Finance & Remittances

Silong sa lilim ng pakikinig at pag-ibig – Pinoy Weekly

Silong sa lilim ng pakikinig at pag-ibig – Pinoy Weekly


Magandang balita: buháy ang diwa ng damayan, kuwentuhan at pagsandig sa isa’t isa.

Araw-araw tayo bahagi nitong ‘di mapatid na himig ng pakikiisa at pagkalinga. Pero mahirap panatilihin ang giliw sa buhay dala ng sangkatutak na alalahanin, kaya minabuti ng Pinoy Weekly na humingi ng payo mula sa mga counselor, sikologo at mga makabayang psychosocial support group.

Kung may tatlong dosenang pahina ang pahayagan, ilalapat dito ang kabuuan ng mga panayam. Bawat linya ay may kapupulutan. Pero kahit pa sa ilang bahagi ng mga panayam na ito, marami na tayong mabibitbit (o matatandaan) para sa kapwa at komunidad, damay na rin ang sarili.

Una na sa mga panayam si Carl Lorenz Cervantes, sikologo at manunulat na kilala sa likhang “Sikodiwa: Revisiting Filipino Indigenous Wisdom for Personal and Shared Wellbeing”. Nakatutok siya sa tagpo ng sikolohiya at mga paniniwala, kasama ang espiritwal at mga kababalaghan. Maiging tumungo sa kanyang website na Sikodiwa Reader para sa ilan niya pang likha.

Toni Rose Sarcida/Sikodiwa Reader

Lumaki si Cervantes na relihiyosong pamilya, kaya kung babaybayin paano siya nagsimula, doon tayo tutungo. Sabi nga niya, lahat tayo may folklore, mga kinagisnan na paniniwala at kuwento.

Makakapagbigay ng liwanag ang pag-intindi sa mga kuwentong sinasabi natin sa isa’t isa at sa ating sarili. Halimbawa, aniya, tiningnan natin ang mga kuwento tungkol sa mga white lady at mga tiyanak, parehong kagila-gilalas pero sa dulo ay mga inaping nilalang. Ano kaya ang sinasabi nito sa karahasan sa kababaihan, mga bata at iba pang mga bulnerable?

Cervantes: ‘Di ba, kapag mga kuwento ng kababalaghan sa mga komunidad, demonic agad ang tingin. May kolonyal na tingin tayo sa sariling atin. Mas kilala pa ng iba ang mga kuwento ng mga Greek [god]. ‘Yong sariling atin, bakit hindi natin kilala. Bakit hindi? E bahagi siya ng pang-araw-araw na pamumuhay.

Cervantes: O exotic ‘no? Kapag pumupunta ‘yong mga ethnographer, ‘yong mga social scientist sa iba’t ibang region, nakikita nila kung papaano namumuhay ‘yong mga tao sa mundo ng folklore. Mayroon akong nabasa na article, sa Negros ginawa ang study, na tiningnan ng researchers kung paano naiintindihan ng mga bata ang kanilang kapaligaran gamit ang talinghaga ng mga engkanto. So nakikita doon sa metaphor ng engkanto ‘yong parang fear o security o safety sa environment nila.

Ano ‘yong version ng engkanto sa mga taong nasa lungsod? Meron mga kuwento ng mga aswang kahit sa mga urban environments. May kuwento ng mga mambabarang, kuwento nga ng white lady.

Ang maganda dapat dito, hindi tayo dapat natatakot sa kababalaghan, dapat naiintindihan natin saan siya nanggagaling. Example, kapag pumasok ka sa isang haunted house, ‘di ba usually ang initial na reaksiyon natin “Ah haunted house ‘to, natatakot ako.” Either hindi siya totoo or ayoko pumasok diyan. Haunted house nga, bakit ako papasok? Either takot ka o hindi naniniwala. 

Pero hindi ba ‘yong pagiging haunted ng isang house, nandoon din ‘yong kasaysayan ng bahay na ‘yon? Nandoon din ‘yong memory no’ng bahay na ‘yon, ‘yong kuwento ng mga naninirahan sa bahay na ‘yon. Bahagi ng ating mga kuwentong bayan ano ba ‘yong pinaniniwalang kasaysayan ng mga taong naninirahan doon.

Kaya para kay Cervantes walang kailangan ipayo sa karaniwang Pilipino, dahil may taliwas ngang paniniwala na ang mga paniniwala sa kababalaghan ay para sa simpleng tao lang na “Ah oo, sa probinsiya ganoon” kahit pa “lahat tayo may kuwento, lahat tayo may folklore.” 

Ang kuwento naman ni Maria Nilad at ng Coffee Counseling sessions sa Chapterhouse ay mula sa pagnanais na maging bahagi ng mga pagsisikap para maisakatuparan ang mga bagay na gusto niya makita sa lipunan. Bilang paunang kaalaman: ang paborito niyang kape ay Spanish latte.

