Sino’ng takot sa e-bike? – Pinoy Weekly

February 16, 2024


Kung nasa social media ka, lalo na Facebook, tiyak na may nakita ka nang post tungkol sa mga “e-bike” na nabuwal sa kalsada, alanganing naka-park, pahara-hara sa mga kalsada, o minamaneho ng bata.

Pasaway daw ang mga may-ari at nagmamaneho nito, walang alam sa mga batas-trapiko, makapal ang mukha, mapanganib. Marami sa mga nagpapaskil nito, nananawagan ng “regulasyon” sa mga “e-bike,” nananawagan na dapat may lisensiya rin ang pagmaneho ng mga ito—“para matuto naman sa tamang paggamit ng daan.”

Mga motorista ang marami, kundi man mayorya, sa mga nangungutya sa “e-bike.” Sila raw ang naaabala sa daan, sila ang nalalagay sa panganib. Higit sa lahat, sila itong nagbabayad ng Road Users’ Tax at hindi ang “free riders” na mga gumagamit ng “e-bike.” Sila ang nagparehistro, kumuha ng lisensiya, nagbabayad ng buwis. Kanila ang kalsada. Tabi-tabi kayong mga dugyot na pasaway sa daan.

Ang ‘di nila alam, hindi naman “e-bike” ang karamihan sa mga kinaaasaran nila. Hindi elektronikong bisikleta (“bicycle,” bi-cycle o dalawang gulong) ang mga ito kundi “e-trikes,” “e-quads” o micro e-vehicles (micro-EVs) pa nga, na karamiha’y ang maksimum na takbo ay ‘di bibilis sa 30 kilometro kada ora (may ilang aabot hanggang 50 kph). (Isama pa sa kategorya nila ang electric mobility scooters o e-scooters.) Sa madaling salita, walang binatbat sa bilis ng pangkaraniwang kotse o SUV. Hindi nila kinakailangan ng rehistrasyon pangunahin dahil dito.

Philippine News Agency

Sangkatutak na ang pag-aaral—at ang aktuwal na karanasan natin sa mga kalsada—na pangunahing dahilan ng pagkamatay sa mga aksidente sa kalsada ang pagkatulin ng mga sasakyan. Mas mabilis ang sasakyan, mas bulnerable sa aksidente. Mababa ang tsansang may mamatay sa aksidente sa micro-EVs na tumatakbo ng 30 kph—makikita ito sa mga taunang datos ng Metro Manila Development Authority, at sa anumang lungsod sa buong mundo.

Ang bilis ng sasakyan ang batayan ng klasipikasyon ng Land Transportation Office (LTO) sa kung aling e-vehicles ang dapat iparehistro at alin ang hindi, sa ilalim ng LTO Administrative Order No. 2021-039 o Consolidated Guidelines in the Classification, Registration and Operation of All Types of Electric Motor Vehicles. May rekisitong helmet (na dapat ay katulad ng gamit ng mga nagmomotorsiklo) din sa paggamit ng e-bikes na 30-50 kph ang takbo.

Gawa sa China ang karamihan ng “e-bikes” at micro EVs na nakakalat ngayon sa Kamaynilaan. Mayroong iilang brands na may kamahalan pa (tulad ng Himo, E-Velo, Fiido, atbp. para sa “pedal-assist e-bikes” at e-bikes na estilong mopeds o scooters tulad ng Vuelo, Honda Sundiro, Wuyang Honda at Gogoro) na may sariling service centers.

Pero karamiha’y mumurahing may Chinese brand (tulad ng NWOW o New Wonders of the World) na nagkakahalaga mula P10,000 hanggang P40,000. Siyempre, palaging napupulaan na kulang sa kalidad ang mga produktong gawa sa China. Pero sa totoo lang, aling elektrinokong appliance o gaheto ba ang hindi ngayon gawa sa China? Huwag na nating lokohin ang sarili at magmataas; lahat iyan gawa sa China.

Isa pang mahalagang punto hinggil sa e-bikes at micro EVs: promosyon ng paggamit nito ang kailangan ngayon. Carbon emissions mula sa transportasyon ang isa sa pinakamalaking nag-aambag sa pag-init ng klima o climate change. Ayon sa mga eksperto, malamang na umabot sa 2 degrees celsius ang temperatura ng daigdig sa 2050 kapag ‘di signipikanteng nabawasan ang greenhouse gas (kabilang ang carbon) emissions ng sangkatauhan.

Nangangahulugan ito ng pagkamatay ng maraming nilalang sa mundo at pagkatunaw ng dambuhalang mga yelo sa Antarctica at Greenland na ikalulubog ng maraming lugar sa mundo kabilang ang ilang lugar ng Pilipinas. Isang kongkretong hakbang para maibsan ang carbon emissions ang kumbersiyon ng transportasyon tungo sa electric technology at tinatawag na renewable energy (tulad ng solar, wind atbp. “clean energy”).

Metro Manila Development Authority

Inamin ito mismo ng gobyerno, nang isabatas nito ang Republic Act 11697 o Electric Vehicle Industry Development Act o Evida noong Abril 2022. Ang problema lang, kapos na kapos ang implementasyon ng batas na ito sa ngayon.

