Tuloy ang welga ng mga manggagawa ng Kowloon House West Avenue sa Quezon City matapos manatiling nakapako sa P13 ang increase sa wage compliance na alok ng manedsment sa gitna ng nagpapatuloy na negosasyon.
Sa pangunguna ng Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant, and Allied Industries-Kilusang Mayo Uno (GLOWHRAIN-KMU-Kowloon House West Chapter), umabot na sa ikatlong araw ang welga na nagresulta sa ganap na pagparalisa ng produksiyon sa West Avenue. Dahil dito, limitado na ang suplay na hindi bababa sa 85 outlet ng Kowloon House, habang ang ilan ay pansamantalang nagsara bunsod ng pagkaantala ng delivery.
Sa unang negosasyon noong Abril 16, iginiit ng Katipunan Food Services Inc. (KFSI) ang P13 dagdag-sahod at walang iniharap na pag-usad sa iba pang probisyon ng collective bargaining agreement (CBA), kabilang ang educational assistance at loyalty pay.
Aabot sa P25 ang hinihinging wage compliance ng mga manggagawa batay sa mga naipong obligasyon ng kompanya, na umabot na sa P104 wage gap sa nakaraang tatlong taon.

“Hindi ito ang wage increase na hinihingi namin. Ang P25 ay bahagi pa lamang ng dapat ibayad sa amin. Hindi maaaring ipagpaliban ang compliance,” sabi ng union president na si Bernard Dimaunahan, matapos nilang isagawa ang strike vote noong Abril 8.
Bukod dito, nananatiling isyu ang mahigit P500,000 na service charge na hindi naipamahagi nang wasto sa mga rank-and-file na manggagawa.
Inireklamo rin ng unyon ang umano’y pag-antala ng management sa proseso ng negosasyon matapos itulak ang pagpapaliban ng paghaharap sa National Conciliation and Mediation Board mula Abril 17 patungong Abril 20.
“Kung patuloy na ipagkakait ang nararapat sa amin, wala kaming ibang pagpipilian kundi palakasin ang aming pagkilos hanggang sa makamit ang hustisya,” ani Dimaunahan.

Binalikan ng unyon ang kanilang kasaysayan ng pakikibaka, kabilang ang welga noong 2008 kung saan tinanggal sa trabaho ang 73 na manggagawa. Kalaunan, ipinag-utos ng National Labor Relations Commission ang kanilang reinstatement na may back wages na kinilala bilang paunang tagumpay.
Sa kabila ng patuloy na negosasyon, naniniwalaang mga manggagawa na patuloy na aarangkada ang welga hanggang matugunan ang kanilang mga kahingian.
