Tsuper at operator, nagkilos-protesta laban sa PTMP –


“Isang matagumpay na araw ang pagkilos ngayon sa anibersaryo ng ika-43 na maningning na pakikibaka ng PISTON,” ani Jason Fajilagutan ng PISTON Parañaque.

Nagkasa ng kilos-protesta ang mga jeepney driver at operator kasama ang sumusuportang grupo para itulak ang pagbabasura sa Public Transport Modernization Program (PTMP), kilala sa dating katawagang Public Utility Modernization Program (PUVMP), sa kahabaan ng Recto Avenue sa Maynila.

Tutulak sana sa Mendiola ang mga nagprotesta ngunit agad itong hinarangan ng kapulisan. Hindi naman ito naging hadlang sa kanilang paglulunsad ng programa.

43 taong pakikibaka ng sektor ng transportasyon

Sa nagdaang apat na dekada, nanguna ang PISTON sa militanteng paglaban para pagbuklurin ang mga tsuper at operator laban para sa kanilang batayang karapatan sa kabuhayan. Kasabay ring isinusulong ng grupo ang progresibo, makabayan, at makamasang sistema ng pampublikong transportasyon laban sa mga hindi pantay na mga patakaran ng gobyerno, mga kartel sa langis, at mga korporasyon.

Noong 1981, itinatag ang PISTON ng Kilusang Mayo Uno (KMU) bunga ng mga pagsisikap ng mga jeepney driver at operator sa Cubao matapos ang mga tampok na tagumpay na welga laban sa hindi makatarungang re-routing at labis na pangungumpiska ng mga lisensya sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr.

“Ngayon, sa loob ng 43 taong pakikibaka, pinagtitibay natin ang ating saligang prinsipyo ng tunay, militante, at makabayang pagkakaisa sa sektor ng transportasyon sa pagtatanggol ng ating pampublikong transportasyon, paglaban para sa karapatan ng bawat tsuper at operator, at pagtataguyod ng ganap na makatatrungan at masaganang lipunan para sa lahat ng mga uring inaapi at pinagsasamantalahan,” saad ng PISTON sa kanilang pahayag.

Paglaban sa kabuhayan, karapatan

“Hindi ata alam ni Chairman Guadiz na ang pagkawala ng kabuhayan ay labag sa konstitusyon. May nakabinbing kaso ngayon sa SC na sana hinintay niyang magdesisyon ang mga hurado at huwes. Subalit pinapanigan ni Guadiz ang mga kooperatiba at korporasyon,” ani Fajilagutan.

Kinikilala ng Saligang Batas ang prinsipyo ng security of tenure sa hanay ng mga manggagawa, kabilang ang sektor ng transportasyon.

Sa NCR, tinatayang aabot sa 17,000 ang kasalukuyang bilang ng mga tsuper at maliliit na operator na hindi pumaloob sa konsolidasyon, ayon sa grupong MANIBELA.

Bagamat nagtapos na ang franchise consolidation noong April 30, maging ang 15-day extension nito, itinutulak pa rin ng iba’t ibang grupo ang pagbabasura sa PTMP alang-alang sa kabuhayan ng libo-libong tsuper at maliit na operator na hindi pumaloob sa konsolidasyon.

“Minarapat nating pumunta sa kalsada para ipahayag ang ating saloobin at ipakita sa gobyerno ni Marcos Jr. na ang kanyang programang PTMP ay hindi tutugon sa problema ng sektor ng transportasyon. Inilalantad natin maging sa labas ng bansa, ang mga pinagkukunan ng unit tulad ng China, Japan, at Korea na iyon lamang ang pinapayaman ng gobyernong ito na sana ay dapat sariling industriya natin ang palaguin dahil maryoon naman tayong kakayahang lumikha,” dagdag pa ni Fajilagutan.

Noong Disyembre 2023, nagpahayag ng aabot sa 5.5 bilyong pisong ilalagak na suporta ng Japanese automotive giant na Toyota Motor Corporation para sa PTMP, bahagi ng diskusyon na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Japanese business community sa 50th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Friendship and Cooperation Summit na ginanap sa Tokyo, Japan.

Matagal na ring itinutulak ng mga grupo ang panawagang suportahan ang pambansang industriyalisasyon.

Sa nangyaring House Transportation Committee hearing noong Mayo 21, pinagsusumite ng prototype si Mar Valbuena, pangulo ng MANIBELA, para sa itsura ng lokal na modernized jeep.

Sa nasabing pulong itinampok MANIBELA ang gawang lokal na modernized jeep na nagkakahalagang P900,000.

Ito ay relatibong mababa kumpara sa higit kumulang 1.6 hanggang 2.8 milyong imported modern jeep na ineenganyong ipagbili sa ilalim ng mga kooperatiba o korporasyong pumailalim sa konsolidasyon.

“Local manufacturer at nagkakahalaga lamang po yung body niya, P700,000. Fully stainless na po ito at fully equipped siya. At yung engine po, nabili lamang namin ng P190,000. Euro 4 engine pa po ito,” dagdag pa ni Valbuena.

Sa darating na Hunyo 10 hanggang 12 ay nakatakdang magsagawa ng tigil-pasada ang grupong MANIBELA para igiit ang paglalabas ng memorandum order ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa sinasabing isang taong extension para sa mga driver at operator na hindi pumaloob sa konsolidasyon.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!