Tagaktak ang pawis namin matapos ang mahigit bente minutos na paglalakad sa ilalim ng initan nitong April 20 ng hapon. Papunta kami sa Kowloon House–hindi para kumain, kundi bilang suporta sa mga manggagawa nito, pero wala kaming matyempuhan na dyip para sana sumakay na lang. Oo nga pala, kahit nag-rollback na ay bawas pa rin ang mga pumapasada dahil sa mahal ng presyo ng langis.
Pagkarating namin sa Kowloon ay sinalubong kami ng mga kabataan at mga manggagawa at nag-alok pa sa amin na mag-merienda. Sa totoo lang, magkahalong hiya sa sarili at paghanga sa kanila ang naramdaman ko noong oras na iyon. Balita ko ay pang-anim na araw na nila iyon na tigil-produksiyon (na ibig sabihin ay anim na araw na rin silang walang sinasahod), pero sila pa itong naunang magbigay sa amin ng makakain.
Naikuwento sa amin ni Kuya Dan Dimaculangan, mahigit tatlong dekada nang nagtatrabaho sa Kowloon, na hindi naman ito ang unang beses na nag-welga sila – pang-apat na ito sa buong kasaysayan ng kompanya. Ang ipinaglalaban nila ngayon, bukod sa mga benepisyong ipinagkakait sa kanila, ay ang hiling na dagdag sahod. Php25 na nga lang ang hinihingi nila –malayo sa dapat na Php108 wage increase alinsunod sa apat na wage orders at sa nakaraang Collective Bargaining Agreement (CBA). Kung tutuusin din, 0.38% lang ito ng arawang tubo ng Katipunan Food Services Inc. (KFSI), ang management ng Kowloon, na umaabot ng Php400,000. Barya lang ito para dagdagan ang pasahod ng kanilang mga manggagawa, pero hindi pa nila maibigay.
Aniya, kulang din daw sila sa tauhan, pero hindi nagdadagdag ang pamunuan ng KFSI. Matagal na nga silang ma-regular, tinatanggal pa agad ang iba bago pa man sila ma-regular. Bukod pa rito, nakakagawa raw sila ng 8,000 piraso ng mga produkto kada araw, pero kulang ito sa mga araw kung saan kailangan nilang mag-double production. Ito ay mula nang gawing araw ng Linggo ang natatanging rest day nila—bagay na nakakadagdag-hirap sa kanila. Dagdag dito, aabot din daw sa Php570,000 ang service charge benefits na hindi pa rin naibibigay.
Underpaid na nga, overworked pa, hindi pa kumpleto ang mga benepisyong natatanggap. Kapag naman daw sinusubukan nilang kausapin ang management ng KFSI, hindi sila pinakikinggan. Sa halip na makipagkasundo sa unyon, patuloy lang ang pag-iwas at ang panghaharas sa mga manggagawa. Ang sabi pa nga raw sa kanila, hanggang Php13-14 lang daw ang kayang ibigay na dagdag-sahod. Ito ay sa kabila ng patuloy nitong pagpaparami ng branches at ng mungkahi na taas-presyo sa mga produkto na aabot daw hanggang Php55 kada piraso dahil umano sa oil crisis.
Paanong nagawa ng sikat na restawran na may mahigit 80 branches sa buong bansa ang ganito sa kanilang mga manggagawa? Nakakawalang-gana tuloy kumain sa Kowloon—ang hirap sikmurain ang ganitong kalagayan. Hindi dapat ganoon na lang ang pagtrato ng mga kompanya sa mga taong lumilikha ng halaga.
Sa kasagsagan ng init ng araw na iyon ay kasagsagan din ng dayalogo sa National Conciliation and Mediation Board ng mga representante mula sa unyon at pamunuan ng KFSI. Habang naghihintay sa resulta ng dayalogo, nasaksihan ko ang pag-abot ng tulong ng ibang tao sa mga manggagawa. Solidarity. Sa mga sandaling iyon, namulat ako sa isang personal na adhikain, hindi lang sa simpleng pagtulong, kundi sa pakikiisa sa mga manggagawa, mahirap, at api—sa kanilang mithiin ng mas ganap na buhay.
Paglipas pa ng ilang sandali ay lumabas din ang resulta ng dayalogo. Tagaktak man ang pawis at bakas ang pagod, sumilay ang ngiti sa kanilang mga mukha nang ianunsyo na nagbunga ang anim na araw ng welga. Tagumpay! Napagkasunduan ng KFSI at ng unyon ang usapin ng dagdag-sahod sa halagang Php20, at nasarhan ang anim na probisyon ng kanilang panawagan. Bukod pa roon ay kinilala rin ng management ang pagbabalik sa service charges kahit na sa porma ng staggered payment. Katulad ng mga manggagawa, nagdiwang din sa tagumpay ang mga kabataan, na siyang sumuporta at tumulong na magpalakas ng panawagan ng unyon. Malaking bagay ang kanilang pagsuporta at pakikiisa sa kanilang laban.
Pero dalawang araw pagkatapos ng akala naming “tagumpay”, inanunsiyo naman ng management ng Kowloon ang pagsasara ng negosyo at pagtatanggal sa mahigit 70 manggagawa ng Noodle House nito. Tusong kapitalista. Idinahilan pa ang karamdaman ng may-ari ng Kowloon.
Walang pagdadalawang-isip, balik-protesta ang mga manggagawa para kundenahin ang paglabag ng management sa kaisahan at bilang bahagi na rin ng National Day of Protest for Living Wage noong Abril 24. Walang init ng araw ang inalintana—ang init lang ng silakbo ng damdamin ng mga manggagawang walang tigil na pinagsasamantalahan ng kapitalista. Hindi rin pinanghinaan ng loob ang mga manggagawa at supporters nila. Pinatunayan ng welga, pagkakaisa, at pakikiisa ang taglay na lakas ng uring manggagawa, hukbong mapagpalaya, sabi nga ng chanting ng mga lumahok.
Ngayong papalapit na Mayo Uno, sigurado, magkikita-kita kami nila Kuya Dan at iba pang mga manggagawa ng Kowloon. Pupunta ako, siyempre, walang dalawang-isip. Ngayon pa, gayong ipinakita na ng mga manggagawa na kaya nila ang paulit-ulit at lumalakas na pakikibaka—para sa sahod, trabaho, at karapatan.###