Nagtapos siya ng environmental studies sa University of Sydney kaya pangalawa: isinalin ang kanyang mga sagot mula sa Ingles.

Larawan mula kay Maria Nilad

Nilad: Nag-message ako sa Chapterhouse sa Instagram. Nagsimula ako sa “Ano ba ‘yong gusto kong makita?” and then trying to offer that for other people. Ang mga marhinadong tao, sila rin ang lumalaban para sa karapatan ng taumbayan, kasi inapi rin sila. Kaya sabi ko, kailangan ng mga aktibista ng porma ng psychological care. 

Maraming tao ang interested. Nagulat nga ako at nagpapasalamat ako sa tiwala.

Nilad: Gusto ko ng kabaliktaran ng clinical na setting na madalas makita sa psych. Puwede ka pumunta kahit wala kang pera. Kahit walang-wala ka, kailangan mo pa rin ng kalinga.

Nilad: Naapektuhan ng trauma ang lahat ng aspekto ng ating sikolohiya. Ang trauma ay anumang danas na lumalampas sa kakayahan ng isang tao na iproseso ang pangyayari.

May trauma na nararanasan ang mga tao bago maging aktibista, at may pagkakataon pa na may trauma na makukuha habang aktibista na sila. Very traumatizing sa Pilipinas.

Para sa lahat, kailangan natin maging safe space para sa isa’t isa. Kailangan may mga sistema at tugon para hindi nangyayari ang ganitong karahasan sa simula’t sapul. Sa mga makakabasa nito na naging biktima, gusto kong malaman nila na pinaniniwalaan sila at na hindi nila deserve ang anuman ‘don. At sana may support system silang masasandalan.

Collective care session sa UP Solidaridad Bi-Annual Congress, sa pangunguna ni Meg Yarcia. Larawan mula sa UPLB Perspective

Mahalaga ang pagkilala sa paghilom ng isang indibidwal at pati na rin sa buong komunidad. Hindi makukumpleto ang listahan kung wala si Meg Yarcia at ang talakayan ukol sa Dear Meg na ilang taon nang lumalabas sa Pinoy Weekly, ang kanyang gawain bilang counselor na may tulak sa community care, at ang bagong proyekto na Lemonade Youth.

Hindi ko masasabing nagagawa ko nga ito nang lubos, ngunit laging nariyan ang pagsisikap na kilalanin kung ano ang mahalaga o prayoridad, maging focused/tumutok sa kailangang gawin, at sunggaban ang bawat pagkakataon upang makatulong sa pagsusulong ng ating mga simulain. Dahil ayon nga sa mga ginintuang aral ng isang mahusay na pinuno: 

So many deeds cry out to be done,
And always urgently;
The world rolls on,
Time presses.
Ten thousand years are too long,
Seize the day, seize the hour!

Yarcia: Tingin ko’y buhay na buhay ang kultura ng collective care o kalinga sa isa’t isa sa ating Pilipinas! Ang mas kailangan ay ipaalala ang nagpapatuloy na papel nito sa sangkatauhan, na taliwas sa pagpapahalaga (values) ng umiiral na kaayusan. 

Lumaki akong nasa TV programming at kurikulum sa edukasyon ang kahalagahan ng pagiging mapagbigay, matulungin, at mapagkawanggawa, at ng malaking ambag ng mga bayani sa ating kasaysayan. Linggo-linggong inaawit ng marami nating mga kababayan na “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.”

Sa mataas na paaralan at kolehiyo, may diin sa humanities at araling panlipunan, at paghubog ng mapanuring kaisipan. Ngunit sa mga nakaraang dekada ay nakita natin ang pag-uk-ok dito ng neoliberalismo, sa pagtutulak ng ating pamahalaan. Nagkaroon ng K-12, binago ang General Education program, at patuloy na binabansot ang ating sistema ng edukasyon upang magluwal na lamang ng mga manggagawang overworked at underpaid sa mga empresa.

Facilitator at volunteer ng Paglaum 2025 Medical Mission sa Lumintao, Bukidnon si Meg Yarcia. Larawan mula sa Mindanao Climate Justice

Sa antas ng komunidad, malalim ang atake sa diwa ng collective care: lalo noong pandemya, at hanggang ngayon, nakita at nakikita natin ang panggigipit sa mga kababayang nais lamang magbigay ng tulong. Likas sa ating kaugalian at nasa puso ng bawat Pilipino ang pagiging mapagmalasakit at mapagkalinga, at dapat aktibong ilantad at tunggaliin ang mga pagtatangkang sanayin tayong magkanya-kanya sa pagharap lalo na sa maraming krisis ng kasalukuyang panahon. 

