Sexual harassment at constructive dismissal – Pinoy Weekly


Maaari bang maging kasalanan ng kompanya ang pagpapabaya nito na bigyan ng agarang aksiyon ang reklamo ng isang manggagawa tungkol sa sexual harassment sa kanya ng kanyang manedyer?

Sa kasong “LBC Express-Vis, Inc. vs. Monica Palco,” (GR No. 217101) na hinatulan noong Pebrero 12, 2021, sinagot ng Korte Suprema ang tanong na ito.

Sa nasabing kaso, matagal nang empleyado itong si Monica ng LBC, isang kilalang courier company sa bansa. Nakatalaga siya sa isang sangay ng kompanya sa Visayas.

Sa kanyang pagtatrabaho, nasa ilalim si Monica ng branch manager ng kompanya na siyang tumatayo bilang kanyang immediate superior.

Noong una, maayos ang pakikisama ni Monica sa kanyang branch manager. Ngunit kalaunan, nahalata ni Monica na nanliligaw na sa kanya ang branch manager.

Nakita niya ito sa paraan ng pakikitungo ng branch manager. Madalas siyang binibigyan ng mapang-akit na tingin at gamitan ng mga matatamis na salita sa kanilang pag-uusap. Inalok din siya minsan na pahiramin ng pera subalit tinanggihan niya ito. Patago rin siyang binigyan nito ng tsokolate kahit walang okasyon.

Habang tumatagal, lalong tumitindi ang ginagawa ng branch manager. Hinahawakan siya lagi nito sa maseselang bahagi kanyang katawan at hinahalikan si Monica sa pisngi nang pabiro. May mga pagkakataon ding tinanggalan niya ng strap ang bra ni Monica ngunit biro lamang daw.

Nagbiro rin minsan ang branch manager na kung mag-aasawa si Monica, tutulungan niya ang magiging asawa nito upang mabuntis kaagad.

Ang pinakahuling pangyayari ay noong nagbibilang ng pera si Monica sa loob ng counter, biglang pumasok ang branch manager at hinawakan si Monica sa balakang sabay halik sa kanyang labi. Pumiglas si Monica at tinakot niya ang branch manager na isusumbong niya ito sa asawa ng huli.

Noong sumunod na araw, nagsampa ng reklamo si Monica kasama ng kanyang ina sa LBC head office dahil sa pang-aabusong sekswal na ginagawa ng branch manager. Hiniling ng manedsment kay Monica na magpalipat sa ibang branch habang iniimbestigahan ang pangyayari. Nag-report din sila sa pulis.

Ngunit lumipas ang maraming araw, walang ginawa ang kompanya sa kaso ni Monica. Napilitang siyang mag-resign sa trabaho.

Pagkalipas ng mahigit isang buwan, nagsampa ng kasong illegal dismissal si Monica sa tanggapan ng Labor Arbiter laban sa kompanya at sa branch manager. Doon pa lamang umaksiyon ang kompanya at pinarusahan ng suspension sa loob ng 60 araw ang branch manager.

Sa kasong illegal dismissal naman, napatunayan ng Labor Arbiter na may kasalanan ang kompanya dahil sa hindi nito pag-aksiyon kaagad sa reklamo. Inutusan ng Labor Arbiter ang kompanya at branch manager na bayaran si Monica ng backwages, separation pay, moral damages at attorney’s fees.

Umapela ang kompanya sa National Labor Relations Commission ngunit hindi nabago ang desisyon. Inakyat nila ang kaso sa Court of Appeals, ngunit ganoon pa rin ang naging hatol. Napilitang umakyat sa Korte Suprema ang kompanya. 

Sa Korte Suprema, iginiit ng kompanya na wala itong kapabayaan dahil sa ginawang imbestigasyon tungkol sa reklamo. Ngunit hindi ito ang nangyari sabi ng hukuman. Ayon sa rekord, lumipas ang 41 araw bago inimbestigahan ang reklamo.

Naglabas ang kompanya ng Notice to Explain at humingi sa branch manager na magpaliwanag tungkol sa nasabing reklamo at naghintay na naman nang isang buwan bago magsagawa ng pormal na imbestigasyon tungkol dito.

Pagkatapos ng isang buwan, kailangan pa ng kompanya ng dagdag na dalawang buwan para mahatulan ang reklamo.

Maliwanag na maituturing na constructive dismissal ang nangyari kay Monica sabi ng Korte Suprema. Dahil sa masamang kapaligiran sa trabaho, napilitang magbitiw si Monica.

Kinatigan ng Korte Suprema ang hatol na dapat bayaran ng separation pay, backwages, moral damages at attorney’s fees si Monica.

Sana’y maging aral ito sa ating lahat. Dapat huwag pabayaan ang reklamo ng isang manggagawa lalo na kung may kaugnayan ito sa sexual harassment.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!