng pagkain sa hapag,” aniya.
Sa kasalukuyan, hindi lang jeepney phaseout ang hamon sa sektor. Napakalaking hamon ngayon ang oil price hikes, na direktang nagpapabigat sa arawang pamamasada ng mga drayber.
Sa operasyon ng jeepney at sa bahay
Ngunit para sa mga kababaihan sa sektor, hindi nagtatapos ang trabaho kapag natapos na ang pamamasada ng jeepney.
Para sa mga kababaihan tulad nina Mira, Marissa at Angelica, nagsisimula pa lang ang isa pang mahalagang gawain kapag umuwi ang asawa nila mula sa pamamasada—ang pamamahala ng kita sa buong araw.
“Magkano ang itatabi para sa krudo para makapamasada kinabukasan? Magkano ang ilalaan para sa sapat na pagkain para sa pamilya? May matitira pa ba para sa baon ng anak at iba pang pangangailangan? Paano kung kulang ang kita dahil sa maraming kadahilanan—tumaas ang presyo ng langis, matindi ang trapik at naging matumal ang pasahero, o hinuli ng traffic enforcer?”
Lalong tumitindi ang ganitong pagbabadyet sa pagtaas presyo ng langis. Sa kasalukuyang pagtaas ng P15 ang diesel kada litro, at umaabot sa humigit-kumulang 30 litro ang konsumo ng jeepney sa isang araw, nangangahulugan ito ng halos P450 na bawas sa arawang kita ng pamilya.
Ang kakulangan na ito’y kadalasang kailangang habulin sa loob ng bahay—sa mas mahigpit na pagbabadyet, pag-stretch ng kita o paghahanap ng dagdag na pagkakakitaan. Sa maraming pagkakataon, ang mga gawaing ito ay pinapasan ng kababaihan.
Bukod sa pamamahala ng kita, at pagdagdag rito, ang kababaihan rin ang kadalasang nag-aasikaso ng mga gawaing bahay na kinakailangan upang ang asawa ay makapagpatuloy sa pamamasada nang walang dagdag na isipin—sila ang naghahanda ng pagkain, nag-aalaga sa mga anak at nag-aasikaso ng bahay.
“Mahirap ang pagbabadyet lalo sa panahon ngayon [ng oil price hikes], ang mga gawaing bahay maging ang pag-aalaga ng pamilya. Matindi ang pagod [mula rito],” paliwanag nina Marissa at Angelica.
Sa ilang pagkakataon, makikita rin ang mga kababaihan sa mismong kalsada o sa mga terminal ng jeepney. May mga asawang kasama ng drayber sa biyahe na tumutulong sa pangongolekta at pagsusukli ng pamasahe mula sa mga mananakay. Nagsisilbing dispatcher o barker din ang ilang kababaihan na tumatawag ng pasahero upang mapuno ang jeepney bago bumiyahe.
May mga kababaihan ding nagiging operaytor ng jeepney, tulad ni Ivy, na siyang nagmamay-ari at namamahala sa mga yunit ng jeepney na kanyang ipinapasada sa mga drayber upang may pagkunan ang kanyang pamilya.
Ngunit hindi lang sa jeepney ang trabaho ng ilang kababaihan.
Dulot ng palagiang krisis sa ekonomiya na ngayon ay mas lalong nararanasan ng sektor dahil sa patuloy na pagtaas ng langis, at kalaunan ang mga pangunahing bilihin—maraming kababaihan ang napipilitang lalong dumiskarte at maghanap pa ng raket o dagdag na trabaho upang mapunan ang kakulangan sa kita mula sa pamamasada.
Sa pag-oorganisa at pakikibaka sa sektor
Ngunit ang papel ng kababaihan sa sektor ng transport ay hindi lang sa pamamasada at sa pamilya.
Marami rin sa kanila ang aktibo sa pag-oorganisa at pakikibaka ng sektor. Kabilang rito sina Marissa, Ivy, Ninfa, Jane, Angelica, Michelle at Mira na pawang may mga gawain sa organisasyon ng mga drayber at operaytor—ang mga Jeepney Operators and Drivers Association (JODA) at maging sa federation ng mga informal transport association na Piston.
Sa mga organisasyon sa sektor, maraming kailangang gawin upang magpatuloy ang mga ito. Kabilang dito ang pag-aayos ng papeles ng JODA at mga dokumentong ginagamit sa mga kampanya ng Piston—tulad ng pag-file ng mass withdrawal ng mga drayber mula sa PUVMP, at mga panawagan na ibasura ang value-added tax at excise tax sa langis at ang Oil Deregulation Law na itinuturong dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sila rin ang nag-aasikaso ng mga rekisito para sa mga pulong at asambleya, pati sa paghahanda ng mga protesta at transport strike. Mayroon ding mga kababaihang nagsisilbing kolektor ng butaw ng JODA habang nagba-barker. Sa maraming pagkakataon, ang kababaihan ang gumagampan sa mga gawaing ito.
Ang makita at makilala
Iba-iba man ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa sektor tulad nina Mira, Marissa, Angelica, Michelle, Ivy, Ninfa, Jane, Elvira at Zai, iisa ang kanilang karanasan: ang mga gawaing nagpapatuloy sa kabuhayan, pamilya at organisasyon ay madalas hindi rin nakikilala.
Madalas itong ituring hindi bilang gawain kundi obligasyon ng kababaihan sa kanyang pamilya o asawa. Madalas din itong tinatawag na simpleng “tulong” lang, kahit sa mga ito nakasalalay ang kakayahan ng pamilya na magpatuloy sa araw-araw na buhay sa kabila ng hirap ng pamamasada at ng pag-oorganisa sa sektor ng transportasyon.
Para sa mga kababaihan sa sektor ng transportasyon, mahalagang makilala ang halaga ng kanilang mga ambag. Ngunit higit pa sa pagkilala, mahalaga rin ang mas malalim na pag-unawa na ang pagpapatuloy ng kabuhayan, pamilya at organisasyon ay isang gawaing dapat sama-samang itinataguyod.
Malinaw na hindi biro ang mga sakripisyong ginagawa ng mga drayber sa kalsada araw-araw. Ngunit sa likod ng pamamasada ay may iba pang mga gawaing nagpapatuloy sa buhay ng pamilya at sa lakas ng mga organisasyon—mga gawaing madalas ginagampanan ng kababaihan.
Sa mga panahong tulad ngayon na sunod-sunod ang oil price hike, lalo pang tumitindi ang kanilang mga gawain. Bawat taas ng presyo ng diesel ay nangangahulugan ng bawas sa kita ng pamamasada—isang kakulangan na kadalasang kailangang habulin sa loob ng bahay na madalas sa dulo, kababaihan ang pumapasan.
Paano kaya kung mas kinikilala at mas napaghahatian ang mga gawaing ito sa loob ng pamilya at mga organisasyon? Marahil mas titibay pa ang pundasyon ng sektor—kung saan ang pagpapatuloy ng kabuhayan, pamilya at pakikibaka ay mas nagiging bunga ng sama-samang pagtutulungan ng lahat ng nasa sektor.
Tulad ng sinabi ni Marissa, “Dapat mas magtulungan [tayo]. Magiging mas magaan [ang mga gawain sa kabuhayan at sa pag-giit ng karapatan] kung nagtutulungan.”
