Sa harap ng kanyang mga tagasuporta sa Cebu City noong Mayo 27, ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang Pilipinas ang “pinakamabilis na lumalagong bansa sa mundo,” na iniuugnay ito sa tamang direksyon na tinahak ng kanyang administrasyon upang matupad ang kanyang mga pangako noong kampanya.
Ipinakikita ng pinakabagong mga statistic mula sa Asian Development Bank (ADB) na sa rehiyon ng Asia-Pacific pa lamang, ang Pilipinas ay nasa ika-siyam na ranggo sa gross domestic product (GDP) growth rate.
Hindi bababa sa pangalawang pagkakataon, sa bilang ng VERA Files Fact Check, na gumawa si Marcos ng hindi tamang pahayag tungkol sa kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Marcos na ‘nangunguna’ ang PH sa pagbangon ng ekonomiya sa Asia-Pacific, mundo HINDI TOTOO)
PAHAYAG
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos:
“Sa ngayon, ‘yung ekonomiya natin dito sa Pilipinas, kasama ko lang ‘yung mga business community ng European Union at ‘yung mga iba’t ibang bansa, tayo ngayon ang fastest growing country sa mundo. Tama ‘yung ating direksyon. Tama ‘yung ating mga iniisip. Tama naman ‘yung ating mga ipinaglaban.”
Pinagmulan: Presidential Communications Office official website, Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. before Supporters In Cebu (archived), Mayo 27, 2023
Nakipagkita si Marcos sa kanyang mga tagasuporta sa Cebu City matapos dumalo sa launch ng Pier 88, isang P2-bilyong seaport project sa kalapit na bayan ng Liloan. Sa 2022 presidential polls, si Marcos ang nakakuha ng pinakamataas na bilang ng mga boto sa Cebu, ang No. 1 vote-rich province sa bansa, na may mahigit 1.52 milyon sa 2,852,848 kabuuang boto.
ANG KATOTOHANAN
Hindi Pilipinas ang pinakamabilis na lumalagong bansa sa mundo sa mga tuntunin ng GDP. Sa rehiyon ng Asia-Pacific pa lamang, ang Pilipinas–na may 7.6% GDP growth rate sa 2022–ay No. 9 sa 44 na mga bansa at teritoryo, ipinakikita ng pinakabagong datos mula ng ADB.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority, nagtala ang Pilipinas ng 6.4% GDP growth sa unang quarter ng 2023 kumpara sa 7.1% noong huling quarter ng 2022, kung saan ang wholesale at retail trade sector ang pangunahing growth driver. Ang GDP growth rate para sa unang tatlong buwan ng taong ito ay ang pinakamababang naitala mula noong unang quarter ng 2021.
Noong Hunyo 2, nag-tweet ang National Economic and Development Authority na ang paglago ng GDP ng Pilipinas na 6.4% sa unang quarter ng 2023 ay “pinakamabilis sa emerging economies sa Asia” na naglabas ng kanilang GDP growth rate (India, 6.1%; Malaysia, 5.6%; Indonesia, 5.0%; China, 4.5%; Vietnam, 3.3%; Thailand, 2.7%).
Noong 2022, ang Fiji at Armenia ang nag-post ng pinakamataas na GDP growth rate na may 15.9% at 12.6% ayon sa pagkakabanggit, batay sa datos ng ADB.
Ayon sa Investopedia, isang financial media website, kasama sa mga indicator ng paglago at pagbawi ng ekonomiya ang rebounding GDP, pagbaba ng unemployment rate at pagpapatatag ng inflation rate. Nahuhuli ang Pilipinas sa mga kapitbahay sa Asia-Pacific sa mga indicator na ito.
Nauna nang sinabi ng ADB na ang ekonomiya ng Pilipinas ay inaasahang bababa sa 6% GDP growth ngayong taon bago bahagyang tumaas sa 6.2% sa 2024. Ang inflation rate ay inilagay sa 6.2% sa 2023 at 4% sa susunod na taon.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Asian Development Bank official website, GDP Growth in Asia and the Pacific, Asian Development Outlook (ADO), April 2023
Presidential Communications Office official website, Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. before Supporters In Cebu, May 27, 2023
Presidential Communications Office official website, PBBM sees Pier 88 in Cebu as vital piece of puzzle in pushing for connectivity, seamless travel, global trade, May 27, 2023
Cebu Daily News, How Cebu City residents voted?, May 11, 2022
Rappler.com, Cebu turns red: Former opposition bailiwick gives Marcos his biggest win, May 28, 2022
CNN Philippines, Most vote-rich province flips from Robredo to Marcos in 2022 polls, May 11, 2022
Commission on Elections official website, Voter registration data, accessed June 4, 2023
Investopedia official website, The 6 Signs of an Economic Recovery, accessed June 5, 2023
Philippine Statistics Authority official website, GDP Expands by 6.4 Percent in the First Quarter of 2023, May 11, 2023
Asian Development Bank official website, Philippines: Economy, accessed June 5, 2023
National Economic and Development Authority official Twitter account, 𝐏𝐇 𝐐𝟏 𝟐𝟎𝟐𝟑 𝐆𝐃𝐏 𝐆𝐑𝐎𝐖𝐓𝐇 𝐀𝐓 𝟔.𝟒 𝐏𝐄𝐑𝐂𝐄𝐍𝐓 – 𝐅𝐀𝐒𝐓𝐄𝐒𝐓 𝐀𝐌𝐎𝐍𝐆 𝐄𝐌𝐄𝐑𝐆𝐈𝐍𝐆 𝐀𝐒𝐈𝐀𝐍 𝐄𝐂𝐎𝐍𝐎𝐌𝐈𝐄𝐒, June 2, 2023