Culture & Identity

Sa Pagitan ng Paglayo at Hustisya: Ang Aking Kuwaresma Bilang Isang Political Refugee

Sa Pagitan ng Paglayo at Hustisya: Ang Aking Kuwaresma Bilang Isang Political Refugee


Ni Bishop Antonio N. Ablon, Iglesia Filipina Independiente

Ang Kuwaresma ay panahon ng pagninilay, ng pagharap sa ating mga sugat, at ng panibagong pagtatalaga sa landas ng hustisya. Para sa iba, ito ay isang pagkakataon ng tahimik na pagsisisi; para sa akin, ito ay isang patuloy na yugto ng pakikibaka, isang mahaba at matarik na Via Dolorosa na nagsimula nang ako’y pilitin ng estado na lisanin ang bayang aking minamahal.

Dahil sa red-tagging at matinding banta sa aking buhay sa ilalim ng rehimen ni Rodrigo Duterte, napilitan akong lumayo. Hindi bilang isang kriminal, kundi bilang isang taong tapat sa kanyang paninindigan. Ang aking kasalanan? Ang paglingap sa mga inaapi, ang pagbibigay-tinig sa mga pinatahimik, at ang paninindigan laban sa kulturang pumapatay upang mapanatili ang kapangyarihan.

BASAHIN: More than a tale of two bishops

Napakatagal kong pinanghawakan ang isang realidad na tila walang hustisyang darating. Habang ako ay nasa labas ng bansa, mas marami pang buhay ang nawala, mas maraming pamilya ang nabaon sa pagdadalamhati. Nakapanlulumo ang malawakang pananahimik, ang tila pagsuko ng bayan sa harap ng pang-aapi. Ngunit ngayong Kuwaresma, may kakaibang hangin ng pagbabago. Sa wakas, ang dating makapangyarihang hari ng kadiliman ay nadakip. Si Duterte, ang tagapamuno ng madugong War on Drugs, ang pasimuno ng kultura ng takot at impyunidad, ay haharap na sa batas ng mga bansa – ICC.

Ngunit ito ba ay sapat na?

Kung iniisip ng ilan na ang pagkakaaresto niya ay ang huling kabanata, nagkakamali sila. Ang sistemang nagluwal sa isang tulad niya ay hindi pa rin nagbabago. Ang kapangyarihang nagpapahintulot sa patayan, panlilinlang, at pang-aabuso ay hindi pa rin nagagapi. Bagamat ito ay isang tagumpay sa laban para sa hustisya, hindi pa tapos ang laban mismo. Ako, tulad ng marami pang iba, ay hindi pa rin makauwi. Ang mga pamilya ng libu-libong biktima ay patuloy pa ring naghahanap ng tunay na pananagutan.

BASAHIN: ‘FOR MY CHURCH AND MY PEOPLE’: Filipino Bishop bears cross in foreign lands

At kaya, hindi ako titigil. Hindi ako papayag na ang Kuwaresma ay manatili lamang sa paggunita ng pagdurusa; dapat itong maging isang panawagan sa pagbabagong tunay. Kung si Kristo ay tumahak sa landas ng krus upang wasakin ang mga kadenang gumagapos sa sangkatauhan, dapat din tayong patuloy na lumakad sa landas ng pakikibaka upang wakasan ang mga tanikala ng pang-aapi.

Ang Kuwaresma ay hindi lamang pag-aayuno; ito ay isang panata. Hindi lamang ito pagtitika, kundi isang hamon ng pagpapatuloy. At sa harap ng lahat ng ito, isang bagay ang malinaw: may hustisyang nagsisimula nang gumalaw, ngunit ang ganap na paglaya ay nasa kamay pa rin ng bayan. At hanggang sa araw na iyon, magpapatuloy ako, hindi bilang isang talunan, kundi bilang isang taong pinili ang krus ng paglilingkod, hindi bilang isang biktima, kundi bilang isang saksi ng katotohanan.

Ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa pagbagsak ng isang tao sa kapangyarihan, kundi sa pagbabangon ng isang buong bayan mula sa matagal na pagkakaalipin.

Padayon! Paglingkuran ang sambayanan! #



Source link

Kodao
Kodao

Kodao Productions is an award-winning multi-media production outfit. It produces videos on burning social issues in the Philippines, such as environmental destruction, human rights, and other civil liberties. Aside from videos, Kodao also produces radio programs for national radio networks and community radio stations throughout the country. Both its video and radio productions have been awarded and cited by private and government institutions.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning