Uncategorized

Trining ng Tondo (Isang Pagpupugay)

Trining ng Tondo (Isang Pagpupugay)


Inanunsiyo ng kanyang pamilya ngayong umaga ang pagpanaw ng matapang na lider-maralita ng Tondo noong panahon ng diktaduryang Marcos Sr.

Ni Nuel M. Bacarra

Hindi ko malilimutan si Ka Trining, ang matikas na si Gng. Trinidad “Ka Trining” Herrera-Repuno. Nang malipat ako sa Caloocan City Jail (CCJ) mula Camp Crame noong Enero 2016, personal ko siyang nakadaupang-palad nang dumalaw siya sa aming tatlong bilanggong pulitikal sa nasabing piitan. Sabi niya, dati rin siyang bilanggong pulitikal na nakaranas ng tortyur sa panahon ng diktadurang US-Marcos.

Mabilis siyang magsalita. May diin at tipong ahitado, na kahit noon lamang kami nagkita ay walang preno ang kwento niya. Habang nagkukwento, nililimi ko kung bakit ganoon siya at sino siya talaga? Bagama’t nagpakilala siya, inaamin kong hindi ko pa talaga siya kilala noon.

Sa ilang oras na naroon kami sa visiting area ng piitan, nagpalipat-lipat kami ng pwesto dahil sa dami ng mga dumadalaw. Hindi niya pinalampas ang pagpuna kung bakit ganoon ang kalagayan naming mga preso. Subalit itutuloy niya rin naman ang pagkukwento tungkol sa maraming bagay.

Sa aking isip, mukhang ganoon nga marahil ang aktitud o maaaring pakiramdam ng sinumang nakaranas ng isang bagay na hindi katanggap-tanggap na hanggang sa kasalukuyan ay nangyayari pa rin sa iba. Ang ekspresyon sa kanyang mukha habang nagkukwento kung paano siya kinuryente, hinubaran, tinaniman ng mga kung anu-anong ebidensya, ay bakas na bakas sa gigil at tikas sa kanyang mukha.

Pero sino nga ba si Ka Trining?

Kalaunan ko na lamang din ganap na nakilala si Ka Trining. Siya ang batikang lider ng maralitang tagalunsod, ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) sa panahon ng diktador na si Marcos Sr. Siya yaong hindi palalampasin anuman ang ganda ng isang proyektong “pagpapaganda” ng syudad kung ang kapalit naman ay ang pagpapalayas sa mga maralita mula sa kanilang mga komunidad.

Bilang halal na tagapangulo ng Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) mariin niyang tinutulan ang paglilibing ng labi ng diktador sa Libingan ng mga Bayani sa panahon ng panunungkulan ni Duterte. Isa rin siya sa mga nagpetisyon sa naipanalong kaso ng pagbibigay-kumpensasyon sa mga biktima ng batas militar ni Marcos, bilang isang detenidong malubhang pinahirapan sa kanyang pagkakakulong.

Kilala siyang lider ng mga maralitang tagalunsod hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Nasa ibang bansa siya para magbigay ng pananalita nang ideklara ang Batas Militar noong 1972. Sa katunayan, bago siya naaresto noong 1977, papunta siya dapat sa ibang bansa para maging huwes sa isang internasyunal na kumpetisyon para sa disenyo ng urban housing project.

Ininda ni Ka Trining ang tortyur na dinanas niya na litaw sa bagsak ng mga salita sa kanyang mga salaysay. Sino ang hindi manggagalaiti sa pagsasalaysay kung ikaw ay hinubaran at kinukuryente sa maselang bahagi ng iyong katawan?

Subalit bilang lider ng mga maralita, hindi matatawaran ang pamumuno niya. Ang pagkakaisa ng maralita ay nagbunga ng tagumpay para sa 2,000 pamilya na nailipat sa isang proyektong pabahay sa Malabon noong 1979. Nananatili siyang tagapamuno sa bagong komunidad. Lider din si Ka Trining ng malalaking kilos-protesta na yumanig sa diktadurya, katulad na lamang ng noise barrage noong halalan ng 1978 kung saan milyon-milyong mamamayan ang ispontanyong sumali sa buong kamaynilaan.

