Uncategorized

Unang araw ng SONA Caravan 2025 ng Timog Katagalugan, matagumpay na naisagawa

Unang araw ng SONA Caravan 2025 ng Timog Katagalugan, matagumpay na naisagawa


Ulat ni Alvinson V. Aligam / Mga larawan ni Nuel M. Bacarra

MANILA — Sa kabila ng matinding buhos ng ulan sa Kamaynilaan kahapon Hulyo 25, matagumpay na naisakatuparan ng iba’t ibang progresibong organisasyon mula sa Timog Katagalugan ang kanilang protest caravan kaugnay ng nalalapit na State of the Nation Address (SONA) 2025 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Itinampok ng rehiyon ang samu’t saring panawagan hinggil sa mga isyung panlipunan sa gitna ng lumalalang kalagayan ng bansa. Kabilang sa mga ito ang krisis sa klima, imperyalismo, kalagayan ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, katutubo, maralitang tagalungsod, estudyante, taong-simbahan, at propesyonal, gayundin ang panawagan para sa karapatan ng maralitang Pilipino.

Isinagawa ang mga kilos-protesta sa harapan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng US Embassy, DPWH, DENR, at DSWD, pati na rin sa Mendiola at UP Diliman University Avenue. 

Unang Kilos-Protesta: US Embassy

Nagsimula ang unang protest caravan sa harap ng embahada ng Estados Unidos kung saan mariing kinondena ng mga tagapagsalita ang administrasyong Marcos dahil sa hayagang pagtataksil sa interes ng sambayanang Pilipino.

Binigyang-diin nila ang kamakailang pagsang-ayon ni Marcos Jr. sa zero-tariff policy para sa mga produktong galing US, habang nananatiling may 19% na taripa ang mga produktong iniluluwas ng Pilipinas patungong Amerika.

Tinuligsa rin nila ang patuloy na pagpapalawak ng presensyang militar ng US sa bansa na anila’y bahagi ng girian ng US at China kung saan ang mga Pilipino ang posibleng magsilbing panangga sakaling sumiklab ang digmaan.

Giit ni Amirah Lidasan mula Sandugo Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination: “Sa SONA, ipagmamalaki niya [Marcos Jr.] ang peace. Anong peace ang mayroon sa ating mga komunidad, gayong kitang-kita natin na hanggang ngayon, gamit ang US ammunition at US armaments ay ginagawa nilang lunsaran at praktisan ang mga komunidad ng Moro at katutubo para sa gyera. Kaya dapat tuligsain ang paglalagay ng Python missiles at mine exercises dahil tayong Pilipino ang ginagawang forward base ng US,” 

Dagdag nila, imbes na tugunan ang epekto ng bagyo at habagat na nagdulot ng pagbaha, mas pinili umano ng administrasyong Marcos na makipag-negosasyon sa US, na anila’y lalong naglalagay sa mga Pilipino sa peligro.

Pangalawang Kilos-Protesta: DPWH

Matapos ang kilos-protesta sa US Embassy, nagtungo ang caravan sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Mariing iginiit ng mga tagapagsalita ang kakulangan at kawalang pananagutan ng ahensya sa pagpapatupad ng mga flood control projects, lalo na’t lumalala ang pagbaha sa rehiyon.

“Malinaw po na hindi nagsisilbi para sa mamamayan ang mga proyekto ng DPWH.  Kung mayroon mang mga proyekto, matagal nang ninakaw ang pondo. At kung talagang may mga flood control project, nasaan na nga ba ang mga ito? Mga kababayan at kasama, simple lang ang hinihiling ng mga mamamayang Lagunense: unahin ang kapakanan at kaligtasan ng taumbayan kaysa sa ganansya at tubo ng dambuhalang kapitalista at mga komprador,” pahayag ng tagapagsalita ng Bagong Alyansa ng Laguna

Dagdag din ng tagapagsalita mula sa Kadamay Rizal: “Bigyan ng sapat na pondo ang ating calamity fund at hindi sa korapsyon at sa malalaking proyektong hindi naman nakakatulong sa mamamayan na siyang pinapaboran ni Marcos Jr. Hindi kami titigil hangga’t hindi binibigyan ng solusyon ang aming panawagan. Tuloy ang laban ng mga Rizaleño!”

Giit nila, patuloy nilang sisingilin ang gobyerno at mga ahensya nito upang matiyak na ang mga proyekto ay tunay na magsisilbi sa taumbayan.

Pangatlong Kilos-Protesta: Mendiola

Bitbit ang panawagan ng Timog Katagalugan, tumungo ang protest caravan sa Mendiola upang patuloy na igiit ang kanilang karapatan at panlipunang kundisyon. Binigyang-diin sa mga talumpati ang karahasan at pang-aabuso mula sa militar, pati na rin ang epekto ng sunod-sunod na kalamidad sa kabuhayan, lalo na sa mga magsasakang nawalan ng ani dahil sa baha.

