Sangkot sa hazing sa UST, hinatulang may sala – Pinoy Weekly


Hinatulan ng Manila Regional Trial Court Branch 11 na may sala o guilty ang 10 miyembro ng Aegis Juris Fraternity na sangkot sa pagkamatay ng University of Santo Tomas (UST) law student na si Horacio Castillo III noong 2017 dahil sa hazing.

Napatunayan ng korte na guilty sa paglabag ng Anti-Hazing Act of 1995 sina Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, John Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo at Marcelino Bagtang Jr.

Sa desisyon ng korte na ipinahayag nitong Okt. 1 ni Judge Shirley Magsipoc-Pagalilauan, pinatawan ang mga may sala ng parusang reclusion perpetua o pagkakakulong ng hanggang 40 taon at danyos perhuwisyong mahigit P600,000.

Napatunayang hindi lang sa pamamagitan ng prima facie na ebidensya nabigyang bigat ang kaso dahil sa testimonya ng isang kasapi ng kapatiran na naging state witness na si Mark Ventura na nandoon mismo noong nangyari ang hazing.

Inamiyendahan ang Anti-Hazing Act noong 2018 na may mas mabigat na parusa, ngunit sa ilalim ng lumang batas kinasuhan ang 10 sangkot sa hazing ni Castillo

“The untimely death of Atio caused pain, agony, anxiety, suffering, and mental anguish to his heir because it deprived them of his company, love, support and companionship,” sabi ni Magsipoc-Pagalilauan sa kanyang desisyon.

Inutusan din ng korte na bayaran ang pamilyang naulila ni Castillo ng P461,800 na actual damages, P75,000 na moral damages at P75,000 na exemplary damages.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!