Muling nagdulot ng pinsala sa kalikasan ang San Miguel Corporation (SMC) nang tumaob sa baybayin ng Bataan noong Hul. 25 ang barkong MT Terranova na may kargang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil. Patungong Iloilo ang barko na pagmamay-ari ng Shogun Ships Company Incorporated. Kinontrata ito ng SL Harbor Bulk Terminal Corporation na nakapaloob naman sa SMC.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), 26 oras na umiikot sa katubigan ng Bataan ang barko simula nang maglayag ito noong Hul. 23. Bago ito tumaob, gabi ng Hul. 24, nagsimulang tumagilid ang barko habang hinihila ng tugboat na MTug Procyon tungo sa anchorage area. Katatapos lang manalasa ng habagat na pinalakas ng Bagyong Carina sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon nang mangyari ang aksidente.
Hindi pa nalilinis ang pinsalang dala ng MT Terranova nang masundan ito ng pagtaob ng dalawa pang barko—ang MV Mirola 1 at MTKR Jason Bradley. Nagsimulang dumausdos ang MV Mirola 1 noong Hul. 23 sa Sitio Quiapo, Brgy. Biaan sa Mariveles, Bataan ngunit Hul. 31 lang nagkaroon ng ulat na may tumagas na langis mula sa barko. Ang MTKR Jason Bradley nama’y may dalang 5,500 litro ng diesel at lumubog sa Bataan noong Hul. 27.
Sa ulat ng Department of Justice (DOJ), hindi rehistrado ang MTKR Jason Bradley at MV Mirola 1 at naglayag sa kasagsagan ng malakas na ulan nang walang clearance mula sa PCG. Tinitingnan naman ng DOJ ang posibilidad na sangkot ang tatlong barko sa “paihi” o oil smuggling.
“Tapos ‘yong isa pang tumaob na vessel, walang makina. Pero malaki ang fuel berth niya. Malaki ang kanyang cargo area. Ginawa nilang tanker pero hinihila lang,” sabi ni Justice Secretary Boying Remulla.
Ginagawa ang “paihi” sa pamamagitan ng paglipat ng langis mula sa isang malaking tanker papunta sa isang maliit na tanker para umiwas sa pagbabayad ng buwis.
Itinanggi naman ng Portavaga Ship Management ang paratang ni Remulla. Anila, sarado ang mga seal ng kanilang tanker na MT Terranova at maaari lang itong mabuksan kapag nakarating ito sa destinasyon.
Matatandaang sangkot din ang SL Harbor Bulk Terminal Corporation sa oil spill na idinulot ng lumubog na MT Princess Empress noong Peb. 28, 2023 sa Naujan, Oriental Mindoro.
Tinatayang umabot ng P7 bilyon ang pinsala sa kalikasan na idinulot ng oil spill pero abswelto ang SMC, SL Harbor Bulk Terminal Corporation at RDC Reield Marine Services sa lahat ng kanilang pananagutan. Tanging isang executive mula sa Maritime Industry Authority (Marina) lang ang nanagot dito.
San Miguel oil spill
Dahil tumatagas pa rin ang langis mula sa mga lumubog na barko sa iba’t ibang bahagi ng Bataan, Bulacan at Cavite, patuloy ang pinsalang dala nito sa kalusugan at kabuhayan ng mga residente. Itinatanggi ng mga may sala, gaya ng SMC, ang pagkakasangkot nila sa insidente. Kadalasang inuulat sa balita na ito’y Manila Bay Oil Spill, pero ani Raymond Palatino ng Bagong Alyansang Makabayan, marapat na tawagin itong “San Miguel Oil Spill” para hindi makaiwas sa pananagutan ang kumpanya.
Sa tala ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), nalagay sa panganib ang kalusugan at kabuhayan ng humigit-kumulang 29,000 mangingisda sa iba’t ibang bayan ng Cavite at nasa 9,000 naman sa Bataan.
