Tagumpay ng Occupy, 9 na taon makalipas – Pinoy Weekly


Kamakailan, Marso 8, 2026, ang ikasiyam na anibersaryo ng Occupy Pandi.
Tanda ko no’ng madaling araw na ‘yon, nakatipon ang hanay namin sa Phase 3 Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan, isa sa limang inokupang pabahay. May libo-libong pamilyang homeless, bitbit ang kanilang mga gamit sa backpack, pati mga batang maliliit at mga gamit panlinis para sa mga ookupahing bahay.

Mula sama-samang pagkilos, nagkaroon sila ng bahay na matagal ng ipinagkait ng gobyerno sa kanila. Sa siyam na taon, pinaunlad nila ang kanilang komunidad, sa kanilang paggigiit sa pamahalaan kinabitan din ng tubig at ilaw.

Sa tulong ng Makabayan sa Kongreso, na-award sa kanila ang mga yunit na inokupa. Bagaman hindi pa tapos ang laban dahil sa mga mataas na singil ng National Housing Authority sa maraming pabahay sa buong bansa, patuloy naman ang panawagan para sa trabaho, sahod at serbisyo.

Matapos ang siyam na taon, masasabi ko na ang malaking tagumpay ng kilusang occupy ay naganap pagkatapos mismo ng okupasyon, sa taong sumunod.

Lalo no’ng pandemya, tinadtaran ng mga pulis at sundalo ang mga pabahay, nagpakawala ng paninira, red-tagging, harassment, panloloko, pang-aaresto, panggigipit sa ayuda, pananakit, korupsiyon, napa-fake surrender, bumuo ng samahan ng mga intelligence at iba’t ibang uri ng panunupil sa mga lugar na iyan. Maraming natakot at nanahimik. Para bang pinakawala ang hagupit ng kampanyang counter-insurgency sa iisang lugar lang.

Lahat ng iyan para lang buwagin ang Kadamay at ang pagkakaisa ng mga nag-okupa. Bigo sila. Dahil sa ngayon, masasabing hakbang-hakbang na naiibsan ang mga atakeng ito na sinimulan ng administrasyong Duterte.

Noong una, ayaw kilalanin ng mga lokal na opisyal ang Kadamay. Pati pagpapa-enrol ng mga bata sa paaralan ay hindi pinapayagan. Pero ngayon, kahit sumakay ka ng tricycle, “Kadamay” ang sasabihin kung papunta ka sa mga pabahay.  

Tagumpay ito sa kanila dahil sa paggigiit sa karapatan manatili, sa edukasyon at napapayag ang barangay paglipas ng mga taon na unti-unting kilalanin ang Kadamay Pandi sa pagdadala ng tamang prinsipyo para sa nakakaraming maralita.

Masigla ang kanilang pakikipag-alyansa, nakikiisa sa laban nila ang Office of the Vice Mayor at ilang nasa Sangguniang Bayan at Barangay. Mula ito sa dating katunggali sa mga protesta, ngayo’y mas nauunawaan ng ilang opisyal ang pinaglalaban namin para sa kapwa mahihirap.

Sa ikasiyam na anibersaryo, bumuhos muli ang mga parangal at mensahe ng pakikiisa. Galing man sa dati nang kasamahan at maging sa mga bagong nakakaunawa. Laking tuwa naming sa mensahe ng pakikiisa mula sa mga mag-aaral katulad ng mula sa Bulacan State University at Far Eastern University.

Kaya itong nakaraang anibersaryo, masaya ang lahat ng dumalo. Sabi nga nila, bagaman nandito pang may nakatanim na intelligence ng mga sundalo sa aming komunidad ay hindi kami natatakot dahil alam naming na tama ang aming ipinaglalaban. Hindi lang para sa amin kundi sa lahat ng maralita at mamamayang pinagsasamantalahan.



Source link