Tinutuligsa ng National Democratic Front of the Philippines-Palawan (NDFP-Palawan) si Justine Kate Raca at mga katulad niyang taksil na naghasik ng lason at kasinungalingan sa inilunsad na hearing sa senado hinggil sa “student radicalization and recruitment to communist groups” noong Nobyembre 30. Pinangunahan ito ng sagadsaring anti-komunista at pasistang mamamatay taong si Bato dela Rosa. Tirang pikon ang tirada ng mga taksil at kapural ng red-tagging na nag-uulit lamang ng gasgas nang linya ng paninira sa ligal na demokratikong kilusang masa ganundin sa rebolusyonaryong kilusan. Kontra-pelo ang mga desperadong hakbang na ito matapos pumutok ang balita ng matagumpay na pirmahan ng GRP at NDFP ng isang joint statement sa pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.
Inililinaw naming muli na si Raca ay taksil sa rebolusyon at kaaway ng sambayanan mula nang pinili niyang isalba ang sarili kapalit ng pagkakanulo sa rebolusyonaryong kilusan at pambansa-demokratikong interes ng malawak ng masa. Matapos na mahuli noong Disyembre 2021 ay pinili niyang sumuko at magpagamit sa kontra-rebolusyonaryong programa ng Western Command-AFP (WESCOM). Mula noon ay garapalan na siyang nagpagamit sa kampanyang supresyon ng pasistang NTF-ELCAC laban sa rebolusyonaryong kilusan at nitong huli ay sumapi sa Philippine Marines na kabilang sa papet at pasistang armadong pwersa ng imperyalismong US, pangunahing kaaway ng mamamayang Palaweño at instrumento ng reaksyunaryong estado sa pagpapahirap at panunupil sa masa. Paulit-ulit niyang ipinagkanulo ang rebolusyon, higit sa lahat, ang mamamayang tumanggap, nag-aruga at nagtanggol sa kanya. Ang mga katulad niya ay walang ipinag-iba sa mga pasista’t mersenaryong humihimod sa tae ng mga reaksyunaryo’t naghaharing uri, ng mga imperyalista na dahilan ng labis na paghihirap na dinaranas ng mga Palaweño at sambayanang Pilipino. Kapalit nito ang makitid na garantiya ng kaligtasan at mumong halaga mula sa milyon-milyong ibinubulsa ng mataaas na opisyal ng AFP mula sa pondo ng bayan. Siya ang halimbawa ng mga taksil na ilustrado na nagtaksil sa Katipunan, sumapi sa papet na Philippine Scouts at Philippine Constabulary na itinayo ng US upang sakupin ang bansang Pilipinas mula 1898-1901 at lantarang naghudas sa dakilang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya kapalit ng pagpapauna ng kanilang mga personal at makitid na kapritso. Dahil dito, itinatakwil siya ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Palawan, ng malawak na mamamayang Palaweño at sambayanang Pilipino.
Sina Raca at mga tulad niyang taksil ng rebolusyon ay mangmang at pulpol sa kasaysayan ng militanteng kilusang kabataang estudyante, sa mayamang tradisyon ng mga kabataang Pilipinong hindi nangiming tumindig, kumwestyon at lumaban sa papet na estadong mapang-abuso at mapang-alipin. Binalewala nila ang mahahalagang papel na ginampanan ng laksa-laksang kabataang Pilipino sa pagtatatag at pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong kilusan sa magiting na rebolusyonaryong kasaysayan ng Pilipinas mula pa sa panahon ng pag-aalsa laban sa kolonyalistang Spain, kolonyal na paghaharing US, pasistang pananalakay ng Japan, hanggang sa kasalukuyang paghahari ng imperyalismong US at ng kanilang mga papet. Kabaligtaran, binabansagan nilang salot ang mga tunay na mapagpalaya at demokratikong kilusang ito ng mga kabataan at iba pang aping sektor at uri at itinatanggi ang makasaysayang kabuluhan nito sa paghuhulma ng lipunang mayroon tayo sa kasalukuyan, at kabilang sila sa nagtatamasa. Ang pinakamasaklap, ipinatatanggap nila sa kasalukuyang henerasyon ng kabataang Pilipino na maging kimi at lunukin na lamang ang lahat ng pang-aapi, pangyuyurak at inhustisyang nararanasan nila sa araw-araw.
Buong kawalanghiyaan pang hinihimod ni Raca ang puwet ng mamamatay taong si Bato dela Rosa, pangunahing berdugo ni Duterte na siyang nanguna at ngayo’y kumakaharap sa kaso laban sa sangkatauhan dahil sa pamamaslang sa hindi bababa 30,000 inosenteng sibilyang pinaratangang mga adik at pusher, hindi pa kasama ang mga kaso ng pamamaslang ng Davao Death Squad at iba pang kinakaharap nitong mga kaso ng pandarambong sa kabang yaman ng bayan kasabwat ang kanyang among kriminal na si Duterte.
Dapat maghanda ang mga rebolusyonaryong kabataan at ang kabataang Pilipino sa nagbabadyang pagtindi pa ng panunupil, pandarahas at pagyurak sa kanilang karapatan na iniuumang ng rehimeng US-Marcos II at inilalatag ni Bato dela Rosa laban sa kanila. Dapat itong biguin at labanan ng buong giting ng lahat ng nagmamahal sa kalayaan at demokrasya sa Pilipinas.
Nag-aambisyon si Raca at mga amo nito sa AFP, WESCOM at NTF-ELCAC na malilinlang, mapaniniwala at matatakot nila ang mga kabataan at taumbayan sa kanilang mga lasong ipinalalaganap. Sa halip, hindi man sinasadya lalo nilang tinuturuan ang mga kabataang mag-alam at magsaliksik sa kahirapan, inhustisya, pagsasamantala at pang-aapi na dinaranas ng mamamayan na siyang tunay na ugat ng di-magagaping armadong paglaban ng sambayanang Pilipino. Ituturo nito’t dadalhin ang sanlaksang tunay na mga anak ng bayan na tahakin ang landas ng bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyong isinusulong ng CPP-NPA-NDFP. Lalo lamang ginagatungan ng kanilang desperasyon ang marubdob na pagnanasa ng bayang humulagpos sa gapos ng pang-aapi at pagsasamantala, at ganap na lumaya mula sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.#