Bukod dito, kailangang ipalaganap ang kultura ng kalinga bilang inaasahan (expectation) hindi lamang sa kapwa karaniwang mamamayan ngunit lalo na sa pamahalaan at mga pinuno ng ating bayan, na inihahalal natin upang itanghal ang ating mga pagpapahalaga bilang isang lipunan. Wala dapat puwang sa pamunuan ng ating mga barangay, kapitolyo, Kongreso, Senado, at lalo na sa Malacañang ang mga maibigin sa salapi, makasarili, at walang malasakit lalo na sa mga maliliit.

Iminumungkahi ko rin ang pagbabasa ng sulatin nina Bomen Guillermo et. al na may pamagat na “Heavier than Mount Banahaw: ‘Five Golden Rays’ and the ‘Filipinisation’ of Maoism.

At bilang pagkilala sa lakas ng sama-samang kalinga, malugod ring pumayag sa panayam ang Keri: Caring for Activists.

Mga tagahabi ng Keri, kasama sa protesta kontra-korupsiyon. Larawan mula sa Keri: Caring for Activists

Keri: Isinilang ang Keri: Caring for Activists noong Hulyo 3, 2020 bilang pagtutol sa namumuong klima ng takot at dahas, na lalong ipinamamalas ng pagsasabatas ng Anti-Terror Law. Ang mga naunang naghabi ng kolektibo (na apat na tao noon) ay mismong mga aktibista at psychosocial provider, mga tubong-Davao na nagnanais na tumindig para depensahan at proteksiyonan ang mga kasamang social justice defender mula sa matinding paniniil, paninira, pananahimik, at psychological warfare/tortyur, ng administrasyong Duterte. 

Sa Davao noon, araw-araw kinakailangang inabiga ang takot na dala ng extrajudicial killings, kaakibat ang red-tagging na kumakapos sa ginhawa ng mga komunidad at inaagawan ng dignidad ang gawain ng mga aktibista, human rights at development workers, journalist, abogado, at lahat ng sinong nagpapakita ng oposisyon o kritisismo sa dahas ng extrajudicial killings.

At pinakamatingkad, damang-dama ang arkitektura ng stigma sa aktibismo, na kahit mga estudyante o iba pang propesyonal ang nag-aalinlangan o kinakabahan kapag matawag na “aktibista”—ito ang pangunahing rason sa aming pangalan, gusto naming ireklama ang dangal at diwa nito, at ang kahalagahan ng pagbubuwag ng mga sistema na nagdudulot ng sakit, hamak, at bigat sa kapwa Pilipino.

Doon nagsimula ang hangarin ng iilan na lumikha ng kolektibo na nakasentro sa pagdedepensa at pagsusuporta sa kaginhawaan (wellbeing), katatagan (resilience), kalusugang pangkaisipan (mental health), at kaligayahan (happiness) ng mga defender, na nakaangklo sa progresibo, kritikal, at mapagpalayang perspektiba sa sikolohiya.

Minamana at pinagpapatuloy lang po namin ang nakagawiang mga praktis ng care at psychosocial support na tubo mula sa masa at sa mga kilusan; at ang aming intensiyon ay masuportahan sa pagbuhat, sa pagkarga, ng mga kasalukuyan po nating mga psychosocial provider na pinagkakatiwalaan.

Keri: May ilan po kaming sinusuportahan na kung saan ang mga mahal nila sa buhay ay kasalukuyang Desaparecidos, o biktima ng sapilitang pagwala o enforced disappearances. Kadalasan higit isang dekada nang naghahanap, patuloy na naniniwala at umaasang makakauwi rin ang kanilang kapamilya. Sinamahan po namin sila (psychosocial accompaniment) ng higit isang taon. Sinamahan habang hinaharap po niya ang mga korte, sa pag-file ng writs of Amparo o Habeas Data, sa paglalahad ng kanyang testimonya sa tapat ng pulis.

May ilan din pong lumapit na mga human rights lawyer o abogado, na ilang taon nang dala-dala ang mga kwento at imahe mula sa mga imbestigasyon ng extrajudicial killings (na kung sa wikang pangklinika ay maaaring tawagin ang kanyang grupo ng sintomas na vicarious o secondary traumatization), mula sa mga komunidad na kanyang sinuportahan.

Larawan mula sa Keri: Caring for Activists

Ngunit, ang dalahin niya ay hindi lamang patungkol rito, kundi ay magkakaugnay sa personal sa mga relasyon niya sa iba at sarili. Kitang-kita po namin ang lakas ng ating mga abogado ng bayan, lakas sa kanilang pagpapanagot sa mga nakahamak, at lakas sa kanilang pagbubukas ng sarili upang magsabi na “kailangan ko ng makakausap, kailangan ko ng makakasama, kasi dama ko na ako’y nag-iisa.”