Mula sa diktadurang US-Marcos, sa mga Aquino, Estrada, Arroyo, Duterte at sa ngayong rehimeng Marcos Jr., hindi siya nag-atubili para sa pagtataguyod ng karapatan ng mamamayan. Kabilang siya sa mga indibidwal at organisasyong nagpetisyon sa COMELEC para sa diskwalipikasyon sa kandidatura ni Marcos Jr. para sa eleksyong presidensyal noong 2022. Batayan ng petisyon ang pang-aabuso sa panahon ng Batas Militar ng matandang Marcos, korupsyon at walang puknat na mga paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan na talamak pa ring nangyayari sa panunungkulan ng batang si Marcos Jr.

Si Ka Trining bilang lider ng CARMMA noong 2016. (Larawan ni Lito Ocampo/Kodao)

Hindi ko man naranasan ang pisikal na tortyur bilang isang bilanggong pulitikal na tulad ng dinanas ni Ka Trining sa kamay ng armadong pwersa ng estado, isang malaking tortyur para sa akin ang tambakan ng mga gawa-gawang kasong nangyari sa mga lugar na di ko pa narating at kasalukuyan pa ring ginagawa ng mga pasistang ahente ng gubyerno at dinaranas ng mga bilanggong pulitikal sa iba’t ibang kulungan sa buong bansa.

Di makailang-ulit niyang sinabi ang panawagan sa mga kabataan na sana ay matuto sa karanasan ng mga naging tagapagtaguyod ng kapakanan ng mamamayan at ipagpatuloy ang laban para baguhin ang sistemang nagluluwal ng karahasan at sa pagpapatuloy ng pakikibaka laban sa mga paglabag sa mga batayang karapatan ng mamamayan.

Isang bagay ang pinanghinayangan ko kay Ka Trining ay ang di pagkatuloy ng panayam sa kanya para alamin ang kanyang dakilang buhay at pakikibaka para sa maisiwalat ang kalagayan ng mga maralitang kanyang pinamunuan at ang pagtatanggol sa mga karapatan na patuloy pa ring nilalabag ng mga armadong pwersa ng estado.

Ang buhay at pakikibaka ni Ka Trining ay magiging salalayan para ihatid ang kasaysayan sa tagumpay ng mamamayan laban sa mga mapang-api at mapagsamantala sa lipunan. Ito ay mula na rin sa tagubilin niya, para sa mga nagtataguyod ng kapakanan ng taumbayan, higit sa lahat sa mga kabataang Pilipino.

Ayon mismo sa kanyang anak na si Toni Rose, ang buhay ng kanilang ina ay puno ng paglilingkod, tatag at pakikipag-kapwa hindi lamang sa kanyang mga anak kundi sa pamayanang pinag-alayan ng kanyang buhay.

Mula sa isa ring pinagpipitaganang progresibong lider na si Judy Taguiwalo sa mga anak ni Ka Trining na naiwan: “Pumanaw na ang matapang na lider ng maralitang tagalunsod, Ka Trining Herrera. Lubos ang aming pakikiramay sa mga naiwan! Saludo sa inyong ina na nanatiling tapat sa bayan at mamamayan kahit na sobrang pinahirapan noong diktadurang Marcos.”

Mananatili ang respeto at pagpupugay kay Ka Trining para sa dakilang buhay at pakikibaka para sa sambayanang Pilipino. #



Source link

Kodao
Kodao

Kodao Productions is an award-winning multi-media production outfit. It produces videos on burning social issues in the Philippines, such as environmental destruction, human rights, and other civil liberties. Aside from videos, Kodao also produces radio programs for national radio networks and community radio stations throughout the country. Both its video and radio productions have been awarded and cited by private and government institutions.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning