Sunod-sunod na kaso ng paglabag sa IHL sa Panay, naitala  – Pinoy Weekly

September 3, 2024


Nananawagan ang Panay Alliance Karapatan para sa isang independyenteng imbestigasyon sa mga kaso ng paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kasunod ng pagpaslang sa mga lider ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa isla ng Panay.

Nitong Ago. 15, ibinandera ng 301st Infantry Battalion ng AFP ang nakuhang mga bangkay ng mga lider ng NDFP-Panay sa Brgy. Cabatangan sa bayan ng Lambunao, Iloilo isang oras matapos ang umano’y engkuwentro ng AFP at NPA sa lugar. Tinukoy ng AFP ang mga bangkay na sina Rewilmar “Vivian” Torato, Ma. Concepcion “Concha” Araneta-Bocala at Vicente Hinojales.

Sa kabila nito, hindi agad binigay ng AFP ang katawan ng mga napaslang sa kanilang mga pamilya kahit naagnas na ang katawan ng mga ito. Ganito rin ang sinapit ng mga pamilya ng mga napaslang na kasapi ng NPA sa bayan ng Calinog, Iloilo noong Ago. 8. Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, imbis na katawan ng mga nasawi, intimidasyon at harassment ang nakuha ng mga pamilya mula sa militar.

“Hindi makatao,” ganito inilarawan ng grupo at mga pamilya ang sinapit ng mga nasawing rebolusyonaryo sa kamay ng militar. Ayon sa Karapatan, ang ganitong pagtrato sa isang namatay, sibilyan man o armado, ay hindi katanggap-tanggap, imoral at labag sa internasyonal na batas.

Idiniin din ng grupo ang mismong pagsasawalang-bahala ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), isang kasunduang pinasok nito kasama ang NDFP sa balangkas ng usapang pangkapayapaan taong 1998.

Kinondena ng grupo ang ginawang pagpapabaya sa mga katawan ng pinaslang, kabiguang ibigay sila sa pamilya ng may dangal, at mga ulat ng palatandaan na posibleng pinahirapan ang mga ito bago tuluyang paslangin.

Ang mga kasong naitala sa Panay ay dumadagdag sa mahabang listahan ng mga paglabag sa IHL lalo na laban sa mga kasapi at lider ng Communist Party of the Philippines (CPP), NPA at NDFP. Ipinagpapanawagan ng Karapatan ang isang tunay at independyenteng imbestigasyon sa lahat ng mga paglabag sa karapatang pantao at IHL na ginagawa ng GRP.

GRP, tumalikod sa usapang pangkapayapaan

Kasabay ng mga dumaraming paglabag sa CARHRIHL, inanusyo din ni National Security Advisor Eduardo Año ang madilim na kinabukasan ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.

Idinidiin ni Año ang umano’y pagpapatuloy ng CPP-NPA-NDFP sa pagsasagawa ng mga armadong aksiyon laban sa mga yunit ng militar sa kanayunan.

Kinondena naman ng mga rehiyonal na balangay ng NDFP ang pagtalikod ng GRP sa pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.

Anila, hindi sinsero ang rehimeng Marcos Jr. na lutasin ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Imbis, nag-aasam ito ng pagpapababa ng armas habang patuloy ang paghihirap na dinaranas ng mamamayan.

Sa pahayag ni Bayani Obrero, tagapagsalita ng NDFP-Negros, ipinaalala niya kay Año na 55 taon nang hindi magapi ang armadong pakikibaka ng mamamayan sa kabila ng makailang ulit na pag-aasam ng mga lumipas na rehimeng durugin ito. 

Pagbabadya umano ang mga pahayag ni Año ng higit na pagpapatindi ng militarisasyon at paglabag sa karapatan ng mamamayan sa kanayunan. Sa kabila nito, nananatili umanong pursigido ang masang Pilipino na isulong ang armadong rebolusyon tungo sa ganap na pagpapalaya ng uring api.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Shiminet – Pinoy Weekly

Hayaang pagtawanan ang kamalian o anumang kahinaan ng mga nasa

Ang Bayan Ngayon » Korapsyon at kapalpakan ng National ID

Tinapos na ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang kontrata nito