Nasa ilalim ng State of Calamity ang 11 bayan sa Bataan pati ang kabisera nitong Balanga. Kasama rin sa nagdeklara ang pitong bayan at dalawang lungsod ng Cavite—Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon, Ternate, Cavite City at Bacoor City.
Tinataya ng grupo na nasa 50,000 mangingisda sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region (NCR), Central Luzon, at Calabarzon na ang naperhuwisyo dahil sa hindi agarang pagkontrol ng oil spill. Katumbas ito ng mahigit kumulang P350 milyon pangkalahatang halaga ng pinsala.
Sa kabila nito, hindi nararamdaman ng mga mangingisda ang tulong galing sa pamahalaang lokal, sabi ng Pamalakaya Pilipinas national chairperson Fernando Hicap.
Iniinda ngayon ng mga mangingisda ang pagbaba ng kanilang kita sa P100 mula sa dating P200 hanggang P300 kada araw magmula noong kumalat ang langis.
“Hindi lamang mangingisda ang apektado ng oil spill. Maging ang mga nagtitinda ng isda sa palengke at mga ordinaryong mamimili ay [dumaranas] din ng sakuna,” sabi ni Bong Laderas, isang mangingisda sa Bulacan at miyembro ng Pagkakaisa ng Mangingisda at Mamamayan ng Manila Bay.
Dagdag pa niya, “Dahil sa mga kamakailang insidente, mahirap ibenta ang isda sa palengke dahil pinangangambahan itong mahawa ng oil spill.”
Ayon naman sa sarbey ng Agham Advocates of Science and Technology for the People sa isang komunidad sa Cavite na apektado ng oil spill, patong-patong na epekto ng habagat na pinalakas ng Bagyong Carina at ang patuloy na dredging activities sa probinsiya sa pinansiyal at mga pangunahin nilang pangangailangan.
Ayon din sa Agham, may mga ulat na puwersahang pinapasali sa mga cleanup project ang ilang residente na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para lang makuha nila ang kanilang benepisyo.
“Ito ay parang blackmail lalo at kagyat at sapat na tulong ay esensiyal kapag may implementasyon ng fishing ban. Ito ay natutunan na natin sa Mindoro oil spill,” sabi ng grupo.
Hinihikayat ngayon ng Pamalakaya Pilipinas si Cavite Gov. Jonvic Remulla na tanggalin na ang ipinataw na fishing ban sa lalawigan.
“Mas apektado ang mga mangingisda sa aksyon ng mga lokal na pamahalaan kaysa sa mismong oil spill. Wala silang natanggap na suporta kasunod ng pagpapatupad ng fishing ban sa Cavite,” sabi ni Pamalakaya Pilipinas vice chairperson Ronnel Arambulo.
Samantala, inanunsiyo naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas nang kainin ang mga isdang huli sa Bataan, Bulacan, Pampanga, Batangas, Navotas, Parañaque at Las Piñas matapos magnegatibo sa kontaminasyon ang mga sample na nakuha.
Sino ang dapat managot?
Iginigiit ni Jonila Castro, Kalikasan People’s Network for the Environment advocacy officer for reclamation at spokesperson ng AKAP KA Manila Bay, na dapat managot ang administrasyong Marcos Jr. na pumupusturang “climate champion” ngunit patuloy na nakikipagsabwatan sa mga kompanyang gaya ng SMC sa mga proyektong mapanira sa kalikasan.
Dagdag pa ni Castro, “Pinipilit bihisan ang mga proyekto’t patakaran ng mga berdeng pangako, kaunlaran, trabaho. Nasaan ang mga ‘yan? Nasa’n na ang kaunlaran sa ‘Bagong Pilipinas’ sa mga mangingisdang walang hanapbuhay ngayon? Nasa’n ang adaptasyon sa krisis sa klima sa binahang mga komunidad no’ng bagyo?”
Panawagan ni Castro kasama ng iba pang biktima ng kalamidad ang danyos mula “sa SMC at Portavaga Ship Management para sa mga apektado ng oil spill. Panagutin ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Marina at PCG na responsable sa paglaot ng MT Terranova.”