Mayroon po kaming isang retreat kasama po ang mga katutubong kababaihan na kung saan binahagi po nila ang pagbubuwag ng relasyon sa kapwa nila katutubo, upang “makapasok” at “masakop” ng isang mining company, hindi lamang ang yutang kabilin o ancestral land, kundi pati ang loob ng mga kapamilya at kamag-anak. Malalim ang pagbabahagi ng mga gawain ng korporasyon, kaakibat ang militar, sa pagpapalaganap ng tunggalian na ito.

Isa pong masaya naman na alaala ay mula sa aming retreat sa Mindanao, kasama ang ilang environmental, women, at human rights defenders. Kasama din namin ang isang kaibigan ng kolektibo na Egyptian activist at former political prisoner. Bilang bahagi ng aming pagdidiin ng grounding techniques, nagkaroon kami ng napakasayang dance off. Kung saan natuto kami ng Egyptian belly dancing, at of course di papatalo, tinuro din ng mga Mindanaon defenders, ang Budots.

Cervantes: Sa mga taong mas sekular ang pag-iisip, mga motivation o gratitude journal, okay ‘yon. Sa mga namumuhay na may pang-araw-araw na pananampalataya, okay naman ang dasal, okay rin ‘yon. ‘Yong kausap nila ang Diyos o may mga patron silang santo. May mga taong may dala pang anting-anting o mga tattoo na may letra, anting-anting ‘yon. Dapat mayroon tayo—kung saan man nanggagaling, sa loob man natin o sa loob ng Maykapal—dapat mayroon tayong pinanghuhugatan na lampas sa atin, na hindi lang nag-iisa tayo.

Nilad: Makinig nang may malawak na pang-intindi. Sikaping huwag magbigay ng payo, dahil baka lalo pa ‘yon makasama. Alam ng kada tao kung ano ang lalim ng pinagdadaanan nila. Very Filipino ang subukang ayusin ang problema at marami ‘tong nasisiwalat tungkol sa paano natin binibigyang comfort ang ating sarili. 

Walang to-do list. Ang payo ko, huminga nang malalim. Huwag madaliin ang paghinga at gawin ‘to nang mas madalas.

Yarcia: Ang isang mapagkalingang komunidad ay kumikilala sa dignidad ng bawat nilalang. Isinusulong nito ang batayang karapatan ng mga mamamayan: sa pagkain, bahay, at kabuhayan, pagpapahayag, pampulitikang paninindigan at pananampalataya, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, transportasyon, at iba pang anyo ng serbisyong panlipunan. 

Sa lipunang ganito ang balangkas, walang magsasaka at manggagawang magugutom, lalo na’t sila ang lumilikha ng pagkain at yaman. Kung itataguyod natin ito hanggang dulo: ang kapangyarihan ay hindi dapat nasa kamay lamang ng iilan. Ang isang mapagkalingang bayan ay demokratiko, at nakikinig sa hinaing ng nakararami. Ang mga patakaran ay dapat na iniuugat sa kanilang mga pangangailangan, hindi sa interes ng mga nasa itaas.

Ganoon din sa antas ng komunidad: magiging mapagkalinga ito kung naglalaan ng panahon at espasyo upang makinig sa mga kasapi. Bukas lagi sa mga mungkahi, at nakatuon sa magiging kapaki-pakinabang sa mas nakararami.

Keri: Lipunan kung saan tumatakbo sa pagkakalinga ang oras, imbis na sa orasan ng kapitalismo. Kung san dama na mayroong panahon upang magmahalan, sa loob ng pamilya at higit pa, sa komunidad at lipunan; imbis na manatili sa disenyo ng pasismo ng walang tigil na tunggalian.

Lipunan kung saan alam ng bawat isa ang kasaysayan, mga ala-ala ng pakikibaka. Ang kuwento ng mga katutubo at ninuno. Ang kuwento ng himagsikan, mula sa kolonyalismo hanggang sa kasalukyan, kuwento ng ordinaryong mamamayan at manggagawa, kuwento ng kalikasan, pinapasa para susunod na henerasyon na hindi makalimutan ang pinanggalingan.

Lipunan kung saan ang ating kaalaman ay naghuhugot ng malalim sa katutubong kaalaman at kritikal/politikal na kamalayan.

Bahaginan ng Keri katuwang ang Bahaginan Children’s Rehabilitation Center. Larawan mula sa Keri: Caring for Activists

Sa huli, napakalinaw ng mga tagubilin at biyaya: Kailangan natin intindihin ang mga kuwento. Kailangan nating makinig. Kailangan natin ng espasyo kung saan tayo mapapakinggan. Kailangan natin ang isa’t isa at hindi kahinaan na sumandig sa mga kasamahan.





Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning