Mariing tinutulan ng unyon ng Nexperia Philippines Inc. ang bagong memorandum na nilabas ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Cabuyao City, Laguna hinggil sa “Designated Single Pick-up and Drop-off Point” para sa mga sasakyan na naghahatid at nagsusundo sa mga manggagawa sa Light Industry Science Park (LISP 1).
Ayon kay Iyah Buan, empleyado ng Nexperia sa loob ng halos isang dekada, nasita ng traffic enforcer ang sasakyan ng kanilang kompanya matapos magsundo ng mga manggagawa sa highway ng Cabuyao.
Ipinabatid umano ng enforcer na titiketan ang mga drayber na lalabag sa bagong ordinansa. Ago. 8 pa raw ipinadala sa officer-in-charge ng kanilang shuttle provider ang memorandum tungkol dito.
Para sa mga manggagawa, magdudulot ang bagong kautusan ng karagdagang pasanin dahil mababawasan ang kanilang kakarampot na kita at madadagdagan din ang kanilang gastos sa pamasahe.
Bukod dito, kailangan pa nilang maglaan ng mas mahabang oras sa pagbiyahe upang makarating sa mga itinakdang pick-up at drop-off point ng POSO imbis na ilaan para magpahinga.
“Hindi ko na nga alam kung anong sakripisyo pa ang susunod na gagawin namin para sa sahod na hindi nagkakasya sa pang-araw-araw. Nagdagdag nga ng kakarampot sa sahod namin pero mapupunta lang sa dagdag gastos sa pamasahe. Parang balewala rin. Ako lang din ang nagpo-provide sa dalawa kong anak,” ani Buan sa panayam sa Pinoy Weekly.
Binigyang-diin din ng unyon na residente ng Cabuyao ang karamihan sa mga manggagawa ng LISP 1, kaya’t malaki ang ambag nila sa lokal na ekonomiya ng lungsod.
Sa halip na magpatupad sila ng mga patakaran para mapagaan at mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa, dumadagdag pa sa problema ang bagong memorandum ng POSO lalo na sa panahon ngayon na patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Nanawagan ang unyon sa pamahalaang lokal na bawiin ang kautusan at makipagdiyalogo sa mga kinatawan ng manggagawa upang makahanap ng solusyon sa problema ng trapiko nang hindi magpapahirap sa kabuhayan ng mga karaniwang mamamayan.
Hiling nila ang mga makatarungang hakbangin na makikinabang ang lahat ng sektor sa nasabing lungsod.
