Nang hagupitin ng Supertyphoon Odette ang Bohol, hindi lang mga puno ang nabuwal—pati ang buong pamumuhay ng mga naroon.
Nawalan ng kabuhayan ang mga Boholanong nagsasaka. Para sa mga coconut farmer o mga magkokopra doon, katakot-takot na tatlong milyong puno ang natumba sa isang gabi.
Ayon sa Department of Agriculture, umabot sa P13.3 bilyon ang kabuuang pinsala ng bagyo sa agrikultura at kabuhayan ng higit sa kalahating milyong mga magsasaka.
“Nigamay na karon ang among income sa lubi tungod daghan ang natumba (Kumonti na ang aming kita dahil sa dami ng nasira),” sabi ni Maria Lourdes Alidon, lider-magsasaka sa Brgy. Baunos sa munisipalidad ng San Isidro.

Sa bahagi ng sektor na umaasa sa pagniniyog, nagkakahalaga ng P400 milyon ang nawasak, kaya nasa P2.3 bilyon ang nawala sa rehiyon. Pagkatapos, dumating ang tulong mula sa pambansang pamahalaan sa porma ng kakarampot na tulong pinansyal, pansamantalang insurance sa pananim at pailan-ilang pamamahagi ng binhi.
Nagmungkahi naman ng mga programa ang Philippine Coconut Authority sa ilalim ng Comprehensive Action Plan for Rehabilitation and Recovery for Typhoon Odette Affected Coconut Areas. Dito, pangunahin ang tulong pinansyal para sa paglilinis sa mga nasalantang sakahan at pagpapabunga sa mga niyog.
Pero para sa mga magsasaka, lalo na sa kababaihan na nakatutok sa sakahan at pag-aalaga sa pamilya, kapos ang programa.
Unti-unti, binhi-binhing pagbangon
Para sa agarang tulong sa mga magsasaka, inilunsad ng Cebu-Bohol Relief and Rehabilitation Center, sa pakikipagtulungan sa Cooperative for Assistance and Relief Everywhere (CARE) Philippines at sa Cargill, ang Recovery Intervention for Severely Affected Coconut Farming Communities of Bohol by ST Odette (RISE) Coco Project noong 2022.
Layunin ng proyektong RISE na tulungang makabangon ang sektor ng pagniniyog sa pamamagitan ng muling pagtanim ng mga puno, karagdagang kaalaman at pagsasanay sa mga magsasaka, at pagtuturo ng iba’t ibang posibleng pangkabuhayan sa komunidad.
Mula nang simulan ang proyekto, higit 1,000 magkokopra ang nakapagtanim at nakapagpabunga ng 113,480 na puno ng niyog sa apat na munisipalidad ng Calape, Catigbian, Loon at San Isidro.

Para kay Alidon, higit sa direktang tulong sa binhi, natulungan rin silang magpakahusay.
“Mohatag sila og fertilizer and training. Mohimo pud sila’g monthly nga follow-up ( Nagbibigay sila ng pataba at training. Buwan-buwan rin sila may follow-up),” sabi ni Alidon.
Sa pagbisita kada buwan sa mga benepisyaryo, tinitingnan ang lagay ng mga itinanim na niyog, mga vermicomposting unit at pati mga alagang hayop.
“Para kapag may naminsala ulit na bagyo, may iba pa kaming pagkakakitaan,” paliwanag ni Alidon.
Kahit pa kalalakihan ang malaking bulto ng lakas-paggawa sa pagkokopra, mga magsasakang kababaihan tulad ni Alidon ang kadalasang bumubuhay sa mga proyekto. Mula sa pag-aayos ng mga rekord at pag-oorganisa sa training, hindi matatawaran ang ambag ng mga lider-kababaihan sa tagumpay ng proyekto.
Pagsuporta sa mga lider kababaihan
Para masigurado na magpapatuloy ang implementasyon ng proyekto, nilagay ang mga babae sa posisyon ng pamumuno sa ilalim ng focal farmer leader program.
Ani Hannson Namoc, monitoring, evaluation, accountability and learning officer ng proyekto, “Intensiyon ng proyekto na manghikayat ng mga kababaihan na makibahagi at mamuno sa mga inisyatiba sa pagsasaka at sa komunidad, gawa ng pantay na oportunidad para sa mga babae at lalake.”
Bukod pa roon, may mga pagsasanay ang komunidad sa pagtugon sa mga isyung pangkasarian. May mga workshop tungkol sa karapatan ng mga bata at pantay na hatian sa gawain na dinadaluhan naman ang mga benepisyaryo.
Sa mga workshop, hinahasa ang kaalaman ng mga benepisyaryo para matulungan silang bumangon at maging higit pang matatag.
Kasama sa usapin ang klima
Maigi rin ang tutok ng proyekto sa pagpapakahusay at katatagan dahil sa nakababahalang mga pagbabago sa klima. Ayon sa Visayas Regional Services Division ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, isa ang Central Visayas sa mga natukoy na lugar na dumaranas ng lumalalang init at matinding pag-ulan.
Dahil dito, mas lalong bulnerable ang komunidad ng mga magsasaka Bohol sa mga matinding pagbabago sa lagay ng panahon tulad ng Bagyong Odette. Lalo nitong napapataas ang panganib sa biglaang pagbaha at pagkasantala sa mga pananim.

