Ni Nuel M. Bacarra
Hindi nakapagtataka sa Pilipinas na ang isang pagkakawanggawa o ang pagtugon sa tawag ng pangangailangan ay itinuturing na isang krimen laluna kung ang mga rumiresponde ay mga progresibong organisasyon at indibidwal. At gayon nga ang nangyari kina Ka Satur Ocampo at Teacher France Castro, dalawa sa tinaguriang Talaingod 13.
Maraming ganitong pangyayari sa bansa. Karaniwan na, kumbaga. Paulit-ulit at tila walang katapusan. Selektibo. May tinitingnan at may tinitigan. Sa ganito marahil maibubuslo ang kaso ng Talaingod 13, isang solidarity mission na naging rescue mission. Mas masaklap pa, humantong sa asunto at hinusgahan sila ng korte na nagkasala. Inapela sa mas mataas na korte pero kinatigan ang di-makatarungang hatol. Nangyari ito sa panahon ni Duterte na tumawid na sa panahon ng batang Marcos.
Ano ang nasa likod ng hatol na ito?
Sa ika-11 buwan ng pag-upo ni Pangulong Duterte sa poder, idineklara niya ang Batas Militar sa Mindanao dahil umano sa grupong Maute na naghahasik ng kaguluhan sa Mindanao na lumundo sa tinaguriang Marawi Siege. Subalit kahit napalayas ang mga Maute, nagkaroon ng serye ng mga pagpapalawig ng batas militar na binawi rin kalaunan noong Disyembre 31, 2019.
Binuo ni Presidente Duterte ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) noong Disyembre 4, 2018 sa paglagda ng Executive Order No. 70. Ito ang ahensyang nagpatupad ng “whole-of-nation” approach para diumano gapiin ang mga Komunistang grupo. Sa ganito, naipunla ni Duterte ang kanyang paghahari sa buong bansa at pagpapalakas gamit ang dahas.
Sa sulsol na rin ng NTF-ELCAC, sapilitang ipinasara ang 215 eskwelahan ng mga katutubong Lumad sa Mindanao na nagdulot ng dislokasyon sa mahigit 10,000 mag-aaral. Itinayo ito noong bandang 1990 ng mga komunidad ng mga katutubo sa Minadano sa tulong ng mga institusyong relihiyoso para magkaroon ng edukasyon ang mga batang Lumad. Pagsapit ng 2021, wala na ni isang eskwelahan ng Lumad ang nakatayo.
Kumbaga, naging panibagong bugso ng pasismo ang pagpapasara sa mga eskwelahan na diumano ay sanayan ng mga rebeldeng kalaban ng pamahalaan. Ang pagpapasara ay nasa konteksto ng pagpapairal pa rin ng kamay na bakal sa pamamagitan ng batas militar. Naging epektibo sa panahon ni Duterte ang pagmaksimisa sa mga armadong paramilitar tulad ng Alamara na bantog sa lansakang paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan kahit sa kapwa nilang Lumad-Manobo.

Subalit kung lumaban man ang mga Lumad, ito ay para sa pagtatanggol ng kanilang lupang ninuno laban sa mga nagpapalayas at sumisira sa kanilang tirahan at pook ng kabuhayan sa pamamagitan ng malawakang operasyon ng pagkalbo sa kagubatan at malawakang pagkawasak dahil sa todo-largang pagmimina. Isa na rito ang Philippine Meng Di Mining & Development Corporation na binigyan ng permiso sa 17,000 ektarya para sa pagmimina ng ginto, pilak at tanso at malawakang pagpuputol ng troso naman ng kumpanyang Alcantara & Sons sa lupang ninuno ng tribung Manobo simula pa noong 1990. Mga usapin itong bitbit sa puso at isip na nag-uudyok ng paglaban ng komunidad.
Sa kagipitang dinanas ng mga estudyanteng Lumad sa kamay ng paramilitar na Alamara at ng militar mismo, dito na sumaklolo ang mga guro kasama sina Ka Satur Ocampo at Rep. France Castro noong Nobyembre 28, 2018 sa mga guro at estudyante ng Salugpongan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center. Inc.
Ayon mismo kay Ka Satur, ang kontra-insurhensyang kampanya ng gubyerno ang nasa likod ng lahat ng naganap sa Talaingod. Sinuhayan nito ang malawakang paglapastangan sa kagubatan at mapaminsalang pagmimina ng korporasyong lokal at dayuhan. Inarmasan ang mga sibilyan para maging paramilitar upang dahasin ang kapwa nila katutubo.
Ayon naman kay Teacher France, tumugon siya sa panawagan ng mga gurong naiipit sa pandarahas dahil siya ay kasaluyang representante sa konggreso ng mga guro noon nang mangyari ang paghingi ng saklolo ng mga estudyante at guro.
Noong Hulyo 15, 2024, hinusgahang maysala ng Tagum City Regional Court Branch 2 ang 13 dahil diumano sa paglalagay sa panganib sa mga bata na ibyinahe ng gabi at pinaglakad sa mapanganib na lugar. Pagkalipas ng isang linggo ay nagsumite ng apela ang mga inakusahan na iniakyat sa Court of Appeals sa Cagayan de Oro City. Isang taon at kalahati ang dumaan, noong Disyembre 19 ng nakaraang taon, kinatigan ng Court of Appeals ang desisyon ng Tagum RTC. May motion for reconsideration nang isinampa muli.
Ang Kaso ng Talaingod 13 ay naglalantad kung gaano kasahol ang sistema ng hustisya sa bansa. Iniikutan ang batas, sinasalaula ito para lang makapamayagpag pa rin sa pulitika ang mga buhong at pahinain, kundi man patahimikin, ang itinuturing nilang kaaway.
Naganap ito sa panahon ng rehimeng Duterte, subalit hindi maikakaila na nasa interes din na tanggalin ng rehimeng Marcos Jr. ang mga tulad nina Ka Satur at Teacher France at iba pa sa Talaingod 13 sa eksena ng pulitika dahil sa taglay nilang militansya at pagka-makabayan.
Ang pakikibaka ng Talaingod 13 ay isang hakbang pasulong sa mamamayang Pilipino dahil hinaharap nila ang pasismo ng estado habang pinalalakas ang sarili sa pamamagitan ng pagkilala sa lakas ng nagkakaisang mamamayan. #