Ilang Facebook (FB) pages at groups ang nagpakalat ng post na nagsasabing puwede nang dumiretso ng college ang mga grade 10 pagtapos mag-high-school dahil binasura na ang K to 12. Mali ito.
Hindi inalis ng Department of Education ang K to 12 na bumubuo sa labintatlong taon ng basic education mula kinder hanggang grade 12. Pinag-aaralan lang ulit ang curriculum.
Unang na-share nitong May 7, ang magkaparehong posts ay nagsasabing:
“Yeahhh!!! G-10 Next yr Direct to College na Wla Ng K-12”
Ilang netizens ang nabiktima ng maling impormasyon, at pinagdudahan naman ng iba ang post.
Kumalat ang posts na may maling impormasyon dalawang araw pagtapos i-extend ng DepEd hanggang May 13 ang pampublikong pag-aaral ulit ng binagong curriculum para sa kinder hanggang Grade 10.
Pinag-aaralan din ulit ang curriculum ng senior high school.
Sa kanyang Basic Education Report 2023 noong Jan. 30, sinabi ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na babaguhin ng DepEd ang K to 12 para “mas makatugon sa hangarin natin bilang bansa, para luminang ng mga estudyanteng may mga makabagong kakayahan, na disiplinado, at makabayan.”
Sinampa nitong April ni House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang House Bill 7893, na naglalayong palitan ang kasalukuyang curriculum bílang “K + 10 + 2”.
Layon nitong gawin ang huling dalawang taon sa high school bílang kailangan lang para sa mga magpapatuloy sa propesyonal na mga pag-aaral, gaya ng “accounting, engineering, law, medicine”. Ang pagsasampa ng panukala ay una na lang sa marami pang hakbang bago ito maging batas.
Napasinungalingan din kamakailan ng VERA Files Fact Check ang kagayang maling impormasyon tungkol sa ‘di umano’y pagbabasura sa K to 12. (Basahin: DepEd to revise, NOT abolish K to 12)
Ang maling impormasyon ng Facebook pages gaya ng WafaAdz TV (ginawa noong Oct. 4, 2021 bilang Positive TV) at Fine (ginawa noong Mar. 2, 2019 bílang I’m Fine), at na-share sa Facebook groups gaya ng WEWS 3 (ginawa noong Sep. 8, 2021) at Online Kulitan (ginawa noong Feb. 5, 2021), ay nagka-122,275 interactions áyon sa social media monitoring tool na CrowdTangle.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)