Nagkasa ng kilos-protesta sa tarangkahan ng Senado ang iba’t ibang progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan National Capital Region (BAYAN NCR) at Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) noong Hunyo 3, 2026.
Nagmartsa sa kahabaan ng J.W. Diokno Boulevard ang mga grupo at sektor bitbit ang mga kampanyang paniningil kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, pagpapanagot kay VP Sara Duterte at pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Para kay Alwen Santos, tagapagsalita ng BAYAN NCR, ang kabuuan ng kanilang mga panawagan ay nakabatay sa mga inhustisyang patuloy na namamayani sa bansa tulad ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mababang pasahod sa mga manggagawa, at banta ng demolisyon sa mga maralitang lungsod.
“Itong panawagan natin, nakaangkla sa usapin ng hustisya, eh. Kung paano papanagutin ‘yong mismong mga nasa gobyerno na dapat [ay] inuuna ang kapakanan at interes ng mga mamamayang pinagsisilbihan nila,” pahayag ni Santos.
Ayon kay Santos, magtutuloy-tuloy lamang ang mga kilos-protesta hangga’t hindi nahahatulan si Duterte para sa salang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Inaasahan din niyang magpapatuloy ang mga ito upang singilin ang pangulo sa kapabayaan sa kaniyang administrasyon.
“Magtutuloy-tuloy ang pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa taumbayan,” dagdag pa niya.
Kinondena naman ni Liza Maza, pangulo ng Makabayan, ang mga kamakailang kaganapan sa Senado gaya ng hindi pagsipot ng mayorya sa plenaryo mula pa noong Lunes.
Sa kaniyang talumpati, iginiit niyang kailangang patalsikin si Alan Peter Cayetano mula sa pagiging Senate President dahil umano sa pagprotekta sa sariling interes at pagkakanlong sa mga mandarambong.
“Wala siyang silbi. Ang alam niya lang [ay pagpoproteksyon] sa sarili niyang interes at saka ng mga Duterte,” ani Maza patungkol kay Cayetano.
Nagbahagi rin ng kani-kanilang mga kampanya at kultural na pagtatanghal ang iba pang mga batayang sektor at kaalyadong organisasyon.