Sa kagyat, ramdam natin ang matinding polusyon sa hangin ng Maynila. Noong Setyembre 22, 2023, nanilaw ang kalangitan ng Kamaynilaan dahil sa smog mula sa polusyon ng mga sasakyan. Kamaynilaan ang isa sa may pinakamaruming hangin sa buong mundo. Mas maraming bisikleta, e-bikes at EVs, mas mainam para sa kalidad ng hangin ng lungsod.

Pero ang pinakaramdam sigurong epekto sa atin ng “car dependency” o “car centrism” ng imprastruktura sa transportasyon ng bansa ang grabeng pagkabuhol ng trapiko sa mga kalsada ng Kamaynilaan. “Worst in the world” ito, sabi ng marami, mula sa Waze at TomTom Traffic Index hanggang kay Chris Martin ng Coldplay.

Sa kabila nito, at sa kabila ng batas na dapat sana’y nagtataguyod sa paggamit ng EVs sa bansa, patuloy ang pagkadepende natin sa mga sasakyang “fossil fuels” o de-gasolina. Taon-taon ang paglaki ng bilang ng nabibiling pribadong kotse at SUVs sa bansa.

Halos 60% pa rin ng mga komyuter ang nakadepende sa pampublikong mga jeepney, bus at light rail (MRT o LRT), pero nagsisiksikan sila sa iilang (papaunting) jeepney, bus at tren, habang dumarami ang pribadong sasakyan na may isa, dalawa o iilang sakay lang at siyang tunay na “hahara-hara sa daan.”

Dahil dito, at sa marami pang dahilan, hindi dapat kasuklaman ang pagdami ng e-bikes at micro-EVs sa mga kalsada ng Kamaynilaan. Maaaring natutulak ang mga de-kotse ng pakiramdam na “unfair” o ‘di patas na bumili sila ng mamahaling sasakyan pero heto itong mga dugyot na nasa bisikleta o e-bikes na (minsa’y) may sarili pang lane; nagbabayad sila ng buwis pero hindi ang mga gumagamit ng bisikleta at e-bikes; at kinakailangan nilang magparehistro pero hindi ang mga nasa bisikleta o e-bikes.

Maihahalintulad ito sa mga nasa middle class na galit na galit sa mga maralitang naggigiit para sa pampublikong pabahay dahil “hindi naman nila pinaghirapan ito.” Pero ang dapat nilang mabatid ay tulad ng pabahay, batayang serbisyo ang kalsada na karapatan ng lahat na maakses.

Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

Hindi kasalanan nilang kayang bumili ng kotse na nakakotse sila dahil sa bulok na sistema ng transportasyon. Nasa gobyerno ang responsabilidad na itulak ang mga mamamayan na huwag nang magkotse—kung may sapat, maayos, malinis, maaasahang sistema ng mass transport tulad ng mga tren, light rails, trams, rapid bus transits, atbp. Nasa gobyerno ang responsabilidad na tiyaking hindi lang nakasentro sa kotseng fossil fuel ang mga kalsada.

Hindi rin dapat sinisisi ng mga nakakotse, nakamotor at naka-SUV ang mga natutulak bumili ng e-bikes at micro-EVs na gumamit nito sa ating kalsada. Tulad ng mga de-kotse, natulak lang bumili ng e-bikes at micro-EVs ang ilan dahil sa kawalan ng opisyon sa transportasyon—at may kaunti silang ekstrang pera na pambili (o nakapangutang ng pambili) nito.

Napakaliit na minorya sila, dahil sa mababang sahod ng mga manggagawang Pilipino na hindi nga makakaagapay sa pang-araw-araw na gastustin, lalo na sa pagbili ng bisikleta o e-bike. Halos walang maramdamang tulong o promosyong ginagawa ang gobyerno sa teknolohiyang ito, sa pamamagitan ng pagdebelop ng sariling industriya o kahit subsidyo para sa pag-angkat nito sa kagyat.

Kung may maihahalintulad sa pagdami ng e-bikes, ito siguro iyung pag-usbong ng pampublikong jeepney matapos ang World War II: dahil walang maayos na sistema ng transportasyon matapos mawasak ang mga tramways at sistema ng tren nang bombahin ang Kamaynilaan ng Estados Unidos noong 1945, gumawa ng sariling paraan ang masa at kinumbert ang mga Willys Jeep ng mga Kano para maging jeepney.

Posibleng sa pilit na pagpawi ngayon ng gobyerno sa mga jeepney sa kalsada, maaaring ang micro-EVs na nga ang sunod na sariling diskarte ng masa para matugunan ang pangangailangang ‘di sapat na tinutugunan ng pamahalaan. Nagkataon lang na mas mainam sa ating kalikasan at kalusugan ang teknolohiyang ito. 

Kung kaya, pagpasensiyahan na lang ang “hahara-harang mga e-bike” sa kalsada. Bahagi sila ng solusyon, hindi sila ang problema.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss