(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Nov. 14, 2023.)
Isang pekeng “ulat” na may 3.4 million views sa Facebook (FB) ang nagsasabing binugbog daw ang cardiologist na si Willie Ong sa isang live na palabas sa TV. Modus ito para magbenta ng isang produkto.
Ang 38-segundong video na ini-upload noong Oct. 17 ay may logo ng CNN Philippines at headline na:
“Lumaban sa studio. Bakit binugbog si Kardiyolog Willie Ong sa Live TV? Nabigla ang mga pensionado nang malaman nila ang katotohanan.”
Hindi inilathala ng CNN Philippines ang ulat.
Ang pekeng ulat ay puno ng mga panloloko:
- Isang video ni Sen. Raffy Tulfo ang ipinagmukhang binabasa niya ang pekeng ulat.
- Isang litrato ni Doc Willie ay inedit para ipagmukhang may pasà siya sa mata.
- At isang video ng kaguluhan sa India, anim na taon na ang nakalipas, ang ipinagmukhang footage ng pambubugbog kay Doc Willie.
Ang video ni Tulfo ay mula sa June 11, 2019 episode ng palabas niyang Raffy Tulfo in Action. Ginaya sa kumakalat na video ang boses ni Tulfo at ipinatong sa video niya para ipagmukhang binabasa niya ang pekeng ulat.
Samantala, ang litrato ni Doc Willie ay mula sa senatorial debates ng CNN Philippines noong April 1, 2019. Inedit ito para ipagmukhang may pasà siya sa mata.
Panghuli, ang video ng kaguluhan ay mula sa isang debate sa isang TV channel sa India na News Nation. Ini-upload sa YouTube ng News Nation ang totoong video noong Jan. 13, 2017.
Ang pekeng ulat ay may link sa PH3.GOODS4YOUJK.COM. Hindi na nabubuksan ang website, pero ayon sa mga dating post, nagbebenta ito ng produktong naglilinis daw ng ugat ng dugo.
Matagal nang pinasinungalingan ni Doc Willie ang mga ad na gumagamit sa pangalan niya. Nilinaw niya na hindi siya nag-eendorso ng kahit anong gamot o pagkain, maliban sa isang produktong gatas na para sa mga senior citizen.
Hindi na bago ang mga pekeng ad na gumagamit ng mga eskandalo raw ng mga sikat na tao. Kamakailan lang ay pinasinungalingan din ng VERA Files Fact Check ang isang exposé raw sa isang opisyal ng Department of Health, na ginamit sa pagbenta ng isang “lunas” sa high blood pressure.
(Basahin: CNN Philippines, DOH disown FAKE exposé on ‘hidden hypertension cure’)
Ayon sa World Health Organization, mga hindi nakahahawang sakit ang nananatiling nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy, at ang high blood pressure ay isang major risk factor sa pagkakaroon nito.
Ang mga post ng pekeng ulat mula sa mga Facebook page na Med Talk (ginawa noong Oct. 16, 2023) at TV News (ginawa noong Aug. 29, 2022 bílang Pinoy Karaoke TV) ay may higit 14,069 reactions, 1,305 comments, 1,808 shares at 3,304,500 views.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)