Kinuwestyon nila ang pahayag ni Marcos Jr. na ang mga sakuna ay bahagi na ng “new normal. Ayon sa tagapagsalita ng Katipunan ng mga Mambubukid sa Timog Katagalugan: “Ang hindi normal ay naroon pa rin si Marcos Jr. sa Malacañang, nagpapakatuta sa imperyalistang US at nagpapalaki ng bulsa habang naghihirap ang taumbayan. Kaya kami, ang mga mamamayan at magsasaka ng Timog Katagalugan, ay narito sa Maynila hindi lang para manawagan kundi upang lumaban para sa karapatan sa lupa, kabuhayan, lokal na produksyon, at karapatang pantao.”

Sa kanila, hindi lang ito laban sa kahirapan, kundi laban sa sistemang lalong nagpapalalim nito.

Pang-apat na Kilos-Protesta: DENR

Tumungo rin sila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang ipanawagan ang umano’y kapabayaan ng gobyerno sa usapin ng climate crisis at mitigation na higit umanong pinapasan ng mga maralitang Pilipino.

Ayon kay Cleng Julve, Secretary-General ng AGHAM: “Pinagpupusuran niya ang sarili bilang ‘environment champion,’ pero sa mata ng taumbayan, siya at ang kaniyang rehimen ay itinuturing na ‘Number 1 Disaster.’”

Dagdag ni Mimi Doringo ng KADAMAY: “Ang DENR ay mistulang ‘Department of Endangered Natural Resources’ na, dahil sa sabwatan nina Marcos, US, at ng mismong ahensya, patuloy ang pagkasira ng kalikasan.”

Giit nila na mananatiling buhay ang kilusang nagtatanggol sa kalikasan at karapatang panlipunan.

Panglimang Kilos-Protesta: DSWD

Huling pinuntahan ng caravan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). Dito, binatikos ang umano’y kakulangan ng ayuda at kompensasyon para sa mga biktima ng mga nagdaang sakuna.

Mariing binanggit ni Mags Camoral mula sa Bayan Muna ng Timog Katagalugan: “₱680 bilyon ang pondo para sa flood control, pero bakit lalong lumalala ang baha sa Metro Manila at Timog Katagalugan? Kung ito’y ginamit para sa pabahay, serbisyo, trabaho, at lupa, hindi na sana kami narito, sumisigaw sa kalsada.”

Dagdag pa, ayon sa isang kawani ng DSWD, umiikot ang kalihim ng ahensya, ngunit tila hindi pa ito nakararating sa mga rehiyon sa Timog Katagalugan—na patuloy ang pagdurusa sa kulang at palpak na serbisyo.

Panghuling Kilos-Protesta: UP Diliman University Avenue

Ang huling aktibidad sa unang araw ng Protest Caravan ay ang salubungan ng mga taga-Timog Katagalugan at mga pambansang organisasyon sa University Avenue ng UP Diliman. Mainit silang sinalubong ng UP Student Council at iba pang progresibong organisasyon mula sa pamantasan at mga pambansang grupo.

Habang nasa DSWD ang hanay, lumabas ang balita na hindi na matutuloy ang impeachment case laban kay VP Sara Duterte dahil sa “one-year rule,” ayon sa Korte Suprema. Naging isa ito sa mga tinalakay ng mga tagapagsalita matapos ang salubungan. Bagamat nadismaya at nagalit ang mga grupo, iginiit nilang hindi na ito nakakagulat sa sistemang palagiang kumakampihan sa makapangyarihang politiko.

Giit nila, habang nananatili ang ganitong sistema, magpapatuloy rin ang pagdurusa ng mamamayan.

Sa kabila nito, itinuturing nilang matagumpay ang unang araw ng Protest Caravan. Anila, abangan pa ang mga susunod na aktibidad ng SONA Caravan ng rehiyon hanggang Hulyo 29.

Matapos ang salubungan ay sinundan pa ito ng solidarity speech at cultural night. Ayon sa kanila, handang-handa na ang Timog Katagalugan para sa nalalapit na SONA 2025 upang irehistro ang kanilang mga panawagan at karapatan. #



Source link

Kodao
Kodao

Kodao Productions is an award-winning multi-media production outfit. It produces videos on burning social issues in the Philippines, such as environmental destruction, human rights, and other civil liberties. Aside from videos, Kodao also produces radio programs for national radio networks and community radio stations throughout the country. Both its video and radio productions have been awarded and cited by private and government institutions.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning