(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Oct. 7. 2023.)
Isang video sa YouTube at Facebook (FB) ang nagsasabing inutos ng Senado na ipasara ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Hindi ito totoo.
Inupload noong Sept. 28, isang araw matapos humarap sa pagdinig ng Senado ang mga opisyal ng PCSO, may pamagat ang video na:
“Senado Wasak ang PCSO Raffy Tulfo PUMUTOK sa Galit sa 2-ABUGADO ng PCSO bagong Modus ipapasara na!”
Samantala, ipinakita sa thumbnail ang litrato ng pulisya na nagsasara ng isang PCSO outlet. May naka-edit itong text na nagsasabing:
“PCSO SARADO NA UTOS NG SENADO!”
Walang utos ang Senado na ipasara ang ahensya. Ang video ay clickbait na nagpapakita lamang ng post ng mga netizen na inuudyok ang Senado na ipasara ang PCSO dahil sa ’di umano’y korapsyon.
Ipinakita rin ng video ang pagdinig ng Senado noong Sept. 27 tungkol sa pagbubuwis sa premyo at sa integridad ng lotto games.
Doon, pinagalitan ni Sen. Raffy Tulfo ang dalawang abogado ng PCSO dahil sa paulit-ulit na hindi pagpunta ng matataas na opisyal ng PCSO sa mga pagdinig. Sinabi rin ni Sen. Tulfo na pipigilan niya ang pagtatangka ng PCSO na gawing online ang pagbili ng mga ticket sa lotto.
Samantala, kapag sinearch ang litrato ng pulisya sa thumbnail, madidiskubreng kuha ito ng Rappler noong 2019 matapos pansamantalang ipahinto ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang mga operasyon ng PCSO dahil sa “malaking korapsyon”.
Noong Mayo, pinasinungalingan ng VERA Files Fact Check ang kagayang sabi-sabi na ipinasara ni Sen. Tulfo ang PCSO.
Inupload ng YouTube channel na PINAS NEWS INSIDER ang kasinungalingang video at nagka-74,329 views, 4,400 likes at 1,495 comments. Ni-repost ng FB page na Deandre Mejia ang video at nagka-551 views.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)