Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon – Jeremias 20:10-13 | Salmo 68 | Roma 5:12-15 | Mateo 10:26-33
May sasabihin ako—’wag ninyo akong isusumbong. Laging napapa-second look ako tuwing nagsisimba ako at aking maririnig sa sermon ang linyang, “Mga kapatid, huwag kayong matakot! Maniniwala ba kayo na sa Bibliya, 365 beses sinasabi ng Panginoon na ‘huwag matakot’?” Maganda itong pakinggan, kahit hindi naman eksaktong 365 beses lumilitaw sa Bibliya ang mga katagang iyon at ang mga kahalintulad nitong pahayag.
Gayunman, totoo na paulit-ulit tayong pinapalalahanan ng Diyos na huwag matakot. Sa dami ng ating nakikita at naririnig araw-araw, minsan napapatanong tayo kung saan patungo ang mundo. Totoo rin na may dahilan ang ating mga pangamba. Hindi naman basta-basta ang takot. Ngunit ngayong Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon, marapat nating pagnilayan kung ano nga ba ang ibig sabihin ng “huwag matakot.”
Sa unang pagbasa, tila isang “rant” ang ating maririnig mula kay propeta Jeremias. Natatakot siya dahil sa mga bulung-bulungan laban sa kanya. Para sa iba, nagdadala siya ng kilabot saanman siya magpunta. May mga nais siyang isumbong, at maging ang kanyang mga kaibigan ay naghihintay ng pagkakataong siya’y mapahamak. Nakapagtataka ito sapagkat propeta siya ng Panginoon.
Si Jeremias ay kilala bilang propeta ng lagim dahil sa kanyang pagpapahayag ng mga salitang salungat sa pakiramdam ng kapanatagan ng Jerusalem. Habang naniniwala ang marami na ligtas ang kanilang lungsod, ipinahahayag niya ang nalalapit na pagkawasak nito. Dahil dito, naging hindi siya katanggap-tanggap sa kanyang mga kababayan.
May dalawang bagay tayong matututuhan dito. Una, ang pagsunod sa Diyos ay may kaakibat na sakit. May mga pagkakataong ang ating mga salita at gawain, gaano man ito kabuti at gaano man ito nagmumula sa Diyos, ay hindi tatanggapin ng iba. Minsan, ang mismong mga taong malapit sa atin ang magiging dahilan ng ating pagdurusa. Ikalawa, hindi tayo pinababayaan ng Diyos.
Sa gitna ng kanyang paghihinagpis, kinikilala pa rin ni Jeremias na nasa kanyang panig ang Panginoon. Kaya may lalim din ang Salmong Tugunan. Sa kabila ng pangungutya, paghamak at pagtatakwil ng iba dahil sa kanyang paglilingkod, nananatili ang kanyang pagtitiwala na diringgin siya ng Diyos at ililigtas mula sa kanyang mga kaaway.
Tayo’y inaaanyayahang magnilay tungkol sa kung ano kayang mga takot na humahadlang sa akin upang maging mas tapat sa Diyos? Takot ba sa puna ng iba? Takot mawalan ng seguridad? Takot magsalita para sa tama?
Ito rin ang binibigyang-diin ng Ebanghelyo. Tatlong beses inuulit ni Hesus ang panawagang huwag matakot: huwag matakot sa mga tao; huwag matakot sa mga pumapatay sa katawan ngunit hindi sa kaluluwa; at huwag matakot sapagkat mahalaga tayo sa paningin ng Diyos.
Sa tatlong pag-uulit na ito, iisa ang mensahe: huwag hayaang ang takot ang magdikta ng ating buhay. Hindi natin dapat hayaang ang opinyon o pagtanggi ng iba ang humubog sa ating mga pasya, sapagkat ang katotohanan ay malalantad sa takdang panahon. Hindi rin natin dapat unahin ang pansamantalang seguridad kaysa sa ating kaugnayan sa Diyos. Higit sa lahat, hindi tayo dapat magpadaig sa takot dahil mahalaga tayo sa kanyang paningin. Kung inaalagaan niya maging ang mga maya, gaano pa kaya tayong kanyang mga anak?
Ngunit hindi lang sina Jeremias at ang mga apostol ang pinag-uusapan ng mga pagbasa. Sa Ikalawang Pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, inilalagay ang ating karanasan ng takot sa mas malawak na kuwento ng sangkatauhan.
Sa pamamagitan ni Adan, pumasok ang kasalanan at kamatayan sa mundo. Hanggang ngayon, madalas tayong mamuhay sa anino ng “lumang Adan.” Natatakot tayong mawalan, masaktan, mapahiya o mamatay, kaya mas pinipili natin ang sariling seguridad kaysa ang kalooban ng Diyos. Ngunit dumating ang bagong Adan, si Kristo. Kung paanong ang pagsuway ni Adan ay nagdala ng kamatayan, ang pagsunod ni Kristo ay nagdala ng buhay.
Hindi nito inaalis ang pagdurusa at takot. Naranasan ito ni Jeremias at maging ni Hesus mismo. Ngunit ipinakikita nito na hindi takot ang may huling salita. Sa pagsunod kay Kristo, tinatahak natin ang landas na maaaring may pangamba at paghihirap, ngunit umaakay tungo sa buhay.
May isa pang anyo ng takot na kailangan nating harapin bilang mga Kristiyano. Hindi lang ito personal na takot kundi panlipunang takot: ang takot magsalita kapag may kasinungalingang ipinapakalat, ang takot manindigan kapag may inaapi, ang takot tumutol kapag nilalapastangan ang dignidad ng tao. Marahil kaya maraming kasamaan ang patuloy na umiiral ay dahil maraming mabubuting tao ang natutong manahimik.
Ang “huwag matakot” ni Hesus ay paanyaya rin sa matapang na pagsaksi sa katotohanan, kahit hindi ito popular at kahit may kapalit. Ganiyan ang naging karanasan ni Jeremias.
Kaya ngayong linggo, tayo’y inaaanyayahang magnilay tungkol sa kung ano kayang mga takot na humahadlang sa akin upang maging mas tapat sa Diyos? Takot ba sa puna ng iba? Takot mawalan ng seguridad? Takot magsalita para sa tama?
Ang pananampalataya ay hindi kawalan ng takot. Ito ay ang pagpiling sumunod sa Diyos kahit may takot. Sa mundong puno ng pangamba, nawa’y maging mga tao tayo ng pag-asa at katotohanan. Kapag dumating ang mga pagkakataong kailangan nating pumili sa pagitan ng takot at katapatan, nawa’y piliin natin si Kristo. Sapagkat sa kanya, hindi takot ang may huling salita. Ang huling salita ay buhay.
