Hindi mangmang ang mga dalubhasang ekonomista ng gobyerno. Alam nila ang kanilang ginagawa. Ilang dekada na silang nagpakaeksperto sa paghugot ng datos sa hangin at pagmanipula ng estadistika ng kahirapan para tiyaking barat ang sahod sa bansa.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), hindi raw maituturing na “food poor” o nagkukulang sa pagkain ang sinumang may badyet na mahigit P64 kada araw o P21 kada kain. Sabi pa ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, itinaas na ng ahensiya ang food poverty threshold mula sa P55 noong 2021 at itataas pa sa P67 sa susunod na taon.
Nagbigay pa ng listahan ng presyo ng mga puwedeng kainin para ikatuwiran ang estadistika sa pagdinig ng Kamara para sa badyet ng ahensiya. Makakabili raw halimbawa ng kapeng 3-in-1 sa P4, pakete instant noodles sa P7 at isang lata ng sardinas sa P5. Batay ito sa Suggested Retail Price ng Department of Trade and Industry noong Enero 2024.
Umani ng batikos sa mga mambabatas ang ilusyunado at hinugot-sa-kung-saan na datos ng NEDA. Naging tampulan din ito ng pangungutya at katatawanan sa social media. Gaya kasi ng P20 na bigas, walang nabibili ang nakatalang presyo, lalo na’t patuloy ang pagsirit ng food inflation sa bansa.
Tila tinutulak din ng ahensiya sa iba’t ibang klase ng sakit, kung hindi man sa kamatayan, ang mamamayan sa binabanggit na diyeta. Ang National Nutrition Council na ang nagsabi na kailangan ng P242.53 kada araw ng isang tao para masabing masustansiya ang kanyang kinakain.
Katuwiran ni Balisacan, hindi kailanman inilaan ito para maging pamantayan ng disenteng pamumuhay, kundi sukatan lang ng paglago ng ekonomiya at pag-unlad ng kanilang mga polisiya.
Isa sa perpektong halimbawa ng idyomang “paggisa sa sariling mantika” ang naging pahayag ni Balisacan. Bukod sa pag-amin ng kanilang kapalpakan dahil sa lantarang pagsasalungat sa mandato ng ahensiya, inamin din nila na matagal nang huwad ang datos ng gobyerno na nagpapakita na lumalago ang ekonomiya ng bansa.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Ago. 15, bumaba sa 15.5% noong 2023 ang poverty rate sa bansa mula sa 18.1% noong 2021. Katumbas ito ng 2.99 milyong pamilyang Pilipino noong 2023 mula sa 3.5 milyong pamilya noong 2021.
Hindi nakakabigla ang napakababa at napakalayo sa reyalidad ng pamantayan ng NEDA. Sa pagtatakda ng P64 food poverty threshold, nasa 19 milyon pamilyang namamaluktot sa gutom at kahirapan ang napapabayaan ng gobyerno dahil hindi nasasama sa bilang ng dapat bigyan ng ayuda ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Alam ng NEDA ang kanilang ginagawa. Sadya ang pagmamanipula ng estadistika ng kahirapan, hindi lang para panindigan ang ilusyon ng “umuunlad” na ekonomiya, kundi higit sa lahat, para bigyang katuwiran ang hindi nakabubuhay na pasahod sa bansa.
Mula 2012 pa umiiral ang two-tiered wage system bilang patakaran sa pagtatakda ng sahod na si Balisacan rin ang isa sa nagpakana. Ginagamit na batayan ang poverty threshold sa pagtatakda ng “floor wage” o pinakamababang puwedeng ipasahod, kahit mas mababa pa sa minimum wage.
Halimbawa, sa pagtakda ng P64 na poverty threshold, masasabi ng gobyerno na mayaman pa ang mga manggagawa ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na tumatanggap ng P361 minimum wage, pinakamababa sa bansa, lalo na ang mga nasa National Capital Region na tumatanggap ng P645, pinakamataas na minimum. Napagmumukha ring kalabisan pa na humingi ng dagdag-sahod, o na sapat na ang barya-baryang umento.
Ginagawa pa ng patakarang ito na katanggap-tanggap ang talamak na pagpapasahod ng mas mababa sa itinakdang minimum wage, lalo sa mas maraming manggagawang kontraktuwal at impormal.
Mukha lang nagpapatawa o nagtatanga-tangahan ang NEDA sa pagpapalutang ng mga datos mula sa hangin. Pero seryoso ang mga dalubhasa at eksperto sa ekonomiya ng gobyernong Marcos Jr. Metikuloso at masinsin nilang dinodoktor ang estadistika para lalo pang makapagpatupad ng mga pahirap at mapagsamantalang patakaran ang administrasyon.
Kasi nga naman, sa P64 na poverty threshold, hindi kaawa-awa at mapalad pa nga ang milyon-milyong Pilipinong nagugutom, naghihirap, binabarat.