Tsuper, operator nagkaisa laban sa panukalang PUVMP, franchise consolidation sa unang araw ng pambasang tigil-pasada –


“Tama na, sobra na!” singhal ng mga drayber at operator.

Aabot na sa 85% ang paralisadong ruta sa National Capital Region (NCR) ngayong umaga ayon sa No to PUV Phaseout Coalition.

Ito ay bunsod ng paglulunsad ng pambansa at malawakang tigil-pasada mula Nobyembre 20 hanggang 20 ng PISTON at susundan pa muli ng mga pagkilos ng iba pang grupo para ipanawagan ang pagbabasura sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) at ang franchise consolidation.

Ayon sa grupong PISTON, phaseout sa kabuhayan ang itutulak ng PUVMP at franchise consolidation bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at bilihin sa bansa.

Pedro Gil – Agoncillo – Guadalupe JODA Terminal

Pasig – Bagong Bayan JODA Terminal

PISTON Cubao (PCJODA) – Cubao – Quiapo Terminal

Nova – Bayan, Quezon City

Monumento Circle, Caloocan City

Nagsimula ngayon taon ang mga tigil-pasada mula Marso dahil sa banta ng PUVMP na noon ay hanggang Abril na lang ang pagpaparehistro. Bunsod pagsasagawa ng tigil-pasada, napilitan ang LTFRB na iurong ang deadline hanggang Disyembre.

Nasundan ito noong Oktubre bunsod ng naisiwalat na katiwalian sa loob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pangunguna ni LTFRB chair Teofilo Guadiz III.

Samantala, pinabulaanan ni Mody Floranda, tagapangulo ng PISTON, ang naging pahayag Guadiz hinggil sa sinasabing franchise consolidation na magtatapos hanggang Disyembre 30.

Ayon kay Guadiz, substantial compliance lamang ang hinihingi ng LTFRB sa mga tsuper.

“Ang franchise consolidation ay phaseout. Ang franchise consolidation ay pagbawi at pagmasaker sa mga indibidwal na prangkisa at pagpasa nito sa mga malalaking transport corporation na sila lang may kapasidad na magbayad at sumunod sa mga pakana ng gobyerno. Ginagawang malaking negosyo ang simpleng kabuhayan ng mga ordinaryong Pilipino,” paliwanag ni Floranda.

Matatandaang sinuspinde si Guadiz sa kanyang pwesto noong Oktubre 9 matapos isiwalat ng dating LTFRB executive assistant na si Jeffrey Tumbado ang korapsyon at anomalya sa nasabing ahensya.

Ayon kay Tumbado, mayroong mga iskea tulad ng ‘ruta for sale’ sa LTFRB na umaabot pa hanggang sa Malakanyang. Ang mga pahayag na ito ay binawi agad Tumbado na para sa mga transport groups ay mayroong pumagitna rito para takutin ang whistleblower.

Agad namang nakabalik si Guadiz sa pwesto noong Nobyembre 6 matapos bawiin ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ipinataw na 90-day suspension.

Sa kabilang banda, nakiisa ang International Transport Workers’ Federation sa kilos-protesta ng mga jeepney drivers.

“Anumang modernisasyon at pamumuhunan sa pampublikong transportasyon ay dapat umaambag sa pagtugon sa mga umiiral na hindi pagkakapantay-pantay at sa pagkamit ng katarungan pang-ekonomiya at panlipunan para sa uring manggagawa,” ani Alana Dave, director for Urban Transport ng ITF.

Kumakatawan ang ITF sa halos 18.5 milyong manggagawa sa transportasyon sa 150 na bansa sa buong mundo. Isa ang PISTON sa 740 na miyembrong unyon ng ITF.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!