Titser


Kung minsan, tinatanong ko ang sarili ko kung gusto ko pa nga bang magturo o bumalik na lang sa gawaing pangkaunlaran. Paano ba naman, bukod sa napakaraming trabaho, marami pa akong nakasasalamuhang estudyanteng may kakaibang ugali. Hindi ko pa isasama ang kawalan ng kasiguraduhan sa trabaho (bilang isang kontraktuwal na guro), ‘di sapat na benepisyo at patuloy na tumataas na bilihin at bills na hindi ko na halos mapagkasya ang kakarampot na sahod.

Ang sabi ng mga kapwa ko guro, iba na raw ang mga estudyante ngayon—mas maraming entitlement at mas mapangahas—mapangahas sa puntong basta na lang kami i-e-email, kung ano-anong masasakit na salita ang sasabihin, at kung minsan, magpaparinig pa sa social media.

Pero hindi lang naman ito tungkol sa mga estudyanteng may kakaibang ugali. Kung tutuusin, kung sino pa ‘yong mga naiibang ugali, sila rin ‘yong nahihirapang makaangkop sa pag-aaral dala ng maraming salik tulad ng mental health, personal na mga problema, at iba pa. Nahihirapan din kaming tulungan sila dahil sa patuloy na nagbabagong kalagayan, idagdag pa ang mga personal din naming hinaharap. At ang nakakalungkot na bahagi ng pagiging guro, inaasahan kaming magbigay ng suporta gayong kami mismo ay walang makuhang suporta.

Mahirap ang maging guro sa Pilipinas. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa kanilang pahayag sa World Teachers’ Day, nagtitiis ang mga guro sa mababang sahod na hindi sumasapat sa family living wage, hindi sapat na pondo para sa edukasyon, at iba pang sistemikong mga usapin.

Napipilitan ding maglabas mula sa sariling bulsa ang mga guro para matugunan ang kapabayaan ng estado habang inaasikaso ang oversized na klase at mga sira-sirang klasrum. Ayon pa kay Raymond Basilio ng ACT, hindi makatao ang kondisyon sa paggawa ng mga guro at halos hindi sapat ang mga benepisyong tinatanggap—nagtitiis sa hirap habang kinukurakot ng gobyerno ang mga pondo ng bayan.

‘Yong pinsan ko nga na guro sa public school, hanggang sa bahay ay dala-dala ang sandamukal na envelope upang ituloy ang mga naiwang trabaho. Lampas limang taon na siyang Teacher 1—hindi pa rin nakatitikim ng promosyon at kakapiranggot lang ang umento sa sahod na nakukuha sa kabila ng pagpupuyat, pagkakasakit, at kung ano-ano pang danas na hindi mawari sa loob ng paaralan.

Hindi ko masasabing masuwerte ako dahil nasa isang unibersidad ako dahil magkaiba man kami ng danas ay pareho pa rin ang kalagayan namin bilang mga guro. Ang nakapanlulumo nga lang, ang taas ng rekisito para sa promosyon at pagreregular sa mga guro samantalang ang mga politiko na sumasahod ng halos apat na beses ang taas sa sahod ng mga guro (at nars) ay “basta marunong lang na magbasa at magsulat.”

At ang pinakalunos-lunos sa lahat, mas nakakakuha ng impluwensiya ang mga kabataan sa mga politiko kaysa sa mga guro. Kaya ang dulo ng lahat, paulit-ulit ang nauupo sa posisyon. Sa halip na matutuhan ang kasaysayan at mapahusay ang kanilang kasanayan upang makapag-ambag sa bayan, hayun at sinusuportahan pa ang “isang kaibigan!” Magkakasya na nga lang ba tayo sa mga tulad ni Sara Duterte o ni Marcos Jr.? Anong halimbawa ang itinuturo nito sa mga bata at kabataan? 

Ang pag-uugali ng mga bata ay repleksiyon ng kalagayan ng ating bansa. Kung totoong ang henerasyon ito ay kakaiba na nga, kahit pa nagsisikap ang mga guro na gampanan ang kanilang tungkulin, malaki pa rin ang epekto ng umiiral na sistema kung paano tingnan ng mga estudyante ang mga institusyon, kabilang na ang paaralan.

Indikasyon ito ng lumalalang sakit ng sektor ng edukasyon—terminal na nga ang sakit ng sektor ng edukasyon. At kung hindi mababago ang kalagayan ng mga guro at mga kawani, tiyak na patuloy na babagsak ang sektor ng edukasyon.

Makabuluhang World Teachers’ Day sa mga kapwa guro at kawani! Tuloy ang laban!




Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!