Kaya bilang tugon sa pabago-bagong panahon, tumanggap ang mga magsasaka ng training at mga demonstrasyon para matulungan silang magsimula ulit.
Kasama sa training ang pagtuturo sa mga magsasaka tungkol sa climate change, pabago-bagong panahon, at pagtugon sa mga panganib. Bukod pa ito sa mga batayang pinag-aaralan sa sektor tulad ng pagpapabunga sa mga niyog, mga teknik sa pagtatanim at paninigurado na may sapat na layo ang mga puno sa isa’t isa.
Tinuruan din ang mga magsasaka na maghanda para sa epekto ng bagyo. Halimbawa na nito ang pagputol sa mga dahon at pag-ani sa mga bunga bago pa ang bagyo para mabawasan ang bigat ng mga puno.
Tugon sa mga balakid
Sa kabila ng tagumpay sa lokalidad, may mga hindi pa rin napupunan ang pambansang pamahalaan. Maraming mga hakbang sa pagbangon ang hindi tugma sa pangangailangan ng mga magsasaka.
Gamit ang Central Visayas Rehabilitation Recovery Program, sinikap makakuha ng suporta para sa iba’t ibang pananim at pataba, at tulong-pinansyal ang Central Visayas Regional Disaster Risk Reduction and Management Council-Recovery and Rehabilitation Committee.
Kaysa magpakitang-tao sa pagtulong, panawagan ni Alidon na “mas nindot gyud og magahinan ni og pondo ug mapadayon ang pag-monitor (Mas maganda kung mabigyan ng sapat na pondo at suporta ang sektor).”
Ngayon, higit sa pananim, humihingi na ang mga magsasaka ng suporta sa imprastruktura, mga kagamitan at pati mas bukas na pakikilahok sa pamilihan—para maging sustenable o maipagpatuoy ang mga pinaghirapan nila.
Kahit sa RISE Coco, pansin ng mga project representative ang kakulangan sa badyet at tao. Dahil 10 lang sila sa team, may hadlang sa pag-oorganisa na tugma dapat sa layunin ng proyekto.

Ngayong natapos na ng Hunyo 2025 ang implementasyon ng programa, planado na nina Alidon at ng komunidad ang sunod na mga hakbang.
Sabi ni Alidon, “Plano namo nga dili lang mopabilin sa coconut farming. More integrate sa agricultural nga panginabuhian (Plano namin na hindi magpalimita sa pagkokopra. Gusto naming pasukin rin ang ibang gawaing pangkabuhayan).”
Pinapakita lang ng proyekto na ito na epektibo ang mga hakbang sa pagbangon kung nakaayon ito sa danas at reyalidad ng mga magsasaka, lalo na ng kababaihan na namumuno nang may tapang at pag-aaruga.
Hindi lang binhi para sa niyog ang matagumpay na naitanim. Pati binhi ng katatagan, tinanim ng mga kamay na hindi sumuko matapos ang trahedya ng Bagyong Odette.
Pero para yumabong pa ang mga hakbang na ito, may mga susunod pang hakbang. Naipakita na ng kababaihan ng Bohol kung ano ang posibleng mapagwagian kapag nabibigyan ng kagamitan, tiwala at pagsasanay para mamuno.
Para sa pangmatagalang mga estratehiya sa harap ng nagbabagong klima, kailangan pondohan ang climate-resilient agriculture, palakasin ang imprastruktura, at bigyan ng sapat na suporta ang mga lokal na lider.
